ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Beki firefighters sa Cavite, buhay at beauty ang isusuong para makatulong


Nasanay na ang marami sa atin na kapag bumbero dapat matapang at lalaking-lalaki. Pero, ibahin mo ang eksena sa Rosario, Cavite dahil ang kanilang firefighters---mga beki!

Napataas ka ba ng kilay?

 

 

Introducing, Beki Fighters!

Paano nga ba sila nag-umpisang rumampa sa Rosario, Cavite Fire Station?

Nagsimula ito nang makatanggap ng bagong fire truck ang Rosario, Cavite. Dahil diyan, binuksan ang application ng mga bagong bumbero sa lahat! Babae, lalaki at kahit pa man mga beki, basta nasa tamang gulang at walang criminal record ay pasok na sa banga!

“Sa mga fire aides, wala naman tayong requirements dun. Basta willing silang pumasok at makatulong sa atin,” sabi ng Hepe mismo ng Rosario Fire Station na si Jose Callos Jr.

Noong Agosto, tinuruan sila ng basic fire suppression o tamang pagpatay ng apoy, tamang pagbato at pagligpit ng mga hose at higit sa lahat, sinanay din sila kung paano ang tamang pagbubukas ng hose na siyang sumubok sa beauty ng ating mga bidang-bida na bum-beki! Sa kabila ng hirap ng nasabing pagsasanay, nakapasa naman ang mga beki na sina Aries, Renz, Iris, Nikki at Katya!

Bum-beki Renz on duty!

 


 

Minsan nang naitampok sa ating programa si Renz Benipayo o mas kilala sa lugar nila bilang si “Carla Abellana” bilang isa sa mga Cavite Traffic Enforcer, pero nang malaman niya na kailangan ng mga bagong bumbero na handang manilbihan sa kanilang lugar, agad itong sinubukan ni Renz.

Tindero ng yosi at kendi ang mga magulang ni Renz kaya naman bata pa lang ay nasanay na siyang maghanapbuhay. At ang mas nakakahanga pa ay bukod sa pagiging bum-beki ay umeekstra rin siya sa pagpapadyak!

Naniniwala ang Carla Abellana ng grupo na hindi dahilan ang pagiging beki para hindi sila makapaglingkod sa bayan, “Sa isip po ng ibang tao, ‘pag sinabing gay firefighter, lalamya-lamya lang. Basta, kung ano ang kaya ng lalaki, kaya rin po ng mga bakla.” Pak!

Parlorista turned Bum-beki!

 



 

Isa sa mga bum-beki na nakilala ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” ay si Aries Selminar o mas  kilala bilang “Lovi Poe.” Dati siyang parlorista sa isang salon ngunit dahil P500 lang kada araw ang kinikita niya, naisipan niyang maghanap ng iba pang pagkakakitaan.

“May nag-offer po sa akin na kaibigan ko, kailangan ko rin ng extrang income kaya kinuha ko na rin agad,” wika ni Aries.

At ito na nga ang pagiging isa sa mga Boombastic Fire fighter!

Rampa, Bum-beki Ambeth!

 

 

Dahil sa hirap ng buhay, napilitan munang huminto sa kursong Business Management si Ambeth Arevalo o mas kilala bilang hot na hot na si “Katya Santos.” At dahil nag-uumapaw ang hotness ni Katya, naglalagablab din ang kaniyang interes na makapaglingkod sa Rosario, Cavite nang malaman niyang bukas ang application sa lahat.

Para kay Katya, isang kakaibang karanasan ang mapabilang sa mga grupo ng mga firefighter ngunit aminado rin siya na hindi talaga ganoon kadali ang maging isang bumbero.

“Sa pagpasok ko rito, nasabi ko sa sarili ko na napakahirap ng trabahong bumbero. Pero, kung nagtutulungan, mas dumadali ang trabaho,” ani Katya.

Sipag lang ang puhunan, Iris!

 

 

Ang pagiging isang ganap na fire aide ang isa sa mga malalaking oportunidad na dumating para kay Iris Padilla o “Maja Salvador” kung tawagin sa lugar nila. Ito kasi ang nagbigay daan sa kaniya na kahit Grade 5 lang ang tinapos ay kaya naman niyang makipagsabayan sa kapwa niya bum-beki.

Sa pagbubukas ng Rosario Fire Station sa lahat ng nais maglingkod, isa lang ang masasabi ng lola n’yo, “Nagpapasalamat kami sa oppurtunity na ‘to, naipapakita namin na bilang isang bakla, kaya namin kahit anong trabaho.”

Dancing Firefighter

 

 


 

Samantala, tuwing breaktime naman, ang panonood ng Kalyeserye ang pinagkakaabalahan ng lahat ng firefighters sa Rosario, Cavite. At kapag humataw na nga sa sayawan si Lola Tinidora, mangunguna na agad ang KPop dancer na si Nikki Daveson!

Nangunguna man lagi sa pagpapatawa, sa likod nito ay hindi pala tanggap si Nikki ng kaniyang ina na kasalukuyang nasa Nueva Ecija. Pero, hindi naman ito naging dahilan para huminto siya sa kaniyang kagustuhan na makatulong sa bayan.

Kaya nang mabigyan siya ng pagkakataon na maging bumbero, gora agad si Nikki! “Kaysa naman magpagala-gala ka riyan, mag-bumbero ka na lang,” ani Nikki.

Kahit hindi sila kasingtikas ng mga lalaki, punong-puno naman ng pagmamahal kung sila ay magtrabaho. Sa katunayan, tanggap na tanggap sila ng kanilang mga kapwa bumbero dahil napapawi nila ang hirap ng trabaho kapag nag-umpisa na silang magpatawa.

“Na-divert na ‘yung pagiging seryoso kasi siyempre sa araw-araw na inspeksyon, sila ‘yung nakaka-relieve ng pagod,” wika naman ni Jose Callos Jr.

Sa lipunang ito, nakatutuwang isipin na unti-unti nang nagiging bukas na ang pagtanggap sa LGBT community. Bukod pa riyan, nabibigyan din sila ng oportunidad na patunayan ang kani-kanilang mga sarili sa kabila ng pangungutya ng iba.

Para nga kay Renz, hindi tama na husgahan sila base sa kung ano sila, “Hindi po nila dapat maliitin ang tulad namin. ‘Yung mga sinasabi nilang salot sa lipunan ang siyang magliligtas sa kanila.”

Kaya kung may sunog, kering-keri 'yan ng Boombastic firefighters!---Khrystyne Villan/BMS, GMA Public Affairs

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa FacebookTwitter, at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.