ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Nasusukat nga ba ang pag-ibig?: Ang love story nina Pat at Althea
Mapanonood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs
Naniniwala ka ba na kayang baguhin ng pag-ibig ang pagtingin mo sa isang tao? Sa panahong mas nauuna ang panghuhusga, iilan na lang marahil ngayon ang taong hindi tumitingin sa panlabas na anyo.
“Maliit man ako, malaki naman ang puso ko.”
Sina Mitoy at Mika
Kamakailan lang ay kumalat sa internet ang larawan nina Pat Esconde at Althea Ronquillo, ang magkasintahang nagkakilala raw sa mobile strategy game na Clash of Clans. Pero, ang larawan at ang kuwentong nakakabit dito ay hindi pala totoo. Dahil ang dalawa ay ‘di pala sa COC nagkakilala, kundi sa isang bar sa Muntinlupa City.
Katulad ng larawang kumakalat sa social media, hindi Mitoy at Mika ang mga pangalan nila kundi Pat at Althea. Si Pat, ay isang midget boxer, ipinanganak siya na may dwarfism. Hindi madali ang araw-araw na buhay ni Pat, bukod sa habambuhay na ang kondisyong ito’y madalas pa siyang pintasan ng ilan sa mga taong nasa paligid niya:
Katulad ng larawang kumakalat sa social media, hindi Mitoy at Mika ang mga pangalan nila kundi Pat at Althea. Si Pat, ay isang midget boxer, ipinanganak siya na may dwarfism. Hindi madali ang araw-araw na buhay ni Pat, bukod sa habambuhay na ang kondisyong ito’y madalas pa siyang pintasan ng ilan sa mga taong nasa paligid niya:
“Grabe po ‘yung panlalait nila. Tinitiis ko lang po ‘yung mga naririnig ko alang-alang sa trabaho, kapag naririnig ko pasok sa kabilang tenga, labas sa kabila para ‘di sumama ang loob ko.”
Ngunit, hindi naging hadlang ang kondisyon ni Pat upang matulungan ang kaniyang pamilya dahil sa kabila ng kaniyang kalagayan ay nananatili pa rin sa kaniya ang pagiging masayahin at masipag.
Si Althea naman ay isang lady boxer, panganay sa apat na magkakapatid. Ayon sa kaniya ay panglimang nobyo na niya si Pat pero sa lahat ng kaniyang mga naging kasintahan, si Pat ang bukod tangi.
Ang simula ng kanilang matamis na pagtitinginan

Katulad ng ibang love story, nag-umpisa rin ito sa simpleng hi at hello, sa kaunting asaran at habulan. Nang magkakilala ang dalawa, inamin ni Pat na sobrang tahimik lang siya:
“Tahimik lang po ako sa trabaho noon. Si Althea po bago pa lang, makulit siya at palabiro. Tapos dumating ‘yung time na lagi niya akong kinukulit at pinagti-tripan. Hinahabol niya ako na parang bata.”
Samantalang tila tinamaan naman agad ni kupido ang pakiramdam ni Althea noon. Pakiramdam niya tumigil ang oras at lahat ng taong nasa paligid niya. Si Pat lang ang nakita niya nung mga oras na ‘yun, kay Pat nakatuon ang buong atensiyon niya.
“Hindi ko pa siya kilala noon. Noong pagpasok niya sa ring, first time ko siyang nakita naagaw niya talaga ang atensiyon ko. Parang nag-slow mo,” kuwento ni Althea.
Sa kagustuhan ni Althea na mas mapalapit pa kay Pat, siya na mismo ang nagbigay ng cellphone number niya rito. Simula noon ay lagi na silang magka-text, mula sa isang simple “Good morning” hanggang sa mauwi sa mas malalim na usapan.
Simula nang maging mas malapit sila sa isa’t isa, mas naging maalalahanin si Pat kay Althea. Madalas niya itong ihatid sa kanilang bahay o kaya naman ay hatiran ng pagkain. Hanggang makalipas ang dalawang linggo ay naisipan na niyang umamin sa iniirog.
“Sana akin ka na lang. Tinawanan lang niya ako noon. Kaya makalipas ang ilang araw inulit ko ulit ‘yung text ko sa kaniya. Doon na siya nagreply nang ‘Oo, tayo na,” ani Pat.
Ang kanilang pag-iibigan sa kabila ng mga pangungutya
Naging mabilis man ang bawat pangyayari ay hindi rin naging madali ang pagtanggap ng iba sa kanilang relasyon. Maraming nagtaas ng kilay at maraming pumuna. Hindi makalimutan ni Althea nang minsang paringgan siya ng isa sa kaniyang mga katrabaho habang kumakain siya mag-isa sa dressing room ng kaniyang pinagtatrabahuan.
“Hindi bale nang hindi masarap ang pagkain ko basta guwapo lang ‘yung asawa ko.”
Masakit para kay Althea nang marinig niya ang sinabi mismo ng kaniyang katrabaho ngunit hindi na lamang siya nagpadala sa mga puna. Para kay Althea, hindi hadlang ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang relasyon.
“Never kong tinignan ‘yung panlabas na anyo ni Pat. Ganoon pala talaga kapag tinamaan ka ng sinasabi nilang love. Wala kang pakialam sa sinasabi ng iba, wala kang pakialam sa hitsura. Tatanggapin mo siya nang buo kasi mahal mo siya eh.”
Sa kabila ng kondisyon ni Pat, may mga tao pa rin na sumuporta at tumanggap sa kung sino siya. Isa na rito ang pamilya ni Althea, lalong lalo na ang ama ng nobya. Naniniwala ang ama ni Althea na ‘di problema ang pagiging maliit ni Pat, ang mahalaga ay responsible ito at kahit kailan ay hindi niya sasaktan ang anak.
“Tinawag ako ng Papa niya sa sala nila. Tapos nagulat ako noong sinabi niya na wala namang problema sa kaniya basta raw alagaan ko lang daw si Althea. Pinagpawisan ako nang malaming nung narinig ko ‘yun,” kuwento ni Pat.
Pagmamahal mula sa pamilya

Para kay Pat at Althea, sapat na ang basbas mula sa kani-kanilang mga pamilya, hindi na mahalaga ang sasabihin pa ng iba. Maging ang nanay ni Pat ay buo ang tiwala at suporta sa relasyon nila ni Althea:
“Sinusuportahan ko sila at ang gusto ko ay mapabuti sila. Nasasaktan din ako sa mga nagsasabi ng masama sa kanila. Kahit totoo namang maliit siya, sige sabihin na nila ‘yun, pero wag nilang sasaktan ang anak ko.”
Tulad ng mga love story, patuloy na umaasa ang dalawa na mauuwi rin sa forever at happy ending ang relasyon nila. Hindi man perpekto, hindi naman maitatanggi na punong-puno ito ng tapat at tunay na pag-ibig.
“Wala kaming pakialam sa mga sinasabi at iniisip ng iba. Ang mahalaga sa amin alam naming totoo ‘yung nararamdaman namin para sa isa’t isa,” pagtatapos ni Althea.---Khrystyne Villan/BMS
Tags: webexclusive, kmjs
More Videos
Most Popular