ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Janine Gutierrez at Elmo Magalona, naging nanay at tatay sa 22 na bata


Isa. Dalawa. Tatlo. Ilan ba ang anak mo? Gaano man sila karami, tiyak na napakahirap magpalaki at mag-alaga ng mga bata. Pero paano kaya kung ang mga anak mo, umabot na sa 22? Kayanin mo kaya? Iyan ang susubukan nina Janine Gutierrez at Elmo Magalona sa loob ng isang araw — ang maging magulang sa “Pamilya Bente Dos.”

Nakilala nina Janine at Elmo si Aling Rosalie, ina ng 22 bata.

‘Pamilya Bente Dos’

Disi-siyete pa lang si Aling Rosalie nang ipanganak niya ang panganay nila ng asawang si Mang Danilo. Magmula noon, sunod-sunod na raw ang kaniyang pagbubuntis. Hindi raw kasi nila alam ang konsepto ng family planning.

Para buhayin ang mga anak, iba’t ibang trabaho ang pinasok ng mag-asawa. Nasubukan ni Aling Rosalie na magtinda sa Divisoria ng isda at gulay, naglabada rin siya at naging taga-igib ng tubig para lang kumita. Si Mang Danilo ay dating bargeman sa Baseco at ngayon ay isa nang street sweeper para sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

P450 ang average na kita nang mag-asawa sa isang araw. Maliit na halaga kumpara sa dami ng sikmurang kailangan nilang punan sa araw-araw.

Wala pa sa mga anak nina Aling Rosalie at Mang Danilo ang nakakatungtong ng kolehiyo. Ang iba nga ay hindi na nakakapasok sa eskwelahan. Kung minsan, nagsasalitan pa nga ang mga bata sa pagpasok upang makatipid daw sa pambaon. Uunahin pa nga ba nila ang edukasyon kung sa pagkain lang ay problemado na ang pamilya?

Nanay at tatay for a day

Kapwa mula sa showbiz families sina Janine at Elmo. Si Janine, panganay sa apat na magkakapatid at anak nina Lotlot de Leon at Ramon “Monching” Christopher. Pang-anim naman si Elmo sa walong magkakapatid. Anak siya ng Master Rapper na si Francis M. at ni Pia Magalona.

Malaki man ang pamilyang pinagmulan nina Janine at Elmo, malaki ang kaibahan nito sa “Pamilya Bente Dos.” Mas maginhawa ang kanilang mga buhay at parehas na nakapag-aral.  Kaya isang napakahirap na challenge ang tumayong magulang sa 22 na mga bata sa loob ng isang araw.

Pinaliguan nina Janine at Elmo, bilang “Nanay and Tatay for a Day,”
ang mga anak at apo ni Aling Rosalie.

Pagdating pa lang ng dalawa, mainit na silang sinalubong ng mga anak at apo ni Aling Rosalie na minsan ay dumadalaw din sa kanilang bahay. Pagkatapos makilala ang mga miyembro ng “Pamilya Bente Dos,” nagsimula na ang dalawa sa kanilang challenges. Una muna nilang pinaliguan ang ilan sa mga anak at apo ni Aling Rosalie. Halatang nag-enjoy ang dalawa kasama ang mga bata.

Matapos nito, pinasubok naman ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” (KMJS) sa dalawa ang trabaho nina Aling Rosalie at Mang Danilo.

Sumabak sa paglalaba si Janine kasama ang bunsong anak ni Aling Rosalie na si Princess, habang si Elmo ay nakipag-bonding sa mga bata sa pamamagitan ng basketball.

Si Janine, sumabak sa paglalaba. “Sa amin, ang nilalabhan ko madalas mga damit ko saka damit ng iba kong kapatid,” kwento niya.

Si Elmo naman, sinubukang maging isang street sweeper. Sa huli, kumita ang dalawa ng P816 na siya namang pagkakasyahin nila para sa hapunan nang pamilya sa araw na ’yon.

Habang abala si Janine sa pagluluto, inaya naman ni Elmo ang mga bata na maglaro ng basketball. Dito mapapansin na mas naging malapit si Elmo sa mga batang kanyang inaalagaan. Ang bunso ngang anak ni Aling Rosalie na si Princess, walong taong gulang, “Papa” na ang tawag kay Elmo.

Nang matapos magluto si Janine, saktong dumating naman sina Elmo mula sa paglalaro ng basketball. Pritong talong na may bagoong, gisadong itlog, pritong manok, at kanin ang pinagsaluhan nilang lahat.  Mismong si Janine pa nga ang nagpakain sa isang apo ni Aling Rosalie na si Jessie.

Hirap at ginhawa

Pagod man sa pag-aalaga sa mga bata, bakas kina Janine at Elmo
ang saya sa kanilang naranasan.

Ramdam ng lahat ang saya nina Janine at Elmo sa araw na tumayo silang mga magulang sa mga anak at apo nina Aling Rosalie at Mang Danilo; ganoon din ang mga bata.

“Nag-enjoy ako na makilala sila. Masaya kasi napakain ko ‘yung mga bata,” sabi ni Janine.

“Masaya ako kasi para talaga kaming naging magulang nila,” dagdag pa ni Elmo.

Pero maligaya man ang lahat sa lumipas na araw, hindi maipagkaila sa dalawa na sa totoong buhay, mahirap pa rin ang magkaroon nang isang pamilya na may 22 anak at siyam na apo.

“Mahirap matutukan lahat kasi marami sila, mahirap magbalanse ng atensyon sa lahat,” kwento ni Elmo.

“Hanga ako [kina Aling Rosalie].  [Dahil sa kanila] mas na-appreciate ko [‘yung] ginawa nang parents ko sa’kin,” ani Janine.

Tinanong din sila nang KMJS kung plano rin ba nilang bumuo ng isang malaking pamilya sa hinaharap, “Masaya man may malaking pamilya pero hindi ‘to para sa lahat. Oo siguro, pero hindi aabot sa bente [na anak],” sagot ni Elmo.
Sina Janine Gutierrez at Elmo Magalona kasama ang “Pamilya Bente Dos.”

Sa panahon ngayon na kaliwa’t kanan ang pagtaas ng presyo ng bilihin at ang cost of living, mas malaking hamon ang bumuo ng isang pamilya at magpalaki ng mga anak. Totoong napakahalaga pa rin nang maayos pagpaplano ng pamilya dahil sa bandang huli, para rin naman ito sa ikabubuti nang ating mga anak. —Gerald Vista/LBG, GMA News