TRANSCRIPT: Ang muling pagbangon ni Wally Bayola
Naging usap-usapan ang pagkalat ng isang pribadong video ng komedyanteng si Wally Bayola. At matapos pumutok ang isyung ito, pinili ni Wally na lumiban muna mula sa kanyang noontime show na “Eat Bulaga.”
Makalipas ang limang buwan, muli siyang humarap sa publiko noong kaarawan ng kanyang co-host at kaibigang si Jose Manalo.
Sa pagbabalik ni Wally, hindi niya napigilan ang pagiging emosyonal. Humingi rin siya ng kapatawaran mula sa kanyang mga kasamahan sa nasabing noontime show.
Pinaunlakan ni Wally ng one-on-one interview si Jessica Soho, kung saan ibinahagi ng komedyante ang kanyang mga pinagdaanan nang pansamantalang nawala sa showbiz. Ikinuwento rin niya ang kalagayan ng kanyang anak na may cancer at ang kanyang pagbangon ngayong nabigyan siya ng pangalawang pagkakataon.
Narito ang buong panayam ni Wally Bayola sa programang “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Jessica Soho: Wally, maraming salamat sa interview na ito. Ang una kong tanong sa ’yo, bakit sa palagay mo, you deserve a second chance? Bakit, sa palagay mo, dapat kang patawarin ng madla?
Wally Bayola: May nag-question din po sa akin niyan. Kumbaga, sobrang sinisi ko po ‘yung sarili ko. I prayed so hard. Dumating na sa punto na ayoko nang mag-artista, ayoko nang lumabas ng bahay, ayoko nang lumabas ng kuwarto, ayoko nang may kausap. Napapraning po ako, ganun ‘yung sitwasyon. Nahihirapan po ako.
Jessica Soho: Noong sumabog ang istorya, nagtago ka lang?
Wally Bayola: Opo, nasa kuwarto po ako. Hindi ko alam kung bakit naawa sa ’kin ‘yung mga anak ko. Nagtaka rin ako, hindi sila nagalit sa akin. Kasi naisip ko, ‘Papasok pa kaya [sa eskwelahan ang mga anak ko]?’ Baka i-bully. Kumbaga, gusto kong parusahan ang sarili ko, na ayoko nang sumaya. Gusto ko lang tahimik na.
Jessica Soho: Meron bang nagtatanong ng ‘Wally, bakit mo ginawa ‘yun?’ Ano ang naisasagot mo?
Wally Bayola: Minsan po sinasabi ko na, ‘Kabobohan ko po kasi.’ Minsan, sinasabi na rin ng ibang tao, ‘Ano ka ba? Tao tayo, nagkakamali.’ Pero minsan, hindi ko talaga ina-accept ‘yun, kasi sinisisi ko talaga ang sarili ko.
Jessica Soho: Nag-iisip ka ba noon? Hindi mo inisip na, ‘Bakit kailangan i-video ‘yung ganun?’
Wally Bayola: It’s not actually na parang pinlano ‘yung video. Parang, nandoon lang ‘yung laptop, nakabukas. Tapos, nag-picture picture, ganun.
Jessica Soho: Kasi ‘di ba, bago ‘yung kaso mo, mayroon na ring mga nangyaring sex video na lumabas. Hindi ka at all natakot?
Wally Bayola: Nung time na dine-delete ko na [‘yung video], ‘yun po ang naisip ko. Iniisip ko rin po ‘yung sa sitwasyon ko po bilang [artista] po. Doon ko po naisip kaya ko po dinelete.
Jessica Soho: Kaso, nasa hard drive ‘yung video?
Wally Bayola: ‘Yun nga ang naging problema, kasi kahit pala i-delete mo ‘yun o i-reformat mo nang isang beses pa, mayroon pa pala ‘yun... Kasi in-explain sa akin ng isang technician na kahit tumagal nang tumagal ‘yung laptop, maipasa na kung kanino, maibenta na kung kanino, nare-retrieve lahat kahit mga deleted files na.
Jessica Soho: Wally, ipu-pursue mo pa ba na malaman kung sino ang nagpakalat nung video na ‘yun? May imbestigasyon bang ginawa?
Wally Bayola: Meron pong imbestigasyon na ginawa sa NBI. Natukoy po nila.
Jessica Soho: Ano ang mangyayari doon sa nagpakalat? Kakasuhan mo pa ba?
Wally Bayola: Ako na lang po ang hindi nagpatuloy. Sinabi ko na lang din po na ‘Sir, kung ako nga po pinatawad ng pamilya ko. Hindi ko po alam kung ano man po ang purpose o reason na nangyari po ito sa ’kin.’ Basta po, pinapatawad ko na lang po siya.
Jessica Soho: Pero, Wally, doon sa mga natatanong, ano ang paliwanag mo sa ginawa mo?
Wally Bayola: Wala po akong ginawang paliwanag kundi akuin ko po ‘yung kasalanan ko. Wala po akong iba pang sasabihin kundi ‘yung paghingi ko ng tawad – unang-una sa asawa ko, sa pamilya ko, sa mga anak ko. Para sa akin, hindi nila deserve ang madawit sa kahihiyan.
Jessica Soho: Kumbaga, dadalhin mo na ‘yan habangbuhay?
Wally Bayola: Opo, sa tingin ko po kasi, maliliit pa ang mga anak ko. Ngayon, hindi na po yata mawawala ‘yung history doon sa internet. Even if you type the name Wally Bayola, nakasulat na po ‘yan. Sana in time, ma-explain ko lang ng maluwag sa anak ko na maliliit. Hihingin ko pa rin po ’yung [patawad nila] sa nangyaring ganito-ganito, na ‘nakagawa ako ng kasalanan sa inyo, at nakagawa ako ng kasalanan sa nanay niyo.’
Jessica Soho: I understand naubos ‘yung pera mo dahil siyempre hindi ka nagtrabaho nang five months tapos mayroon kang anak na may cancer, may anak ka na nasa eskwela at ikaw lang ang kumikita sa pamilya niyo. Paano ninyo nakayanan ito?
Wally Bayola: Kasalukuyan pong kini-chemotherapy ‘yung anak ko noong pumutok po ‘yung issue. Kasi po, na-diagnose po ‘yung anak ko na hindi po basta-basta [katulad noong] natural na cancer na nalalaman natin – rare case na kung titignan po natin sa internet, kahit tanungin ko po kung may nag-survive doon, wala. Wala pa.
Doon po ako naniwala na kahit ano palang yaman, kapag binigyan ka talaga ng pagsubok o ng sakit o ano, mauubos pala talaga ‘yan. Paunti-unti po, nakikita ko po na ‘yung ipon ko po halos napupunta na lang din doon [sa pagpapagamot]. May mga anak din po akong nag-aaral. ‘Yung panganay ko po, ‘yun po ang pinakamasakit. Nag-give way po siya. Hindi po siya nag-enroll.
Jessica Soho: ‘Yun ang pinakamahirap, ‘yung epekto sa mga anak mo?
Wally Bayola: Sabi ko sa anak ko, ‘Pasensya ka na, ang tanga-tanga kasi ng papa mo.’ Kung hindi ako gumawa ng ganoon, siguro kahit nagpapagamot ‘yung kapatid nila, masusuportahan ko [sila sa] pag-aartista po. Naaawa lang ako sa mga anak ko.
Ang mahirap po, ‘yung after the chemo, ‘yung nanghihina ‘yung anak ko. Doon po siya tumatagal sa ospital. Sinasalinan po siya ng dugo, ng platelet, ng antibiotics po. Ikinagulat ko po na ang tatlong pirasong antibiotic is P4,800. Isang trial na antibiotic pa rin, P66,000.
Jessica Soho: At some point, naging suicidal ka ba, Wally, o nag-iisip ka ba na magpakamatay?
Wally Bayola: Opo, kasi uminom po ako ng gamot na paggising ko, iinumin ko na naman para makatulog ulit. Tapos gusto ko ngang ubusin. Akala ko sa sine ko lang nakikita o sa telebisyon ko lang nakikita ‘yung tulala na tumutulo ‘yung luha. Dinanas ko, totoo talaga na nangyayari ‘yung ganoon.
Sa tulong din ni Jose [Manalo], kasi siya ‘yung unang natawagan ko, pinaliwanagan niya po ako na ‘Ano ka ba? ‘yung pagkakamali dadagdagan mo pa ng isang pagkakamali? Ayusin mo ang buhay mo.’
Jessica Soho: Pero ang misis mo, ang bait ha. Ano ang ginawa mo?
Wally Bayola: Opo, saludo po ako sa kanya. Nagsabi lang po ako sa kanya ng totoo, humarap po ako sa kanya kahit alam ko pong nasasaktan siya. Kailangan ko pong magsalita ng katotohanan. Hanggang naisip ko po ‘yung sitwasyon ng anak ko na parang pabigat na [ako], parang wala pong breadwinner talaga. Hindi naman po kami lahi ng mayaman, ako lang po talaga ‘yung nagtatrabaho. ‘Yun po ang nag-push sa akin na bumangon ulit. Kasi mahirap pong magpagamot ng anak.
Babangon talaga ako. Hindi man para sa akin ang second chance na ‘to, madugtungan ko lang ang buhay ng anak ko sa pagpapagamot. Kumbaga, sabi ko, paano ko kaya mababayaran ‘yung ibinigay nila na chance bukod sa magiging maingat na ako at aayusin ko na ‘yung mga galaw ko, mga desisyon ko sa buhay.
Jessica Soho: Ngayon, halatang nangangapa ka pa [sa pagbabalik sa “Eat Bulaga”]. Inuutus-utusan ka ni Jose [Manalo]. Ano ‘yun, natural? Kumbaga, ‘yun din ba ang payo sa ’yo?
Wally Bayola: Sabi ko nga doon sa kaibigan ko, parang bumalik ‘yung dati – noong galing ako ng probinsya sa Naga, nagtrabaho ako dito sa Maynila na wala akong alam dito sa Maynila.
Jessica Soho: Para kang nagsimula ulit?
Wally Bayola: Opo, kasi isipin ko man po o gawin ko ulit ‘yung [natural] na ako, hindi ko maiiwasan mag-isip na ‘tama kaya itong gagawin ko?’ o ‘nababagay po kaya ang gagawin kong action?’ Baka mamaya, ma-nega na naman ako. Alam niyo po ‘yung ganoon? Kasi ngayon kahit medyo matagal na, parang na-refresh ulit sa mga tao noong nakita nila ako. Ganoon po ang feeling ko.
Nagpapasalamat po ako sa “Eat Bulaga,” sa TVJ (Tito, Vic and Joey), sa mga Dabarkads o kasamahan kong hosts.
Jessica Soho: Sa pagbabalik mo sa “Eat Bulaga,” ano pa ang maaasahan mula sa’yo?
Wally Bayola: Hindi ko po sasayangin ‘yung pagkakataon na ibinibigay niyo sa akin. Kung gaano po siguro ako [naging masipag] noon, dodoblehin ko ngayon. Kung papaano po ako nagbibigay ng [saya], kailangan kong ayusin ‘yun eh. Kumbaga, ipakita sa tao na ang pagkakamali ko po, ayoko nang balikan. —Rica Fernandez/CM, GMA News