ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Pinoy Slang 2015 - mga patok na salita ngayong taon


Ngayong 2015, sari-saring mga salita ang umusbong at naging bukambibig na ng maraming Pilipino. At marami nga raw sa mga salitang ito, nagmula sa Internet, partikular na sa social media.

Ano-ano nga ba ang ilan sa mga bagong salita o Pinoy slang na ito na ginagamit nating mga Pilipino sa araw-araw nating pakikipag-komunikasyon?


BAE

KAHULUGAN: Ayon sa isang urban dictionary, acronym daw ito ng pariralang “Before Anyone Else.” Pero nanggaling daw talaga ito sa pet name ng mga magkasintahan na baby o babe! Naging popular ito lalo dahil ito ang naging tawag kay Pambansang Bae Alden Richards.


USE IN A SENTENCE: Ang guwapo-guwapo talaga ni Carl! Feeling ko talaga, siya na ang Bae ko!

PABEBE

 

KAHULUGAN: Isa itong pang-uri na ang ibig sabihin ay umarteng parang baby o magpa-baby o magpa-cute. Tulad din ng salitang Bae, naging popular ang pabebe dahil sa pabebe wave ng Aldub. Ang pabebe wave ay ang pa-cute o mahinhing pagkaway.

USE IN A SENTENCE: Huwag ka nang mag-pabebe diyan. Gawin mo na ‘yang trabaho mo, ngayon na!


BEAST MODE

KAHULUGAN: Mala-halimaw ang enerhiya na ipapamalas ng isang tao. Maaring dahil galit o may nais ma-achieve kaya pursigido! Posible raw nagmula ang mga katagang ito sa video game na Altered Beast ng Sega, kung saan nagpapalit-anyo ang karakter dito at nagiging halimaw.


USE IN A SENTENCE: Ang dami kong kailangang gawin. Kailangang kong mag-beast mode mamaya para matapos lahat ng trabaho ko.


NINJA MOVES



KAHULUGAN: Patungkol daw ito sa magaling, mabilis, madiskarte at kalimita’y tahimik na pagkilos. Nagmula raw ito sa mga “ninja” o mga warrior na mayroong kakaibang galing na maisakatuparan ang kanilang misyon nang hindi masyadong napapansin.

USE IN A SENTENCE: Bigla na lang nawala ‘yung pagkain ko dito. Mayroon na naman sigurong nag-ninja moves at kinuha ito.
 

GALAWANG BREEZY



KAHULUGAN: Ito na nga raw ang bagong termino para sa mga pasimpleng diskarte ng mga kalalakihan sa mga babae. Maaaring hango ito sa salitang breezy na ang ibig sabihin ay mahangin, at ngayo’y nabigyan ng kakaibang kahulugan bilang pagpapalipad-hangin.

USE IN A SENTENCE: Papalapit nang papalapit si Joshua kay Karen ah. Galawang breezy na talaga!


WALWALAN



KAHULUGAN: Kadalasan daw naikakabit ang salitang walwalan sa mga inuman at mga tambay. Pinaniniwalaang nagmula ito sa mga salitang “walang pakialam,” “walang pangarap” at “walang kinabukasan.”

USE IN A SENTENCE: Tamang-tama, walang pasok bukas! Walwalan na naman!


EME-EME



KAHULUGAN: Ito raw ay salitang beki na pamalit sa mga terminong hindi masabi o maalala. Pinaniniwalaang nagmula pa ito noong dekada ‘80, na ang ibig sabihin ay “any-any” o kung ano-ano lang. Dekada ’90, naging “anik-anik” at ngayon, eme-eme na!

USE IN A SENTENCE: Ano ba ‘yun? Eme-eme lang ang pinagsusulat niya sa script niya.


FOREVER



KAHULUGAN: Ang tunay na kahulugan nito ay “habambuhay” o “walang hanggan.” Ngayon, naikakabit na ito sa paksa ng pag-ibig. Para sa ilan, ito ay ang estado ng “love life.”

USE IN A SENTENCE: Diamond anniversary na ng nanay at tatay ko. Sila na ang may forever!


Mayabong na wikang Filipino

Ayon mismo sa National Artist for Literature na si Virgilio Almario, bahagi ang mga salitang ito ng tinatawag na kolokyalismo. At ang mga salitang kolokyal, natural na daloy o direksiyon ng lahat ng wika sa buong mundo.

“Paraan ito ng pagpapakita ng pagkaroon ng isang naiibang pangkat sa loob ng lipunan. Gumagawa sila ng sarili nilang lingo o sarili nilang paraan ng pag-uusap na sila lamang ang nagkakaintindihan. Lahat ng pangkat, may ganyang damdamin, nagkakaroon ng ganyang saloobin, lalo na yung pangkat na nama-marginalize o sa palagay nila ay hindi sila masyadong napapansin,” pagpapaliwanag ni Almario.

Ano’t ano man, ang mga salitang ito ay patunay na ang ating wika ay buhay, daynamiko at patuloy na nagbabago sa paglipas ng panahon. Pormal man o impormal, slang man o beki, ang mahalaga ay nagagamit natin ang wika nang tama para sa araw-araw nating komunikasyon. --- CARLO P. ISLA / BMS


Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.