Inspirasyon para sa Chori Burger na sikat sa New York, matatagpuan sa Boracay
Ang burger, kilalang pagkain ng mga Amerikano. Pero kamakailan, ang itinanghal na pinakamasarap na burger sa New York City, gawang Pinoy: ang Chori Burger.
Gawa sa pinaghalong giniling na karne ng baka at longganisa ang palaman nito. At para gawing mas Pinoy ang lasa, nilalagyan din ito ng banana catsup at atsara.
Mabibili ang Chori Burger sa Jeepney, isang kainan na pag-aari ng mga Pinoy na si Nicole Ponseca at ng chef na si Miguel Trinidad. Nagkakahalaga ito ng $17 o humigit-kumulang P731.
Ang inspirasyon daw nila para sa Chori Burger, nagmula sa isang burger stand sa Boracay.
Isa raw sa mga pinakasikat na pagkain sa nasabing isla ang inihaw na chorizo o longganisa. At ang nagpasimuno raw nito ang Merly’s BBQ.
Mga inihaw na pagkain lang daw talaga noon ang iniaalok ng Merly’s BBQ, pero dahil madalas na naghahanap ng tinapay ang mga turista, naisipan nilang ipalaman ang inihaw na chorizo sa tinapay.
Dahil pumatok, kalaunan ay marami na ring kainan ang sumunod sa kanilang istilo. Pero pagmamalaki ng Merly’s BBQ, iba pa rin ang original. Natutuwa rin daw sila na ang sarap ng chorizo ng Boracay, umabot na hanggang sa Amerika. —Rica Fernandez/BM, GMA News