ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Singer-comedian Janno Gibbs: Yes, dumaan ako sa depression




Ang pagkakaroon ng problema at pagdaan sa mga pagsubok, normal na parte ng ating buhay. Ngunit kapag labis nitong naaapektuhan ang damdamin ng isang tao, maaari itong magkaroon ng seryosong implikasyon sa kalusugan.

Noong 2010, matagal na hindi lumabas sa telebisyon ang singer-comedian na si Janno Gibbs. At tuwing tinatanong siya kung bakit, wala siyang ibinibigay na direktang sagot.

Pero sa pagharap niya sa publiko kamakailan, inamin niya na dumanas siya ng matinding depresyon.

“I have to admit I kept on denying kapag tinatanong ako. Pero I’m saying it now na yes, dumaan ako sa depression,” pahayag ni Janno sa panayam na naipalabas sa “Kapuso Mo Jessica Soho.”

Isa sa mga naidulot ng depresyon kay Janno ang pagbigat ng kanyang timbang. Nawala rin daw ang kanyang kumpiyansa sa sarili dahil dito.

Dumating pa nga raw sa puntong ayaw na niyang lumabas sa kanilang bahay at hindi na siya makapagtrabaho nang maayos.

“Sa camera lagi kang nakangiti, lagi kang masaya. Pero sa likod ng camera, usually, hindi ganoon ang buhay mo,” kuwento ng singer-comedian.

Sa kabutihang palad, nakahingi si Janno ng tulong sa espesyalista. Sa kasalukuyan, mas mabuti na raw ang kanyang kalagayan. Malaki rin daw ang naging papel ng kanyang pamilya at mga mahal sa buhay para malampasan niya ang pagsubok na ito.

“I’m lucky I have a family that supports me,” aniya.

Ano ang dahilan at napagpasiyahan ni Janno na ibahagi sa publiko ang kanyang pinagdaanan?

“Dahil napapansin ko, kulang tayo sa awareness,” sagot niya. “Unlike sa States na normal lang na aminin mo na may pinagdadaanan ka. Dito, kapag narinig ‘yung psychiatrist, iniisip may tama ka o baliw ka.”

Ano ang depresyon?

Ayon sa tala ng World Health Organization (WHO), 350 milyong tao sa buong mundo ang nakararanas ng depresyon. Ang sakit na ito, walang pinipiling edad o estado sa buhay.

Malaki ang pagkakaiba ng simpleng kalungkutan sa depresyon. Ang kalungkutan, maaaring panandalian lamang. Ang depresyon, araw-araw kung umatake.

Ayon sa psychiatrist na si Dr. Ryan Rabago, kayang baguhin ng depresyon ang pananaw at takbo ng ating pag-iisip.

“Ang depression talaga, kahit anong mangyari, tuluy-tuloy ang kalungkutan niya at tinatawag nga nating persistent, halos araw-araw,” paliwanag niya.

Tatlong uri ng depresyon

Mayroong tatlong pangunahing uri ang depresyon.

Una, ang major depression, kung saan madalas sisihin ng pasyente ang sarili sa mga hindi magandang pangyayari sa kanyang paligid. Kabilang din sa mga sintomas nito ang kawalan ng interes sa mga aktibidad.

Pangalawa, ang atypical depression, kung saan idinadaan ng isang tao sa labis na pagtulog at pagkain ang solusyon sa kanyang problema.

Pangatlo, ang chronic depression o ang sobrang tagal na kalungkutan na maaaring umabot ng dalawang taon.

Kapag napabayaan ang depresyon, maaari itong humantong sa pagpapakamatay. Maaari ring manakit ng kapwa ang mga taong depressed.

Huwag matakot humingi ng tulong

May mga paraan naman para malabanan ang depresyon.

Una, ugaliing mag-ehersisyo at kumain ng masustansyang pagkain. Pangalawa, sikaping madalas na makipag-usap sa mga mahal sa buhay o kaibigan sapagkat nakakatulong ito. Pangatlo at higit sa lahat, huwag matakot na humingi ng tulong sa mga propesyonal.

Isa ang Natasha Goulbourn Foundation sa mga organisasyon dito sa Pilipinas na tumutulong sa mga taong dumadaan sa depresyon. Itinayo ito ni Mrs. Jean Goulbourn, isang ina na minsan nang naranasan na magkaroon ng anak na may depresyon.

Nagbibigay sila ng lectures at seminars para sa mas malawak na kaalaman at pag-unawa tungkol sa depresyon.

Narito ang mga numero ng Natasha Goulbourn Foundation na maaaring tawagan ng mga nais humingi ng tulong: (02) 804-HOPE (4673) o 0917-558-HOPE (4673). Mayroon din silang toll-free number para sa mga Globe at TM subscribers: 2919.

Tandaan na ang depresyon, imbes na ikahiya, ay mas nararapat na tugunan. Kung mayroon kayong kakilala na dumaranas nito, malaking tulong ang pagpaparamdam sa kanila ng inyong pagmamahal at suporta. —Rica Fernandez/KG, GMA News