ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Si Yaya Dub sa likod ng kamera


Halos dalawang buwan nang pinakikilig ng maituturing na pinakasikat na love team na AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza o Yaya Dub ang masang Pilipino. Lahat na nga yata ng Pinoy ay gustong malaman kung kailan nga ba ang "tamang panahon" ng kanilang pagkikita at pagpayag ng mahigpit na si Lola Nidora sa kanilang pagmamahalan.
 
Noong isang linggo, isa na siguro sa pinakahindi-malilimutang eksena sa balat ng telebisyon para sa taong ito ang unang pagkikita nina Alden at Yaya Dub. Parehong magtatanghal noon sina Alden at Maine para sa wildcard round ng Dabarkads Pa More ng Eat Bulaga. Muntikan nang magkita ang dalawa pero ang pinakainaabangan na pagkakataon na ito...hinadlangan ng plywood!
 
Kahapon nga, muling pinatikim ang mga manonood ng isa pang nakakikilig na eksena – hindi man sila nagkalapit sa isa't isa, nagkasama naman sila sa iisang lugar, matapos silang parehong ma-kidnap ni Duhrizz! At kung noong nakaraang linggo, pinaghiwalay sila ng plywood, kahapon naman ay pinag-ugnay sila ng isang straw!
 
Matatandaang nakapanayam pa ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang  20-anyos na si Maine noong Hulyo. At ilang araw nga matapos tinampok ito, pumutok na ang AlDub phenomenon. Kaya naman si Yaya Dub, mistulang naging mailap sa media! At dahil dito, lalong tumaas ang interes sa kaniya ng publiko.

 
Pero sino nga ba talaga si Yaya Dub sa mga talagang nakakakilala sa kaniya?
 
Instant Artista
 
Sa St. Paul College sa Bocaue, Bulacan kung saan nag-aral si Maine, proud na proud ang kaniyang mga naging guro sa tinatamasang kasikatan ng kanilang alumna. Anila, tipikal na estudyante raw noon si Maine, o Meng o Menggay kung kanilang tawagin!
 
“Who does not feel so proud of her? Parang instant ‘yung kaniyang pagiging famous. Hindi nga siya halos nag-e-effort unlike with other aspirants na maging TV personality. Parang she was at ease with what she was doing, and for me, personally, being one of her teachers, siyempre matutuwa ka na makita mo ang isa sa mga estudyante mo ay ganu’n na ang narating sa buhay. And, we are very happy for her,” sabi ng guro niyang si Ernesto Guillermo Jr.
 
“Ang hindi ko nakakalimutan na feature sa mukha niya, ‘yung mata niya kasi parang laging naka-smile. So kung ano ‘yung nakikita mo ngayon sa TV, ganun na ganun ‘yung nakikita namin nu'ng estudyante pa lang namin siya,” pagkukuwento ng isa pang guro ni Maine na si Mary Jane Pablo.

 
Bagama’t masayahin at palakaibigan ang dalaga, napakamahiyain din naman daw nito. Kaya laking gulat raw nilang lahat na ang secret dream pala nito... ang maging artista! At parang milagro nga raw na biglang nag-showbiz ito!
 
“Nang makita ko siya sa TV, at first hindi ako agad naniwalang siya ‘yun. Sabi ng mga anak ko, 'Ma, Paulinian ‘yan, si Nicomaine.' And ang sabi ko, oh talaga? Siya nga ‘yan! Dahil nu’ng tinignan ko na, sabi ko, magiging artista siya kasi creative naman siya lalo na sa journals niya,” pagkukuwento din ng guro niyang si Luzviminda Estrella.
 
Buena Familia
 
Ang hirap isipin na ang yaya sa telebisyon, galing pala sa isang buena familia sa totoong buhay. Tubong Bulacan si Maine at nagtapos ng Culinary Arts sa De La Salle College of St. Benilde sa Maynila. At bilang parte nang kaniyang On-The-Job Training noon sa kolehiyo, lumipad si Maine papunta sa isang resort sa New York sa Amerika para magtrabaho.
 
At base mismo sa kaniyang blog, mukhang lakwatsera rin talaga si Maine. Mahilig daw siya sa out-of-town trips at biglaang gala. 
 
Bago pa man pumasok sa pag-aartista si Maine, nagtrabaho muna siya sa negosyo ng kanilang pamilya.
 
"For the meantime, I worked/helped at our small family business. So there I became the tagagawa-ng-kung-anong-pwede; the boss (my mother) didn’t assign a particular position for me anymore for I was just working there part time– mapakinabangan lang muna."
 
Ang lahat nang ito, idinetalye niya mismo sa kaniyang personal blog site. O ‘di ba? Si Yaya, inglisera! At nang isang araw na nabagot siya sa trabaho, sinubukan niyang mag-dubsmash.

 
“Apparently, I had so much free time in the office. One time, I had the whole office to myself without anything to do. I got bored scrolling through different social media sites. (Which I didn’t think was even possible) And at that moment, Dubsmash was a hit," pagkakasulat niya rin sa kaniyang blog.
  
Ayon pa kay Maine, maliban sa pagda-dubsmash, hilig din niya rin ang pag-da-drums! Ito nga ang isa sa mga talentong ipinanlaban niya nang magtapat sila sa BulagaPaMore ng kaniyang ka-loveteam na si Alden Richards.
 
Mula fandom to stardom
 
Noon pa man daw, masugid nang manood ng Eat Bulaga si Maine. Pero hindi raw niya inaasahan ang pagtawag sa kaniya ng noon time show na talaga naman daw na ikinagulat niya.
 
"I was blown by surprise when Eat Bulaga called me for an interview and VTR, few days later, they called again and told me that I made it. The following day they invited me to watch Juan For All-All For Juan segment live (I remember it was a Thursday); [they] asked me to observe how things come off in the set and see if I am okay with it. I told them I am totally fine with everything," isinulat pa ni Maine sa kaniyang blog.
 
At matapos nga ang ilang araw ng panonood at pagmamatyag sa set ng Eat Bulaga, sinabihan daw siya na agad na siyang isasalang sa Juan for All, All for Juan.
 
"What. Okay. Wait. Di ko maisip. Okay. Thursday ngayon. Bukas makalawa Sabado na. Okay. Wait. Teka. Uhm. Uhm. Oh my god. Seryoso ba yun… Teka. Di ko maisip. Thursday, Friday. Saturday. Sabado. Sabado na. Agad agad. Okay. So. Sabado. Keri ba," pagba-blog nang tila kabadong si Maine.
 
At noong 4th of July nga, isinalang na si Maine bilang si Yaya Dub Smash o Yaya Divina Ursula Bocoba Smash, ang Yaya ni Lola Nidora, at tuluyan nang nakipagsabayan sa Dabarkads. Nang buwang ding iyon, aksidenteng nabuo na nga ang tambalan nila ni Alden. And the  rest, as they say, is history!
 
Pero bakit nga ba napamahal ang mga Pinoy kay Yaya Dub?
 
Ayon sa beteranong direktor na si Jose Javier Reyes, napakasimple at walang kaarte-arte sa katawan si Maine, kaya naman kinakagat ng publiko ang kaniyang katauhan.
 
“She is the perfect personification of the millennials - babaeng matapang, babaeng who doesn't mind making a fool of herself. But most of all, si Maine Mendoza hindi kailangan mag-artista… In other words, she's true. She's not out there to prove anything else. but the fact that she is having fun, and I think, that is what makes her so different from others,” pagpapaliwanag ni Direk Joey Reyes.
 
At dahil mala-Cinderella ang kanilang kuwento, patok na patok sa masang Pilipino ang pagpapakilig ni Yaya Dub at ang kaniyang Prince Charming na si Alden
 
“It feeds the fantasy of people na hindi ako fabulous pero kaya kong mapahulog ang kalooban ng isang kasing gwapo ni Alden. It's the Cinderella syndrome all throughout but brought to the level of the community,” dagdag pa ni Direk Joey Reyes.
 
Sa mata ng mga fans
 
Dahil sa kasikatan ng AlDub, nagkaroon na ng sariling fans club si Maine Mendoza – ang Mainean Fans Club na mayroong mga miyembro, hindi lang mula dito sa Pilipinas, kung hindi mula sa iba’t ibang parte ng mundo tulad ng Canada, UAE at Qatar!

 
Ang founder ng MAINEans fans club na si Jacky, matagal na raw hinahangaan si Maine, bago pa man daw ito sumikat sa Eat Bulaga. Ayon sa kaniya, lubos siyang natuwa at bumilib kay Maine dahil sa husay nito sa pag-da-dubsmash.
 
“Napapanood ko ‘yung mga Dubsmash niya pero hindi ko pa siyempre kilala na siya ‘yung si Maine na si Yaya Dub. And then nung nakita ko, lumabas siya sa Eat Bulaga, so ayun, parang lalo ko siyang nagustuhan kasi mas nakilala mo ‘yung itsura niya, ‘yung paano siya umarte, tapos parang araw-araw mo na siyang nakikita, iba na ‘yung ginagawa niya,” pagkukuwento ni Jacky.
 
At tatlong araw magmula nang maging Yaya Dub si Maine at nagsisimula pa nga lang daw itong tumatak sa Eat Bulaga, naisipan na raw ni Jacky agad at ng kaniyang mga kaibigan na magtayo na ng fans club para sa dalaga.
 
Sinusundan daw nila ang kanilang idolo saan mang barangay ito pumunta at lagi raw silang may dalang pagkain para dito.
 
“Usually sa social media, nalalaman namin [kung saan pupunta si Maine], parang naghahanap din kami. And then, pag pumupunta kami sa barangay, bumibili na lang kami ng something for her, mostly mga candies, ‘yung favorite niya, ‘yung iba donuts, binibigay namin. Last time, nagpunta kami, puto naman ang dala, luto ng nanay ko,” kuwento ni Jacky.
 
Sa lahat ng ito, mainit naman daw ang pagtanggap ni Maine.
 
“Nung nag-meet kami, accommodating naman siya, kinausap kami. Marami kami that time. Mga 4 groups kami. Inaccommodate kami per group ni Maine para makausap, picture-picture, kamustahan, ganu’n siya,” pagsasalarawan ni Jacky.

 
Bukod sa mga fans club, nagkalat na rin ang mga fan art na gawa ng iba’t ibang visual artists kabilang na nga rito si John Michael Serrano. Noon pa man daw, tuwang-tuwa na si Michael kay Maine.
 
Kaya laking tuwa niya na ang crush lang niya dati online, araw-araw na niyang napapanood sa Eat Bulaga! Dahil dito, lalong naging inspirado si Michael na iguhit ang dalaga gamit ang charcoal at sketch pad. Nakabuo na nga raw siya ng anim na fan art para kay Maine.
 
“Bago pa po yung AlDub, fan na po ako ni Maine Mendoza. Napapanood ko lang po siya sa Facebook. Na-catch niya ako kasi parang du’n sa mga videos niya, parang pinapapangit niya yung sarili niya. Nagiging kwela pero lumalabas pa rin ang natural na ganda ni Maine. Unique siya compared sa ibang babae, ‘yung medyo pabebe pero hindi ‘yung tipong nakakainis. Yung pagiging kwela niya, ‘yu’n ang nakakadagdag po sa kagandahan niya,” sabi pa ni Michael.
 
Ang tanging hiling ni Michael, sana balang araw, personal niyang maibigay ang kaniyang mga obra kay Maine.

 
Sino nga bang mag-aakala na isang nagda-dubsmash-dubsmash lang nitong mga nakaraang buwan, isa na sa mga pinakasinusubaybayang artista ngayon! 
 
Isa lamang nga si Yaya Dub na patunay na malaki na talaga ang ginagampanan ng social media, sa pagdikta kung sino ang pwedeng sumikat. Habang ang iba, gumugugol ng taon para lamang mapansin sa harap ng camera, binasag ni Yaya Dub ang lahat ng formula para sumikat sa larangan ng showbiz. At kung ang pagtanggap ng tao ang pagbabasehan, mukhang ito pa lang ang simula! ---Carlo Isla/BMS, GMA Public Affairs


Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.