ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Public Affairs Webexclusive
Pinoy talent to the “Fourth Power”
Sa pagbubukas ng audition ng talent reality show na X-Factor sa United Kingdom, isang grupo ng apat na babae ang nag-stand out. Napabilib nila ang audience at ang apat na hurado, kabilang na ang kilalang istrikto na si Simon Cowell, dahil sa performance nila ng hit song na “Bang Bang!” na talaga naman daw na “with a bang!”
Ang grupong ito na kinabibilangan ng magkakapatid na sina Almira, Irene, Mylene at Celine at nagpakilala bilang “Fourth Power,” mga Pilipina!
Pero bago pa man ang kanilang matagumpay na audition sa UK X-Factor, matagal na raw namamayagpag sa larangan ng pagkanta at pagtatanghal ang magkakapatid. Una silang nakilala bilang Cercado Sisters, naging lamang ng mga iba’t ibang talent search dito sa bansa. Higit pa silang nakilala nang maging kinatawan sila ng bansa at nanalo sa World Championships of Performing Arts o WCOPA.
Kamakailan lang, sumali rin ang grupo sa isang talent reality show sa bansang Korea, kung saan nakilala sila bilang ang grupong “Mica.”


Habang naghihintay pa ang magkakapatid sa susunod na hakbang sa X-Factor, pansamantalang nananatili ang Fourth Power dito sa Pilipinas. At eksklusibong nakapanayam ni Ms. Jessica Soho ang magkakapatid na abala sa mga preparasyon nila para sa kompetisyon.
Musika sa dugo ng pamilya
Nagmula sa probinsiya ng Isabela ang pamilya Cercado. Ang kanilang ina, dati raw nagbebenta ng mga gamit sa bahay, samantalang ang kanila namang ama, nagtratrabaho sa isang machine shop.
Hindi man daw nabiyayaan ng maalwang buhay, nabiyayaan naman ng pambihirang talento ang pamilya Cercado. Sa anim na magkakapatid, lima ang babae at isa lang ang lalaki. Pero lahat daw sila kumakanta.
Ayon sa 26-anyos na si Almira, nanggaling daw ang talento nila sa musika sa panig ng kanilang ina.
“Sina mama po, sampu silang magkakapatid. Pero si mama lang po ‘yung may anak na singers. Lahat po 'yung iba po, mga musician na, ganun,” pagpapaliwanag ni Almira.
Kuwento ng magkakapatid, madalas nga raw silang tanungin kung ano ang kanilang madalas kainin na siyang dahilan ng kanilang pambihirang boses. Pero ang kadalasan nilang sagot, wala silang espesyal na diet kundi ang kumain ng gulay at prutas, at kanin na kadalasan raw ay hindi inihahain sa ibang bansa.
Ayon sa pinakamatandang kapatid ng Fourth Power na si Irene, na ngayo’y isa nang Registered Nurse, malaki ang naitulong ng kanilang talento sa pagkanta hindi lang upang itaguyod ang kanilang pamilya, kundi para na rin maipagpatuloy ang kanilang sariling pag-aaral.
_2015_09_27_18_50_39.jpg)
_2015_09_27_18_50_39.jpg)
Sa kanilang magkakapatid, tatlo na ngayon ang nakapagtapos ng kolehiyo. Ang kanilang pinampaaral, ang mga kinikita rin nila sa pagkanta.
Sa tulong din ng pagsali nila sa iba’t ibang kompetisyon, nabayaran ng kanilang pamilya ang mga pinagkakautangan nila at nanalo pa sila ng isang brand new car.
Suki ng mga talent contest
Nagsimula ang magkakapatid sa pagsali-sali sa mga pa-contest sa mga barangay at town fiesta sa Isabela. At dahil sa pagpupursige, unti-unti na silang nakilala at nakasali sa iba’t ibang national at international contests.
Taong 2006 noong una silang sumali sa WCOPA. Dito sila itinanghal bilang Grand Champion sa Junior Vocal Group.
Sumali rin sila sa patimpalak ng noo’y QTV Channel 11 na “Fam Jam” at sa contest na “Protégé” sa GMA-7.
Taong 2013, bumalik ang Cercado sisters sa WCOPA kung saan muli silang itinanghal na Grand Champion of the World sa Senior Vocal Group Category.
Nito lamang nakaraang taon, sinubukan ng magkakapatid na sumali sa isang reality talent show sa Korea, kung saan pinangalanan nila ang grupo nila bilang “Mica.” Pero hindi sila pinalad na manalo sa nasabing kompetisyon.
“Ang hirap po ng language nila, ‘yun lang po ang masasabi namin. Kasi po lahat po ng songs na kailangan, every week, Korean song po. E ang prinepare po namin mga kanta ng 2NE1, Girls Generation, ganyan. ‘Yun po pala dapat meron kang alam na old songs, nag-iiba po sila ng genre every week. So nag-end lang po kami as top 8,” pagpapaliwanag ni Irene.
Kuwento pa ni Irene, pansamantala raw silang pinanghinaan ng loob dahil sa kanilang pagkatalo sa Korea.
“After po ng Korea, nag-give up na naman kaming magkakapatid. Iyakan to the max. Ang sabi namin, uwi na lang po kami ng Pilipinas. Nag-audition din po kami sa Korea, sa companies. Pero wala pong nangyari,” dagdag pa ni Irene.
Pero sa kabila ng kanilang kabiguan, isa palang suwerte ang naghihintay para sa kanila.
Dream come true
Noon pa man, pangarap na raw ng magkakapatid ang makapag-perform sa pandaigdigang entablado. Ito nga raw ang kanilang motibasyon, kaya hindi raw sila tumitigil sa pagsali sa iba’t ibang mga kompetisyon.
“Nung December po, may nagcomment po sa (viral video) namin na Let It Go audition. Sabi niya, 'You ended up as top 8… I thought you're gonna win. But come here to the UK. You must join X Factor UK.’ Tapos po, parang hindi kami naniwala,” pagkukuwento ni Almira.
Pero lingid sa kaalaman ng tatlo pang kapatid, nagpadala ng entry si Irene gamit ang internet link na binigay ng taong nakipag-ugnayan sa kanila.
At nito ngang Mayo, sa hindi inaasahang pagkakataon, tila dininig ang kanilang dasal nang sumagot ang X Factor UK at inimbitahan silang mag-audition!
Nang sumunod na buwan, lumipad na sila pa-London! At kasama ang 60,000 na ibang sumali sa audition, tiniis nila ang pagpila sa kabila ng init ng araw at minsa’y lamig ng panahon, para lamang sa tiyansang makasali sa X Factor UK!


At nang sumalang na sila sa audition kaharap ang apat ng hurado ng kompetisyon…
“Nakaka-overwhelm po talaga 'yung feeling na ‘yun na parang after ng performance na... Sumipa pa nga ako nung ending, grabe! Nakita po namin na ‘yung judges saka ‘yung audience, tumayo. Parang lahat po nag-flashback sa isip namin, lahat ng sinalihan namin," mangiyak-ngiyak na paglalahad ni Mylene.
“Parang naaalala po kasi namin noong meron po kaming work. Kumakanta po kami sa casino. Tatlong oras po kaming kumakanta pero ‘yung mga tao lumalakad-lakad lang. Kami, kanta kami nang kanta. ‘Pakinggan ninyo kami’ pero wala po. Wala pong nanood,” kuwento pa ni Irene.
Puspusang paghahanda
Ngayon, puspusan na ang paghahanda ng Fourth Power. Sa katunayan, kuwento ng magkakapatid, inaabot pa sila ng madaling araw sa rehearsals. Naniniwala kasi sila na hindi basta-basta dumarating ang tagumpay, bagkus ito’y pinaghihirapan.
“Siguro po ang sikreto lang din is talagang hahanapin mo po, ‘yung hindi ka maghihintay. Dapat gagawa ka po talaga ng aksyon para du’n sa dream mo… Ten years na po kaming kumakanta. Ang dami na po naming napagdaanan, buong mundo na siguro. Pero ‘yun po talagang hinahanap namin, ‘yung biggest break naming magkakapatid,” pagpapaliwanag ni Irene.
Ayon pa sa magkakapatid, hindi nila iniisip na trabaho ang kanilang ginagawa. Mahalaga raw kasi na na-e-enjoy nila ang kanilang ginagawa, kahit na nga dito rin sila kumukuha ng kanilang ikinabubuhay.
_2015_09_27_18_51_05.jpg)
_2015_09_27_18_51_05.jpg)
Sa ngayon, patuloy pa rin ang magkakapatid sa pagsusumikap na makamit ang kanilang mga pangarap.
“Ito po, from the bottom of our hearts, talaga ‘yung gino-goal namin magmula bata pa kami. ‘Yung magkaroon po kami ng sarili naming bahay para po kina mama at papa,” kuwento pa ni Almira.
Sa mga susunod na araw, lilipad pabalik sa UK ang magkakapatid upang muling sumabak sa panibagong round ng elimination sa kompetisyon.
Ang tagumpay, tulad na lang ng kasalukuyang tinatamasa ng Fourth Power, ay tunay ngang hindi basta-bastang inihahain ng tadhana. Araw-araw itong pinagtratrabahuhan. At para sa magkakapatid na Cercado, patuloy nila itong gagawin, hindi lang para sa personal na glorya, kundi para na rin sa ikauunlad ng kanilang pamilya.--- CARLO P. ISLA /BMS, GMA Public Affairs
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
More Videos
Most Popular