ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Hugot ng mag-ama sa pangingibang-bansa, dinaan sa duet


Viral sa internet ang duet ng mag-amang Buboy at Beyonce dahil sa nakaaantig na mensahe ng kanilang kanta tungkol sa buhay ng mga OFW at kanilang mga pamilya.

Sa bawat ama o ina na umaalis ng bansa, isang pamilya ang naiiwang nangungulila sa pag-aaruga at pagmamahal ng isang magulang.

Ganito ang realidad na kinakaharap ng mahigit dalawang milyong Overseas Filipino Workers at ng kanilang naiiwang pamilya dito sa Pilipinas.

Tulad ng 28-anyos na si Amador “Buboy” Fajardo, na nakikipagsapalaran sa Saudi Arabia para sa kaniyang asawa at dalawang anak.

Para labanan ang lungkot at pangungulila sa pamilya, ibinaling ni Buboy ang kaniyang atensiyon sa pagsusulat ng mga kantang hango sa kaniyang mga karanasan.

At sa pagbalik ni Buboy sa bansa noong 2014, gumawa siya ng isang video kasama ang anim na taong gulang na anak na si Beyonce. Gamit ang kantang isinulat niya habang nasa Saudi Arabia, naging viral ang video dahil sa taglay nitong kurot sa puso ng bawat Pilipinong may kamag-anak na OFW.

 
Father and Daughter song.

Original Composition BY: Amador Fajardo Ano kayang magandang title nito?Suggest po kayo. :) . Palike na din. XD#AmadorBeyonceFajardo

Posted by Jerome C. Fajardo on Tuesday, September 16, 2014


Pinuntuhan ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” si Buboy at ang kaniyang pamilya sa kanilang tahanan sa Sta. Rosa, Laguna para alamin ang kuwento sa likod ng kanilang kanta.


Mga pagsubok ng buhay

Hindi naiiba ang buhay ng pamilya ni Buboy sa ibang mga OFW. Sa murang edad pa lang ay nakaranas na siya ng hirap. Naiwan siya sa pangangalaga ng ibang kamag-anak sa Bicol, habang nakikipagsapalaran naman ang kaniyang mga magulang sa Laguna.

Maagang natuto na magbanat ng buto si Buboy. Kuwento niya, walong taon pa lamang siya nang magsimula siyang maghanap ng pagkakakitaan para matustusan ang pambaon niya sa eskuwela.

“At the age of 8, nagpa-padyak na ako. ‘Yung mga pasahero ko, malaki pa sa akin kaya ang [sinasabi] nila, 'To, ikaw na lang ang sumakay, kami na lang magda-drive.’ Siyempre, ikaw naman kahit ang laki mong tao, tapos ang magdadrive, maliit, maaawa ka, ‘di ba?” pagbabahagi ni Buboy.

Sa Laguna naman, naglalako ng meryenda at kakanin ang kaniyang ina sa padyak, habang ang nagluluto naman ng kanilang paninda ay ang kaniyang ama.

Hindi man nakatapos sa kolehiyo si Buboy, hindi raw siya tumitigil magbanat ng buto para tulungan ang mga magulang.

Nang magkapamilya siya ay lalong tumindi ang pagnanais niyang mabago ang takbo ng kaniyang buhay, para na rin daw ito sa kinabakusan ng kaniyang mga anak.

Para kay Buboy, ayaw daw niyang danasin ng mga anak ang mga hirap na dinanas niya sa buhay kaya sa siya nagsakripisyo sa paghahanap-buhay sa ibang bansa.


“Ayaw kong danasin 'to ng mga anak ko, ng magiging pamilya ko. Kasi mahirap po talaga ‘yung pinagdaanan ko. Kaya naisip ko, ‘Isasapalaran ko na 'to. Wala namang mawawala sa akin kung magtatry akong mag-apply.’ Ayun nga po, sa awa ng Diyos, natanggap naman,” sabi ni Buboy.


Musika ang sandigan

Bago pa man daw siya tumulak papunta ng Saudi Arabia noong 2012, nakaramdam na siya ng pagdadalawang-isip, at sa eroplano pa lamang daw ay gusto niya nang bumalik.

“Noong pa-take off na ‘yung eroplano, naisip ko, hindi lang pala ako dalawang araw, dalawang buwan mawawala, dalawang taon pala. Isip-isip ko, ‘Puwede pa kayang bumalik? Puwede pa kayang buksan yung pintuan?’ Parang nagising ako na ang hirap pala ng gagawin ko. Pero inisip ko na lang din na, labanan ko na lang ‘yung [lungkot], at isipin ko na lang yung pamilya ko,” sabi niya.

Namasukan si Buboy sa Saudi bilang waiter. Simple lang daw ang hangarin niya noon – ang makapag-ipon ng kaunting halaga pambili ng tricycle na maaari niyang magamit na pampasada pagbalik sa Pilipinas.

Pero natapat din siya sa maraming pagsubok. May ilang beses din siyang nagkasakit at wala raw ibang nag-alaga sa kaniya kundi ang mga kapwa rin niya OFW. Nanakawan pa nga raw siya ng pera nang masungkit ang malaking halaga ng naipon niya mula sa kaniyang alkansiya.

Sa gitna ng matinding lungkot at pangungulila, musika ang naging sandigan ni Buboy upang manatiling matatag.

Noon pa man daw ay hilig na niya ang musika. Sa katunayan, ipinangalan niya ang dalawang anak sa mga sikat na singer. Ang kasama niya sa video, ang anim na taong gulang niyang anak na si Beyonce. Ang bunsong anak na lalaki, isinunod ang pangalan kina Bruno Mars at Usher, kaya bininyagan ito bilang si Asher Mars.

Sa loob ng dalawang taon sa ibang bansa, nakalikha raw si Buboy ng ilang kanta base sa mga naging karanasan niya at ng iba pang kasamahang OFW. Inspirasyon daw niya ang kaniyang ina, ang kaniyang anak at ang iba pa niyang naging kasamahan sa trabaho.

Ipinakanta raw ni Buboy ang mga isinusulat niyang mga kanta kay Beyonce tuwing umuuwi siya ng Pilipinas.

Ang mga nililikha niyang awitin, ipinapakanta niya sa kaniyang anak na si Beyonce. At isa nga sa kanilang naging duet ay ang video na viral na ngayon sa Internet, ang kantang “Lahat ng ‘to, Para Sa’yo.”

“Ang naging hugot ko, ‘yung reality ng pagiging OFW, na maiiwan mo ‘yung pamilya mo. Nagawa ko [siya] siguro in one hour lang, kasi talagang inspired ako nun e. Nung natapos ko na ‘yung song, finorward ko sa asawa ko. Sabi ko, ‘Itong song na 'to, ipasaulo mo sa anak natin para pag-uwi ko, kakantahin namin,” paglalahad ni Buboy.


Hirap nang mawalay sa pamilya

Para kay Buboy, ang pinakamabigat daw sa mga karanasan ng mga OFW ay ang hindi makita ang paglaki ng mga anak. Kuwento niya, bagama’t malapit ang anak na si Beyonce sa kaniya, hindi naman daw siya makilala ng bunsong anak na si Asher Mars.

“Nung pag-uwi ko, pagpasok ko sa bahay, nilapitan ko agad ‘yung mga anak ko. ‘Yung bunso ko parang natakot sa akin, umalis siya. Nung kinakarga ko siya, parang nagpupumiglas, parang [sinasabi niya] ‘Ayoko sa'yo!’ Sa part ko, parang masakit talaga. Parang bakit ganoon? Pero bandang huli, narealize ko na hindi natin siya masisi kasi nga bata pa siya. Hindi niya pa alam ‘yung mga nangyayari,” kuwento ni Buboy.

Para naman sa maybahay ni Buboy na si Mheanne, mahirap daw ipapaliwanag sa kanilang mga anak kung bakit wala ang kanilang ama sa mahahalagang okasyon ng kanilang buhay.

 

“Hindi ka puwedeng magsinungaling sa bata. Kung minsan sinasabi ko talaga ‘yung totoo sa kanila. ‘Wala pa, kailangan ni papa pumunta du’n para magkaroon tayo ng pera, para makapag-aral ka,’” pagpapaliwanag ni Mheanne.

Para naman sa panganay na si Beyonce, higit daw niyang nami-miss ang kaniyang ama tuwing Pasko. Nang umalis kasi si Buboy noong 2012, dalawang Pasko rin daw niyang hindi nakasama ang mag-iina.

“Naisip ko, siguro mas masaya kung ako ‘yung mismong kasama nila ako. ‘Yun po ‘yung na-miss ko talaga. Pero naisip ko, okay rin kahit wala ako. Kasi siguro kung nandiyan ako, hindi ganito ‘yung magiging kalalabasan ng celebration nila e. Ayun na lang yung iniisip ko. Kaya hindi na rin ako naging selfish sa sarili ko. Okay na ‘yun, at least, masaya sila,” sabi pa ni Buboy.

Salamat na lang sa makabagong teknolohiya, halos araw-araw pa rin daw niyang nakakausap ang pamilya sa pamamagitan ng telepono, chat at social media.

Ngayon, dahil natapos na ang kontrata ni Buboy sa Saudi, pansamantala siyang nakabakasyon sa Pilipinas. At habang naririto siya sa bansa, pinipilit daw niyang bawiin ang mga sandaling nawalay siya sa mga minamahal.

Nilulubos daw ni Buboy ang bawat oras na kasama niya ang pamilya bago pa man siya muling bumalik sa Saudi upang muling makipagsapalaran.

Araw-araw, si Buboy ang na nag-aasikaso kay Beyonce bago ito pumasok sa eskuwela. Madalas rin daw silang mag-bonding mag-ama sa pamamagitan ng pagkanta.

Pero ang lahat ng ito, panandalian lamang. Nagbabalak na kasing bumalik si Buboy sa ibang bansa lalo pa’t madadagdagan na naman sila ng panibagong miyembro. Nagdadalantao kasi si Mheanne sa kanilang ikatlong anak.

“Sa nangyayari ngayon parang kailangan kong bumalik, kasi lumalaki na ‘yung pamilya ko. Ang plano ko talaga isang try na lang, ipon pa uli, para sa tricycle. Sa pagta-tricycle kasi, kaya mo na rin silang buhayin e. Pero siyempre, kung mayroon pang opportunity na mas malaki, du’n ako,” sabi pa ni Buboy.


Ang buhay ni Buboy ay isa lamang repleksiyon ng milyon-milyong OFW na kayang isakripisyo ang pansariling kaligayahan – kahit na ang pinakamasakit na kapalit nito ay ang mawalay sa mga taong pinakamamahal nila. --- CARLO P. ISLA/APP

 


Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.