ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

#MayForever: Ang love story nina Lolo Carding at Lola Lilian


Mapanonood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.


Naniniwala ba kayo sa “forever?”

 
Sabi nga ng iba sa atin ngayon, traffic na lang daw sa EDSA ang forever. Sa dinami-rami naman daw kasi ng mga taong sumubok, umasa at nagmahal, hindi na rin biro ang dami ng nabigo. Kaya naman, hindi na rin nila maiwasan ang magduda na mayroon ngang tunay at walang hanggang pag-ibig.
 
Nito lamang nakaraang linggo, naging viral sa social media ang litrato ng mag-asawang matanda na magkasamang nagtitinda ng puto sa Baclaran. Ayon sa larawan na in-upload ng isang netizen, ang matandang lalaki raw ang siyang nakaatang sa sales talk at ang matandang babae naman ang nangangasiwa ng accounting.
 
Hinanap ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang mag-asawa sa kadalasang puwesto nito malapit sa simbahan sa Baclaran. At dito nalaman namin ang nakakaantig na kuwento ng kanilang buhay mag-asawa na minsan ding sinubok at pinatatag ng panahon at magpapaalala sa atin na mayroong pa ring “forever.”
 
Puto ng pagmamahal
 
Araw ng Linggo nang maabutan ng KMJS team ang 85-anyos na si Lolo Ricardo “Carding” Magsino at 79-anyos na si Lola Lilian Magsino sa Baclaran. Tuwing Baclaran days na Linggo at Miyerkules o mga araw kung kailan dagsa ang mga parokyano sa simbahan lamang daw kasi nagtitinda ng puto ang mag-asawa.
 
Sinubukang sundan ng grupo ang mag-asawa sa kanilang pagtitinda ng puto na mahigit tatlong taon na nilang ginagawa.
 
Madaling araw pa lamang ng Linggo at Miyerkules, abala na sila sa paggawa ng puto na kanilang ibebenta. Si Lola Lilian daw ang siyang naghahanda ng mga rekado, samantalang si Lolo Carding naman ang naghahalo. At pagkaluto ng mga puto, ilalagay na nila ang mga ito sa kariton.



Para nga kay Lolo Carding, maituturing na labor of love nila ang inilalakong puto dahil ibinubuhos nilang mag-asawa ang kanilang pagmamahal sa paggawa nito.
 
Kahit na nga may-edad na ang mag-asawa, itinutulak nila ang kanilang kariton mula sa kanilang tahanan papunta sa may Quirino Ave. para ilako ang kanilang tinda.
 
At dito na nga marahil naantig ang loob ng netizen na si Phil Erickson de Guzman, ang nag-upload ng larawan ng mag-asawa sa Facebook.
 
“Na-inspire ako magpost kasi nu’ng nakita ko sna lolo't lola, may naramdaman akong positive aura na hindi ko nakikita sa bawat isa, o bawat matanda na nakikita ko. Parang mayroong kakaiba sa kanila na gusto kong i-share. Nung nakita ko sila, sabi ko sa sarili ko, may forever pala talaga,” sabi pa ni Phil.
 
Simula ng “forever”
 
Kuwento nina Lolo Carding at Lola Lilian, Disyembre ng taong 1955 nang una silang nagkakilala. Piyesta raw noon sa Taal, Batangas kung saan pinanganak at lumaki ang noo’y 26-anyos na si Carding. Dumayo naman noon sa lugar ang 18-anyos na si Lilian para magtinda ng lambanog.
 
At unang kita pa lang daw ninLolo Carding kay Lola Lilian, malakas na raw agad ang tama niya sa dalaga.
 
“Namiyesta siya sa bayan namin, ako nama'y nakabakasyon sa trabaho. Nagkita kami nun, e ako'y binata, dalaga sila, may kasama rin siyang isang dalagang tiyahin niya. Ipinasyal ko siya sa lugar namin na medyo magandang tanawin, kamukha ng Taal Lake,” pagkukuwento pa ni Lolo Carding.
 
Simula raw noon, hindi na tinantanan ni Carding si Lilian. At dahil hindi pa uso ang iba’t ibang gadgets na pangkomunikasyon, ipinagtapat ni Carding ang kaniyang damdamin kay Lilian sa pamamagitan ng liham.

 
“Para akong nabigla, na hindi ko akalain may sumulat sa akin ng ganun, nagtapat na siya ng pag-ibig. ‘Yun ang sabi niya, I love you, mahal na mahal kita. ‘Yun ang nakalagay dun sa sulat,” paglalahad ni Lola Lilian.
 
Kinabukasan matapos magpadala ng liham, dinalaw na raw agad ni Carding si Lilian. At nang mabalitaan daw ito ng ina ni Carding na matagal nang pinipilit ang binata na mag-asawa, agad-agad na nagyayang mamanhinkan at pinaasikaso ang kanilang kasal!
 
At sa loob lamang ng apat na buwan, humarap na sa dambana ang dalawa.
 
Mga pagsubok
 
Hindi pa man nagtatagal ang kanilang kasal, nabunyag ang isang nakatagong sikreto ni Carding. Mayroon pala siyang kasintahan na nang mahigit na anim na taon sa Maynila.
 
“Every two weeks, paggaling ko sa trabaho, umuuwi ako ng Taal. Uuwi ako ng Saturday afternoon then Monday morning, balik ako sa Maynila. For every two weeks, two days lang kami nagkikita. ‘Yung girlfriend ko rito sa Maynila, (sinabi niya na) ‘iwanan mo na ‘yung asawa mo tutal nasa probinsiya (naman siya). Tayo na lang ang magsama dito sa Maynila,” kuwento pa ni Lolo Carding.
 
Nalaman lang daw ito ni Lola Lilian nang pumanaw ang ina ni Lolo Carding at sumunod siya sa Maynila. Mula noon, ito na raw ang madalas na pagselosan ni Lola Lilian, dahil ang dating kasintahan ni Lolo Carding, kapitbahay lang pala nila!
 
Hindi naman daw pinanghinaan ng loob si Lola Lilian. Sa halip na hiwalayan ang asawa, ipinaglaban niya ito at lalo pang ipinaramdam na siya ang nararapat na babae para kay Lolo Carding.
 
Inabot pa ng limang taon bago nagkaroon ng anak ang mag-asawa. At ito nga raw ang nagpabago kay Lolo Carding. Simula raw noong biyayaan sila ng supling, umiwas na raw siya sa kahit anong bisyo, lalong lalo na sa tukso.
 
“Nung magkaron ako ng anak, nagkaroon ako ngayon ng (pangako) sa sarili ko. May pamilya na ako, may anak na. Iba na ang takbo ng aking growth. Talagang desidido na ako na bubuhayin ko ang pamilya ko,” sabi ni Lolo Carding.

 
Nang lumaon, biniyayaan ang mag-asawa ng apat pang anak. At sa hirap at ginhawa, pinagtulungan ng dalawa na itaguyod ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
 
Isang pagsubok din ang dumating sa kanilang pamilya nang magkaroon ng malalang karamdaman ang kanilang ikatlong anak na si Belinda noong ito’y nasa elementarya pa lamang. Dahil sa rheumatoid arthritis, na-deform ang mga joint nito sa katawan na naging dahilan sa hirap na pagkilos niya.
 
Hanggang ngayon, sinusuportahan pa rin ng mag-asawa si Belinda.
 
“Naaawa ako sa kanila kasi sa edad nilang ganyan, nagtitinda pa rin ho sila kaya lang wala kaming choice, kasi mahirap lang kami. Gustuhin ko man tumulong, wala akong magagawang paraan para makatulong sa kanila,” sabi ni Belinda.
 
Dahil may-edad na rin ang mag-asawa, may mga iniinda na rin silang karamdaman. Hikain si Lolo Carding at may osteoporosis at rayuma si Lola Lilian.
 
“‘Yung singaw nung steam, ‘yung usok, pumupunta sa mata ko, kaya medyo nanlalabo na ngayon ang mata. Dati, hindi ako ganyan. Nung security guard ako, hindi malabo ang mata ko e. Saka yung hika ko, doon ko nakita sa pagtitinda, gawa nga nung usok, 'yung amoy. At the same time, 'yung mga jeep na mausok, nalalanghap ko,” ani Lolo Carding.
 
“‘Yung tuhod ko masakit pero tinitiis ko rin. Lagi akong nakakabit sa kariton. Pag ako'y nakakabit sa kariton, nakakalakad ako nang husto. Pag hindi, matutumba ako,” sabi ni Lola Lilian.
 
Dahil dito, hindi maiwasang mag-alala ng kanilang mga anak sa kanilang hanap buhay.
 
“Noong una pa lang, sinasabi ko na sa tatay ko na ‘huwag na kayong magtinda dahil matanda na kayo, kailangan ninyo na lang magpahinga.’ Tapos ayaw pumayag ng Tatay ko, sabi niya, ‘Anong gusto mo anak? Dito na lang ako sa bahay, aantayin ko na lang na dumating ang oras ko. Wala akong gagawin. Gusto mo ba 'yung ganun na nandito nga ako pero malungkot ako?" kuwento ng anak nilang si Alexander.
 
Sorpresa
 
Dahil dito, sinamahan ng KMJS team ang mag-asawa sa mga espesyalista upang ikonsulta ang kanilang mga iniinda. At dito, binigyan sila ng mga payo at mga gamot para maibsan ang kanilang nararamdaman.
 
Nito lamang Miyerkules, personal na binisita ni Ms. Jessica Soho sina Lolo Carding at Lola Lilian para sa isang sorpresa. Dala niya ang isang bagong karitong gagamitin nila sa kanilang pagtitinda at isang walker naman para kay Lola Lilian.

 
At nang personal na tanungin ni Ms. Jessica Soho kung may “forever” nga ba talaga, ang tangin tugon lang ni Lolo Carding, “May forever talaga. Kami ho forever na e. ‘Til death do us part.”
 
At bilang paalala sa kanilang matamis na pagmamahalan, dinala ng programa ang dalawa kung saan nagsimula ang kanilang “forever.” Ipinasyal sila sa Taal sa Batangas at dito tila nagkaroon sila ng “renewal of vows.”
 
“Ang pagmamahal sa akin, pagdating, nakakain ka na? Oh kumain ka na! ‘Yun ang pagmamahal. Tapos, pagod ka na, mahiga ka na, matulog ka na. Ganoon ang pagmamahal. Hindi yung basta na lang, pagdating mo hindi ka iintindihin,” paliwanag ni Lola Lilian.
 
“Dahil sa iyong pagmamahal, bagamat nakahanda na ako sa anomang bagay na ibibigay mo sa akin, nadama ko na ang pagmamahal ko sa'yo. Kaya ngayon, hanggang sa huling sandali ng aking buhay, hindi ka mawawala sa aking puso,” sabi pa ni Lolo Carding kay Lola Lilian.

 
Hindi dapat maging hadlang ang mga kabiguan sa pag-ibig para muling magmahal. Ang kuwento nina Lolo Carding at Lola Lilian ay isang pagpapatunay na mayroon pa rin forever sa panahon ngayon.
 
Pero tandaan din natin na ang “forever,” hindi lang basta-basta natatagpuan. Inaalagaan din ito, pinahahalagahan at higit sa lahat, pinaglalaban. ---Carlo Isla/BMS