ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Dahil sa mali-maling lyrics, isang teenager naging instant celebrity
Mapanonood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
Marami-rami na ang mga tao at personalidad ang napasikat ng internet at social media. Sa katunayan, linggo-linggo, may bagong mga photo at video na nagiging viral at kinahuhumalingan ng mga netizen. At kadalasan, ang mga video na sumisikat ay mga cover version ng mga kilalang kanta.
Ngayong taon, isa sa pinakapopular na kanta ang “Love Me Like You Do” ni Ellie Goulding, mula sa soundtrack ng pelikulang “Fifty Shades of Gray.” Dahil dito, isa rin ito sa mga pinakapaboritong gayahin ng mga netizen.
Sa dinami-dami ng bersiyon ng kantang ito, isa ang talaga naming bukod-tangi – ang selfie video ng isang beki! Pagka-upload pa lang daw ng video niya, viral agad-agad! Pero ang kaniyang instant na kasikatan, hindi lang daw dahil sa kaniyang boses o itsura. Kapansin-pansin kasi na ang lyrics na kaniyang kinakanta, mali-mali!

Sari-sari ang reaksiyon ng mga tao sa video niya. May ibang natawa at natuwa. May iba namang nangutya at pinulaan ang kumakanta.
Bakit nga ba ganoon ang pagkakanta niya? Sinadya nga ba niya iyon para siya ay mapansin? O may mas malalim pang dahilan?
Instant celebrity
Hinanap ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" at natagpuan sa Sta. Fe St. sa Tondo, Manila ang beki na nasa viral video na “Love Me Like You Do” na si Jhon Paul Ganton.
Kilala sa kanilang lugar sa Tondo si Jhon Paul, alyas “Kimswang.” Madalas daw kasi siyang bumibida sa mga pista at sa iba't ibang okasyon doon para magstand-up comedy! Bukod dito, suki na rin daw siya sa mga Miss Gay for Teens.
Pinangalanan daw siyang “Kimswang,” mula kay “Kim Chiu” na madalas niyang gayahin sa mga sinasalihang gay pageant at “aswang” na tukso naman sa kaniya sa kanilang lugar.
Pero ngayon, hindi lamang mga tawa at palakpakan sa entablado ang kaniyang natatanggap. Nadagdagan na rin ang kaniyang mga tagahanga dahil sa dami ng online likes at shares sa kaniyang viral video.
“Marami po nagsasabi na ‘sikat na yung idol ko,’ na nakakatawa. Marami (rin) pong nagsasabi (na), ‘siya ‘yun oh, siya yung kumakanta.’ Marami pong nagpapapicture minsan,” sabi pa ni Jhon Paul.

Ayon kay Atasha dela Cerna, ang kasulukuyang tumutulong at kumukupkop kay Jhon Paul, hindi na raw siya nagulat nang mag-viral ang video ng alaga. Libangan na daw talaga ng bata ang mag-emote sa harap ng camera.
“Kunwari papasok siya sa kwarto, maglilinis siya. Pagkatapos niya maglinis ng kwarto, kukunin niya ‘yung iPad, kasi aalis na ako nun e. Hanggang gabi, magre-record siya, magpi-picture siya, pagbukas ko na naman ng iPad puro picture niya, puro video niya,” dagdag ni Atasha.
Bukod dito, hilig din daw ni Jhon ang kumanta. At aminado na siya na tila wala naman daw kahilig-hilig sa kaniya ang musika!
Pero paglilinaw ni Jhon Paul, hindi niya sinasadyang mali-maliin ang kaniyang lyrics para lamang pag-usapan. Dahil ang katotohanan si Jhon Paul ay maituturing na no-read no-write.
No-read, no-write
Kung ang buhay ng iba, malapelikula, ang buhay ni Jhon Paul tila halaw naman sa isang OPM na kanta. Sa edad na 14-anyos, unang baitang lamang ng elementarya ang natuntungan niya. At dahil hindi niya naipagpatuloy ang pag-aaral, hirap siyang bumasa at sumulat.
Kapag nag-i-internet nga raw siya, sinasamahan pa si Jhon Paul ng kaniyang mga kaibigan para tulungan siya sa pagta-type at pagbabasa.
Dahil dito, madalas daw siyang makarinig ng masasakit at hindi magagandang salita.
“(Sinasabahin ako) bobo raw po ako, hindi marunong magbasa pero hindi ko po iniintindi. Siyempre, masakit po rin, kasi sinasabi, ‘Ay! hindi ka marunong magbasa? Ano ba yan?’ Dinededma ko na lang po.”

At dahil hirap sa pagbasa, lagi ring mali-mali ang pagkukuwenta niya sa pera. Kahit nga raw kapag nauutusan siyang bumili sa tindahan, makailang ulit siyang nagpapabalik-balik. Mabilis daw kasi niyang nakakalimutan ang mga bilin sa kaniya.
“Kapag inuutusan ko siya minsan, kunwari bibili lang siya ng softdrinks, babalik ulit siya dito, tatanungin niya kung ano yung inutos ko. Uulitin ko pa dapat sa kaniya. Kailangan pag sinabihan mo siya, tatlong beses na paulit-ulit,” kuwento pa ni Atasha.
Kapag kumakanta naman daw si Jhon Paul, paulit-ulit niyang pinakikinggan at inaaral. At ang naaawit niyang lyrics, base lamang daw sa interpretasyon niya sa kaniyang naririnig.
Ganito nga ang nangyari sa kaniyang viral video na “Love Me Like You Do.”
Masamang karanasan at karamdaman
Pangalawa sa limang magkakapatid si Jhon Paul. Paghuhugas ng mga bote ang trabaho ng ina niyang si Maribel at helper naman sa parehong kumpanya ang amaing si Peter.

Pero hindi ang kanilang kahirapan ang ugat kung bakit hindi marunong magbasa at magsulat si Jhon Paul. Ayaw na raw niyang bumalik sa eskwelahan dahil pinagmalupitan siya diumano ng kaniyang guro.
“(Nung minsan,) nagkamali lang po ako ng basa tapos binatukan na po ako ng teacher ko. Parang na-trauma na po ako,” paglalahad ni Jhon Paul.
At dahil katorse anyos na, nahihiya na raw siya ngayong bumalik ng eskwela.
Hinihikayat naman daw ng inang si Maribel ang anak na mag-aral muli. Sa katunayan, siya na raw mismo ang nagtuturo kay Jhon Paul na magbasa at magsulat.
“Walang magulang na naghangad ng masama sa bata, di ho ba? Kahit nga mahirap (kami), talagang kakayod ako para sa anak ko. Ang nangyari naman po sa kaniya kaya po siya na-stop kasi nga po yung time na nagkasakit po siya,” kuwento ng inang si Maribel.
Dalawang taon na ang nakalipas nang magka-leukemia si Jhon Paul. Ayon sa ina, masuwerteng nakaligtas ang kaniyang anak sa malalang karamdaman. Kung hindi rin daw kasi sa tulong ng kaniyang pamangkin, malamang ay hindi nila naipa-opera at natustusan ang mga gamot para sa kaniyang anak.
Nang isangguni ng KMJS sa isang child psychologist ang kondisyon ni Jhon Paul, sinabi nitong posibleng mayroong dyslexia ang batq, isang learning disability kung saan hirap ang isang tao na magbasa.
Ang kaniya namang hindi magandang karanasan sa paaralan noon, maaaring nagdulot sa kaniya ng Post Traumatic Stress Disorder, na maaari raw magbunga ng selective amnesia o mabilis na pagkalimot sa mga bagay.
Pero ang mga ito, maaari pa rin naman malunasan at maisaayos.
Isang pangako
Hindi man naging maganda ang naging karanasan noon ni Jhon Paul sa eskuwela, nag-iipon siya ng lakas ng loob para muling mag-aral. Ipinangako niya sa sarili na tutuparin niya ang kaniyang pangarap na maging doktor.
Ayon kay Atasha na tumatayong ikalawang nanay na ni Jhon Paul, balak niyang pag-aralin ulit sa susunod na taon si Jhon Paul.
“Sinabi ko naman na hindi habambuhay, bata (si Jhon Paul). Darating sa punto na mare-realize niya kung gaano kahalaga ‘yung pag-aaral. Ako mismo sa sarili ko, hindi man ako nakapagtapos ng pag-aaral, nagsumikap ako,” sabi pa ni Atasha.
Kaya si Jhon Paul at ina niyang si Maribel, labis ang pasasalamat kay Atasha.
“Nagpapasalamat ako (kay Atasha) na kumakalinga't gumagabay sa kaniya (dahil) alam ko naman na hindi niya pinababayaan yung anak ko. At saka talagang nakikita ko naman na nagkakaron siya ng development… na marunong na siyang makihalubilo sa mga tao,” sabi ni Maribel.

Si Jhon naman, nais patunayan na kaya pa rin niyang matuto. At sisimulan daw niya ito sa pagtatama ng kaniyang lyrics.
Pero para sa inang si Maribel, higit sa tamang grammar sa Ingles o lyrics sa mga kanta, ang mahalaga ang tamang pag-uugali ng anak at ang positibong pananaw niya sa buhay.
“Hindi man marunong mag-English, hindi man nakapag-aral, alam niya kung ano yung wastong salita at pag-uugali. At kaya ka niyang patawanin kahit na marami kang problema,” ani Maribel.---Carlo Isla/BMS
More Videos
Most Popular