ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Tinig ng mga munting anghel ng Mararison Island
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
Para sa marami, paraiso nang maituturing ang Isla ng Boracay dahil sa maganda nitong tanawin – pinong pino at puting buhangin, malinaw na asul na tubig, romantikong sunset at mababait na lokal.
Pero dalawang oras mula rito, isa pa palang isla ang maituturing na paraíso. Mayroon daw itong kabundukan na maihahalintulad sa ganda ng Batanes! Maging ang karagatan, napakalinis. At mayroon pa raw sandbar na nag-iiba-iba ang hugis depende sa alon.
Ito ang 55 ektaryang Mararison Island sa Culasi, Antique, ang itinuturing na may pinakamakapigil-hiningang tanawin sa Western Visayas!
Pero higit sa napakagandang tanawin ng isla, ang talaga naman daw makapagpaparamdam sa mga turista na tila nasa langit na sila, ang malamig at mala-anghel na tinig ng Mararison Island Children’s Choir!


Pumunta ang programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" para alamin ang kuwento sa pagkakabuo ng espesyal at natatanging koro na ito ng Antique.
Mga munting anghel
Tulad ng buhay sa malalayong probinsiya sa bansa, maituturing na payak ang pamumuhay ng mga residente ng Isla ng Mararison. Dahil sa simpleng pangangailangan sa buhay, wala rin masyadong mapaglibangan ang mga lokal doon.
Hunyo lang noong nakaraang taon, ilang buwan matapos manalasa ang supertyphoon Yolanda, nang magkaroon ng isang ideya ang binatang si Joereyl Amora na bumuo ng isang choir. Kwento niya, madaling naengganyo ang mga kabataan sa Mararison na kumanta at sumali sa kanilang grupo, dahil na rin sa wala silang pinaglilibangan doon.
“Noong una, inobserbahan ko lang sila. Tumugtog ako tapos nakita ko na lang ‘yung mga bata na unti-unting lumalapit sa akin. Nag-umpisa sa dalawa, at saka naging lima, hanggang sa (dumami) na sila. Sabi nila, kuya, turuan mo kaming kumanta,” kuwento ni Joereyl.
Pero nagbunga ang simpleng ideya niya. Ngayon kasi, isa nang malaking grupo ang Mararison Island Children’s Choir. Mayroon na itong 38 na miyembro, na binubuo ng mga batang may edad na anim hanggang 14-taong gulang.


Noong una, nag-alangan pa raw si Joereyl na turuan ang mga bata dahil hindi naman siya propesyunal na manunugtog. Pero nakita niya ang kakaibang potensiyal ng mga ito. Bukod pa rito, nagpakita ang mga bata ng interes at determinasyon para matuto, kaya itinuloy niya ang paglilinang sa kanilang kakayahan.
“’Yung ibinigay ng Diyos sa akin na talent, shini-share ko sa kanila. Gusto ko ‘yung talent ko, talent din ng mga bata. Saka naaawa ako sa kanila. Gusto ko na kaysa naglalaro lang sila, mas maganda na lumabas ‘yung talento nila, talento nila sa pagkanta,” sabi pa ni Joereyl.
Matinding pagsasanay
Hindi rin biro ang pagsasanay na pinagdaraanan ng mga miyembro ng Mararison Island Children’s Choir. Ayon kay Joeryel, kapag walang pasok, alas singko pa lang ng umaga, nagsisimula na silang mag-ensayo.
Tulad nang pag-e-ensayo ng yumaong ama ng sikat na mang-aawit na si Regine Velasquez noong siya’y bata pa, nilulublob din daw ni Joereyl ang mga bata sa dagat at dito sila nag-bo-vocalize!
Para naman makabisado ang kanta, namimigay siya ng kopya ng lyrics sa mga marunong nang bumasa. Tinuturuan naman ng mga nakakaalam na ng lyrics ang mga batang hindi pa nakakabasa. Natututo raw sila sa pamamagitan nang pakikinig at pagsunod sa kanilang mga kasama.
“Before pa kami mag-perform sa mga turista o sa mga bisita, vino-vocalize ko sila. Pinapakanta ko sila sa mga simple na mga kanta. Tapos pinalabas ko ‘yung mga vibration at mga dynamic, at mga technique na gusto kong makita sa kanila,” pagsasalarawan ni Joereyl.


Ang noo’y minsang libangan lang, naging daan na rin para may pagkakitaan sina Jeoreyl at ang mga bata. Mula kasi sa mga ibinibigay ng mga turista sa kanila, nakakalikom sila ng P500 hanggang P3,000 na kanilang pinaghahati-hatian.
Sa ngayon, mahigit tatlumpung kanta na ang nasa repertoire ng Mararison Island Children’s Choir. At patuloy sila sa pag-aaral ng iba pang mga awitin.
Mga kuwento ng pag-asa
Pero sa likod ng munting tagumpay ng Mararison Island Children’s Choir ang nakakaantig na kuwento ng pakikipagsapalaran at pag-asa ng mga miyembro nito.
Tulad na lang mismo ni Joereyl na napilitang huminto sa pag-aaral dahil na rin sa kahirapan. Pero dahil mula sa pamilya na may likas na hilig sa musika, ito ang naging susi niya para unti-unting makaangat mula sa kahirapan.


Dahil sa pagkanta niya sa choir, kumikita na nang sarili si Joereyl. At hindi lang daw ito nakatutulong sa kaniyang pagbabalik-eskuwela, nakakapagbigay rin daw siya sa kaniyang pamilya.
“Ginagamit ko po ‘yung pera ko sa pag-aaral. Halimbawa ‘yung pambayad ng tuition, at saka ‘yung pambaon sa araw-araw. Pati na rin kung ano pa ‘yung mga kailangan sa school, du’n ko binubuhos ‘yung kinikita ko rito. At saka nagbibigay po ako sa magulang ko,” sabi pa ni Joereyl.
Isa sa mga pansinin sa kanilang koro ang ang 9-anyos na si John Paul Macuja, mas kilala sa tawag na Potpot. Pampito siya sa siyam na magkakapatid. Housewife ang kaniyang ina at mangingisda naman ang kaniyang ama.
Maliit man kumpara sa kaniyang mga ka-edaran si Potpot, “small but terrible” naman siya pagdating sa kantahan.
Sa kaniyang murang edad, nakakatulong na raw sa si Potpot sa kaniyang pamilya. Ang kinikita niya kasing P100 kada sa mula sa pagkanta, ibinibigay niya nang buong-buo sa kaniyang ina. Hihingi lamang ng limang pisong pambaon niya sa eskuwela araw-araw.
Hindi naman kasi kailangan ng pamasahe papasok, dahil ang kanilang eskuwelahan, nasa pagitan ng dalawang bundok na walang kapaguran nilang nilalakad araw-araw.
“Malaking tulong ang naibibigay sa amin ni Potpot para makaluwag-luwag kami sa buhay. Ang binibigay niyang pera, binibili namin ng uniform, ng mga damit saka mga gamit sa eskwela,” kuwento ni Rica Macuja, ng ina ni Potpot.


Sa katunayan, si Potpot daw ang nagsisilbing inspirasyon ng kaniyang ama na si Jovin para pagbutihin ang kaniyang pangingisda para lamang tustusan ang pag-aaral ng anak.
“Nabilib kami kasi maliit pa lang, magaling na kumanta. Kaya nga nagpupursigi ako magtrabaho para mapag-aral sila sa kolehiyo. Dahil nakita ko magaling siyang kumanta at gusto niyang kumanta, kaya nga kahit maulan at maalon, tinitiis ko lang para makapag-aral ang mga anak ko,” kuwento pa ng amang si Jovin.
Bukod kay Potpot, kahanga-hanga rin ang 14-anyos na si Danica Mae Guillermo o mas kilala sa tawag na Nini. Ipinanganak si Nini na may cleft palate. Pero hindi raw ito kailanman naging hadlang para ipagpatuloy niya ang hilig sa pag-awit.
“Sumali ako kasi maganda ‘yung boses ng ibang bata. Dumi-diretso at sumusunod ako sa ginagawa ng iba. Maganda ‘yung nararamdaman ko kapag kumakanta ako,” sabi pa ni Nini.
Hindi man mabigkas ni Nini nang maayos ang mga liriko ng kanta, buo at maganda naman ang kaniyang boses.


Dahil sa potensyal na pinapakita ng Mararison Island Children’s Choir, ilang mga voice coach na ang nagpahayag ng interes na hasain ang kanilang husay sa pagkanta.
“Last December lang, may guest na voice coach sa choir sa Iloilo, si Sir Alvin Sales, nag-conduct po siya ng workshop: basic voicing, ‘yung paano i-pronounce sa mga bata. Isang graduate din po ng UP Diliman College of Music, si Sheq Roldan from Capiz nagpunta dito to conduct training ng mga bata,” kuwento ng tumatayong manager ng Mararison Island Children’s Choir na si Flord Nicson Calawag.
Sa ngayon, hindi na lamang sa isla maririnig ang mala-anghel na tinig ng Mararison Island Children’s Choir. Kamakailan lang, naimbitahan na rin silang kumanta sa isang mall sa Iloilo.
“’Yung pag-perform namin sa Pandan, masaya ako na sana magpatuloy ang aming pangarap sa buhay, sa bawat isa sa mga bata. Ang nais ko ay matulungan ko sila at matulungan ninyo kami na maabot ‘yung mga pinapangarap namin,” sabi pa ni Joereyl.


Mayaman man sa kalikasan, hindi pa rin kasing tanyag ng mga kalapit nitong isla ang Mararison, pagdating sa mga turista.
Kung tutuusin, maituturing itong isang biyaya, dahil napanatili pa rin ang ganda ng kanilang probinsya. Pero ang mga turista pa rin ang tanging pinagkukunan ng kita ng mga taga-Mararison.
Pero sa tulong ng Mararison Island Children’s Choir, unti-unti na ring nakikilala ang kanilang isla. Dahil hindi man alam ng mga turista ang kanilang lugar, tiyak na hahalinahin at ituturo sila sa tamang direksiyon ng mala-anghel na tinig ng kanilang koro.---CARLO P. ISLA/BMS
More Videos
Most Popular