ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Ang sorpresa kay Mikee

Sa panahon ngayon, kahit nga raw sino puwede nang maging celebrity. Sa pamamagitan kasi ng social media tulad ng Facebook at Twitter, madaling nang naipakikita at naipakakalat ang natatanging galing ng isang tao gaya ng pagkanta at pagsayaw.
Madalas nga raw mag-trending at mag-viral ngayon ‘yung may kakaibang gimik sa kanilang litrato at video. At kung video ng pagkanta ang pag-uusapan, kalimitang sumisikat daw ay 'yung mga kung makabirit… wagas!
Pero iba si Mikee Cate. Hindi siya biritera at lalong hindi siya gimikera. Dahil si Mikee, boses at gitara lang ang naging puhunan, instant online celebrity na!
Kinilala ng programang "Kapuso Mo, Jessia Soho" si Mikee at nalaman namin na higit pala sa kanyang talento, marami pa ang dapat hangaan sa kanya.

Most Requested Video
Nito lamang nakaraang linggo, nakatanggap ang Kapuso Mo, Jessica Soho ng maraming request para maitampok sa programa ang isang viral video.
Ang video, na mayroon nang mahigit 1 milyong likes at view sa Facebook, walang birit-birit. Ang kumakanta, relax na relax lang habang naggigitara, pero ang kanyang tinig, talaga naman daw tumatagos sa puso!
Ang kumakanta ay ang 25-anyos na si Mikee Cate.
Pero ang mas hinangaan ng mga netizen kay Mikee, ang malinaw na malinaw niyang pagbigkas sa mga salita ng kanta, sa kabila ng pagkakaroon ng bingot o “cleft lip” at “cleft palate.”
Ni sa hinagap, hindi raw naisip ni Mikee na sumikat dahil sa kanyang video. Minsan lamang daw niyang napagkatuwaang kuhanan ang sarili habang kumakanta. Hindi raw inasahan ni Mikee na maraming makaka-appreciate sa video niya.
“Actually, trip ko lang talaga 'yung gumawa ako ng videos. Matagal na rin kasi akong hindi po kumakanta. So ayun, nagulat lang talaga ako na magiging ganun. Hindi ko alam kung paano nangyari,” sabi niya.

Espesyal na anak
Panganay sa tatlong magkakapatid si Mikee. Pero ipinanganak siyang may cleft lip at cleft palate o bingot sa labi at ngala-ngala. Naging maselan daw kasi noon ang pagbubuntis kay Mikee ng kanyang inang si Chat.
Dumaan si Mikee sa apat na operasyon bago naisaayos ang kanyang bingot. Nagpursigi rin si Chat na turuan siya para maging maayos ang kanyang pananalita.
“Isang advice ng doctor, kailangan kung ano 'yung regular na salita, ganun din ang pakikipag-usap. Kasi kapag binaby talk mo siya, hindi magiging straight 'yung speech niya. Every time na mayroon siyang maling word, kino-correct namin siya kung paano ang tama. Letter by letter kino-correct namin siya,” kuwento ni Chat.
Hindi naman naiwasang tuksuhin si Mikee dahil sa kanyang kalagayan. At dahil dito unti-unti raw bumaba ang kumpiyansa niya sa sarili.
“Nung bata po ako, halos araw-araw umuuwi po akong umiiyak. Tapos hindi ko makakalimutan, may dalawang bata na ang tawag sa akin 'halimaw,'" sabi ni Mikee.
Pero ginawa raw ng kanyang ina ang lahat para magkaroon siya ng tiwala sa sarili. Hinihikayat siya nito noon na sumali sa iba’t ibang school activities. At dito na rin nagsimula ang kanyang talento sa pagkanta.
“Actually, bata pa lang po talaga ako nung nag-start kumanta. Kasi mom ko po kumakanta rin so gusto niya ako rin ganun. Siguro narinig niya rin na may boses ako, 'yun nga lang 'yung salita ang talagang inaaral namin. May times na umiiyak na rin talaga ako kasi hindi ko makuha yung tinuturo niya.”
At sa pagkanta na nga nahanap ni Mikee ang kanyang sarili. Sa tuwing umaawit, nalilimutan daw niya ang kanyang mga pinagdaanan. At unti-unti rin daw niyang naibalik ang paniniwala sa kanyang abilidad.
Sa katunayan, nang magkolehiyo, napili si Mikee na gumanap bilang isa sa mga lead role sa musical play na Rent na idinaos sa kanilang eskwelahan.
Nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Fine Arts and Design sa University of Sto. Tomas si Mikee. Sa kasalukuyan, nakikipagsapalaran siya multi-level marketing o networking.

Pangarap at sorpresa
Bagama’t kursong Fine Arts and Design ang natapos ni Mikee, pangarap daw niya talaga maging isang ganap na singer.
At ang kanyang pinakainiidolo, walang iba kundi si Aiza Seguerra!
Kaya laking gulat na lang niya nang bigla siyang sinorpresa ng Kapuso Mo Jessica Soho. Walang kamalay-malay si Mikee na habang kinukunan siya ng staff ng programa, nasa labas lang ng silid ang pinakahinahangaan niyang mang-aawit.
Habang shooting, muling ipinaawit kay Mikee ang “Maybe This Time,” ang kantang nagpa-viral sa kanya sa Internet. At pagdating ng chorus, naki-jam na si Aiza!
Hindi na napigilan ni Mikee na maluha nang makita ang idolo. Hindi na rin siya halos nakaimik at nakakanta dahil sa sobrang tuwa.
“Sobra pong saya. Hindi ko ma-explain. Nakakagulat, nakaka-surprise, nakakakilig. Idol ko kasi siya (Aiza) mula nung 'Pagdating ng Panahon,' sa mga sunud-sunod niyang cassette, dati cassette pa 'yun, so ayun, binibili talaga ng parents ko,” sabi ni Mikee.

Si Aiza naman, naging magiliw ang pagsalubong kay Mikee.
“I love how you sing. Just keep on doing it. Kasi the more you do it, the more you get better, diba? So sa totoo lang, hindi ako nagbibiro. I even told Liza when I first saw your video, Sabi ko, ‘Look at her, I love how she sings.’ It's very mellow, talagang ang sarap pakinggan... not all people have that 'yung pagiging malamig e. So ikaw yun, meron ka nun,” pagkukuwento ni Aiza.
Pagkatapos nilang kumanta, binigyan niya si Mikee ng ilang tip sa pagkanta at itinono pa ang kanyang gitara.
“Siguro ang tip ko lang na masasabi sa'yo is pakinggan mo 'yung sarili mo, ‘Am I doing it right? Are there notes na parang medyo nag-flat or nag-sharp?’ One good thing is you have an instrument. So kapag may instrumento ka, mas magiging matalas 'yung tainga mo,” sabi ni Aiza.
Sa huli, niyaya pa ni Aiza si Mikee ng isa pang round ng kantahan at inimbitihan siya sa album launch niya sa isang mall.
Pinatunayan ni Mikee, na kung anuman ang ating kakulangan, kayang-kaya itong mahigitan ng ating talento. At minsan, ang buong buhay nating hinihintay na pagkilala, tyumitiyempo lang ng tamang timing!
“Sa lahat po ng tulad ko na may cleft lip, cleft palate, maraming-marami pong pagdadaanan na masasakit. Pero maging malakas kayo. Huwag bibitawan ang pangarap. Ituloy ninyo ang pangarap ninyo. Huwag ninyong hayaan na panghinaan kayo ng loob dahil dito (sa mundo) pantay-pantay tayo,” sabi pa ni Mikee.—Carlo Isla/BMS
More Videos
Most Popular