Sino ang may hawak ng orihinal na recipe ng sisig?
Paboritong ulam o pulutan ng mga Pinoy ang sisig. Karaniwang gawa ito sa tinadtad at inihaw na maskara ng baboy. Hinahaluan din ito ng sibuyas, toyo at calamansi.
Kapag sinabing sisig, hinding-hindi mawawala sa usapan ang “Sisig Queen” na si Lucing Cunanan ng Angeles, Pampanga.
Ayon sa anak ni Aling Lucing na si Zeny, aksidente lang daw kung papaano naimbento ng kanyang ina ang sisig.
Minsan, nasunog daw ang tenga ng baboy na iniihaw ni Aling Lucing. Para hindi ito masayang, tinadtad niya ito at tinimplahan ng sukang tubo, toyo, sibuyas, paminta at sili.
Yumao na ang Sisig Queen na si Aling Lucing noong 2008, pero ang kanyang karinderya, tinatangkilik at dinadayo pa rin.
“Wala naman nagbago kasi hinahanap-hanap pa rin ng mga tao,” pahayag ni Zeny na siyang may hawak ngayon ng orihinal na sisig recipe. “Naituro naman niya [Lucing] sa amin kung pa’no ito gawin.”
Ang ipinagmamalaking sisig ng mga Pinoy, nakilala na rin sa Estados Unidos kamakailan. Katunayan, sa isang artikulong inilabas ng New York Times, ang bersyon ng sisig na matatagpuan sa Lumpia Shack Bar ang binansagang "greatest pork dish on earth." —Rica Fernandez/BM, GMA News