ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Isang libo’t isang mukha: Ang tunay na karakter ni Wally Bayola
By IRVIN CORTEZ

Hindi na raw nagbubukas pa ng kaniyang Facebook account ang komedyanteng si Wally Bayola dahil kahit saan naman daw siya mag-browse, puro mukha niya ang kaniyang nakikita. Dahil kasi sa hindi mapigilang kasikatan ng kinatatampukan niyang “kalyeserye” sa programang “Eat Bulaga” ng GMA, napagkatuwaan na ng netizens na i-photoshop ang kaniyang mukha bilang si “Lola Nidora” sa iba’t ibang mga larawan, partikular na ang mga lumang litrato kasama pa ang ilang sikat na personalidad na gaya nina Harry Houdini, Albert Einstein at maging ang diktador na si Adolf Hitler.
Sa kabila ng matayog na pag-arangkada ng kaniyang bituin, sino nga ba si Wally o Walter James Bayola sa tunay na buhay? Bago siya naging isang “Dabarkads,” saan nga ba siya nag-umpisa?
Sa isang eksklusibong panayam ni Miss Jessica Soho sa komedyante, ibinahagi ni Wally ang iba’t ibang karanasan niya sa buhay na kaniya ngayong pinaghuhugutan sa araw-araw niyang pagpapasaya sa tao.

Kabanata I: Si Wally at ang Kumbento
Isinilang si Wally sa Naga City, Camarines Sur noong Mayo 3, 1972. Nagpunta sa Hong Kong ang kaniyang ina para magtrabaho kaya naman naiwan siya sa paring kapatid ng nanay niya. Biro ni Wally, mahirap mang isipin pero sa kumbento ng isang simbahan siya lumaki.
“Maganda ang buhay sa kumbento, walang gutom doon,” pagbabaliktanaw ng komedyante. “Tapos noong nawala, nang mamatay 'yung pari, lumipat na ako. Kinuha ako ng lola ko.”
Dito na raw nagsimulang mamulat ang batang Wally Bayola sa hirap ng buhay.
Kung sa loob ng kumbento ay komportable ang naging buhay ni Wally, malaking kabaligtaran naman ito sa piling ng kaniyang lola.
"Alas-singko, alas-kuwatro pa lang, mag-iigib na kami ng tubig. Grade 5, marunong na akong magsaing. Marunong na ako ng lahat.”
Sa Ateneo de Naga nag-aral ng high school si Wally. Kahit pa kapos, pinilit pa rin daw niyang makapasok para maitawid ang pag-aaral.
“Nag-aaral ako, ang baon ko lang talaga, pamasahe,” kuwento ni Wally. Para maibsan ang gutom, binubusog daw niya ang sarili sa tubig, kahit pa babalisawsawin naman siya pagkatapos nito. Kapag naman kasi kumakalam ang sikmura niya, “first subject pa lang, mas maingay na yung tiyan ko kaysa sa teacher,” biro ni Wally.
Ang mga karanasang palang ito ang kalauna’y magiging puhunan ni Wally para makamit ang tagumpay.

Kabanata II: Ang Paglilitis ni Mang Serapio
Sa kasamaang palad, sa dami ng absences ni Wally ay kinailangan niyang lumipat ng eskwelahan. Para patuloy na masuportahan ang kaniyang pag-aaral, naghanap siya ng maaaring pagkunan ng scholarship. Sinubukan niyang mag-miyembro sa mga varsity club ng eskwelahan, pero dahil football lamang daw ang alam niyang laruin noon at wala namang ganoong club sa nilipatang high school, naghanap na lang ng ibang mapapasukang club si Wally.
Sa teatro siya nakahanap ng puwang at iyon na rin ang naging daan para makakuha siya ng 20% na diskwento sa tuition. Dito niya unang natikman ang ligaya ng pagpapatawa.
Hindi naglaon ay unti-unting sumikat si Wally sa kanilang eskwelahan. Ang unang role na kaniyang ginampanan ay isang bading na itinatago ang pagkatao sa ama, at ang naging peg daw niya para sa role na ito ay si Roderick Paulate. Dahil natuwa sa kaniya ang may-ari ng eskwelahan, ginawa raw nitong 50% ang discount na natatanggap niya bilang miyembro ng Theater Arts Club.
Pero ang maituturing na isa sa mga hindi malilimutang pagganap ni Wally noong high school siya ay sa dulang “Ang Paglilitis ni Mang Serapio.” Nagtanghal sina Wally sa Maynila para sa isang contest na sinalihan ng kanilang eskwelahan.
"Kami ang nag-champion, sa Manila Film Center pa 'yun. Wala akong dialogue, wala akong sinabi. Estatwa lang po ako ng Justice. Nakatayo ako ng ilang oras na hindi gumagalaw.”
Kahit iyon lamang ang papel na kaniyang ginampanan, siya raw ang nagdala sa kanilang dula kaya sila nanalo. “Nilagyan ako ng puti, na akala mo, estatwa na puti, parang ganoon. 'Yung nanonood, akala props lang ako. Eh gumalaw, ayun 'yung punchline doon sa play,” magiliw niyang kuwento.
Dahil sa tagumpay na iyon, itinaas na raw sa 100% ang discount na ibinibigay sa kaniya ng eskwelahan.

Kabanata III: Mixed Nuts
Dahil sa angking diskarte, nagtapos bilang isang Radiologic Technician si Wally, pero hindi rin daw niya ito nagamit. Maaga kasi siyang nag-asawa at para maitaguyod ang kaniyang bagong pamilya sa Naga ay tinanggap niya kung anumang trabaho ang dumating.
“Nagtrabaho po ako sa isang fast food, tapos stockman sa bodega, lahat,” pahayag ni Wally. Hindi na raw siya naging mapili pa lalo’t hindi na lang sarili niya ang umaasa sa kaniya.
Isang gabi, nakita siya ng isang tagahanga mula sa teatro na si Joey Biano. Inalok siya nitong maging sing-along master sa isang hotel at tinanggap niya ito. Pagkatapos noon, napabilang naman siya sa grupong “Mixed Nuts,” kung saan mula sa pagkanta ay natuto siya ng standup comedy. Nagkaroon ng isang malaking gig sa Maynila ang kanilang banda at pagkatapos ay naging kabi-kabila na rin ang mga pagtatanghal ni Wally sa iba’t ibang bar sa lungsod.
"Hanggang na-disband, napunta ako kay Mamu. Nag-start ako as standup comedian ulit sa kaniya.” Ang “Mamu” na tinutukoy ni Wally ay si Andrew de Real, may-ari ng isang comedy bar sa Malate, na siya ring nakadiskubre ng iba pang kinikilalang magaling na standup comedian ngayon.

Kabanata IV: Si Wally at ang mga Dabarkads
Taong 2000 nang lumapit si Malou Choa-Fagar ng "Eat Bulaga" kay Mamu para sa rekomendasyon nito. Kailangan kasi noon ng kanilang programa ng mga bagong komedyanteng makakasama ng mga Dabarkads, o mga host ng programa, sa pagbabalik ng “Bulagaan” portion.
Tila isang audition daw ang naganap, at doon, nagsimulang lumutang ang natural na galing sa komedya ng isang Wally Bayola. “Sabi kasi ni Mamu, ‘Ito, si Wally ang napili nila.'"
Dalawang linggo lamang naging bahagi si Wally ng Bulagaan at pagkatapos noon ay tahimik na itong bumalik sa comedy bar.
Pero may sorpresa palang nakalaan para sa kaniya at mismong sa kaniyang kaarawan pa! “Tumawag sa akin si Mamu, sabi, ‘Bukas balik ka raw sa 'Eat Bulaga.' Regular ka na, araw-araw ka nang papasok.’”
Doon na nagsimula ang pagiging certified Dabarkads ni Wally, at araw-araw mula noon, kasama na siyang naghahatid ng masayang pananghalian sa longest-running noontime show sa bansa.
Kabanata V: Ang JoWaPao
Patuloy na binago ng "Eat Bulaga" ang larangan ng noontime variety shows sa bansa. Mula sa isang aksidenteng tambalan ay isinilang ang duo nina Jose Manalo, dating production assistant at floor director ng programa, at ni Wally. Dahil sa kanilang chemistry at nakatutuwang batuhan ng linya, pumatok din agad sa mga manonood ang kanilang mga biro’t pagpapatawa sa telebisyon.
Nang inilunsad ang segment na “Juan For All, All For Juan,” higit pang kinakitaan ng galing sa pagpapatawa ang dalawa lalo’t karamihan ng kanilang mga biro ay impromptu at improvisation lamang. Kalauna’y idinagdag din si Paolo Ballesteros sa kanilang segment, at nakilala sila bilang ang trio na “JoWaPao.” Sa loob ng maraming taon, nakilala sila bilang “Sugod Bahay Gang” ng Eat Bulaga, kung saan hindi lamang sila nagpapatawa at naghahatid ng tuwa, kundi tumutulong din sa kapwa.

Kabanata VI: Mga dagok at pagsubok
Aminado si Wally na siya’y nakalimot ng kaunti dahil sa tinamasang tagumpay. Noong 2013, magkakasunod na dagok ang dumating sa buhay ng mga Bayola. Mga matitinding suliraning sumubok sa tatag ng kanilang pamilya.
Mayo 2013 nang maaksidente si Wally sa minamaneho niyang motorsiklo. Mabuti na lamang at hindi malubha ang tinamo niyang mga sugat at mabilis siyang nakapagpagaling.
Pero makalipas lang ang ilang linggo, mas nakapanlulumong balita ang tinanggap ni Wally. Na-diagnose kasi ang anak niyang si Ria na mayroong cancer at kinakailangan ng matinding gamutan. “Kumbaga pagsubok, sobrang pagsubok sa amin 'yun na parang, bakit 'yung anak ko pa ang nagkaroon ng cancer?” pahayag ni Wally.
Gayunpaman, matapang nilang hinarap bilang isang buong pamilya ang dagok na ito. “Paunti-unti, nai-survive namin 'yung mga kailangan. Natapos niya 'yung chemo, 'yung therapy niya na 12 sessions. Five years pa bago malaman kung talagang totally cancer-free na siya, kasi puwedeng bumalik. Ngayon, nakakadalawang taon na siya, so may tatlong taon pa.”


Kabanata VII: Doctora De Explorer, Lola Nidora at Duh Rizz Maine
Boluntaryong nag-leave noon sa "Eat Bulaga" si Wally at nang bumalik siya’y talaga namang pinahalagahan niya nang todo ang pangalawang pagkakataong iginawad sa kaniya, hanggang sa muli siyang dalhin nito sa rurok ng tagumpay sa pamamagitan ng “Kalyeserye.”
Kuwento ni Wally, nagsimula ang pag-ikot ng istorya nang ginampanan niya ang karakter na si Doctora De Explorer. “Sabi nila, sige, magkarakter ako ng doktora. Okay, nag-hit. Tapos sabi ng mga writer, ‘Wally, anuhin mo muna, pahingahin muna natin 'yung doktora kasi baka maubusan ka, maubusan tayo.’ Sabi ko, okay lang din naman, para maiba-iba raw,” ani Wally.
Pagkatapos Doctora De Explorer, ang sikat naman niyang karakter na si Lola Nidora ang kaniyang ginampanan, hanggang sa pumalo na nga ito sa kasikatan sa mga manonood, at ngayo’y itinuturing ng isang pop culture phenomenon.
Masayang kuwento pa ni Wally, maging mismong anak daw niya ay nagagalit sa kaniya dahil sa pagiging kontrabida niya kina Alden at Yaya Dub. “Ang mga anak ko, fan ng AlDub. Kahit 'yung bunso ko, nagagalit sa akin! ‘Papa, you're bad! Kasi you're always mad at Yaya Dub eh!’”
Sa tinatamasa niya ngayong tagumpay, paano nagagawa ni Wally na magpatawa kahit pa may dinadala siyang mabigat na problema gaya ng sakit ng anak niya?
"Iniisip ko na lang, mamaya na 'yang mga emo-emo ha, lola muna ako kasi ilang oras lang naman 'to e. Pagkatapos ng lola, balik ka na, emo ka ulit, bahala ka, magmukmok ka diyan sa gilid,” sagot ni Wally.
Dagdag pa niya, “Hindi lahat, perfect ang ginagawa mo. Hindi lahat maganda. Kumbaga, hindi araw-araw ay Pasko. Mayroon ding mga pagsubok. Minsan madadapa ka, tatayo; lakad ulit, takbo ulit. Hangga't kaya mo, sige lang.”
Marahil, para sa isang beterano na sa mga pagsubok na ipinupukol sa kaniya ng kapalaran, ito na ang tamang panahon para sa tagumpay ng isang tulad ni Wally Bayola.—BMS, GMA Public Affairs
Halaw ang ibang mga larawan mula sa Instagram account ni Wally Bayola, @walterjamesbayola.
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing gabi ng Linggo sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan ito sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
Halaw ang ibang mga larawan mula sa Instagram account ni Wally Bayola, @walterjamesbayola.
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing gabi ng Linggo sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan ito sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
More Videos
Most Popular