Mga kontribusyon ni Kuya Germs sa telebisyon, hindi matatawaran
Pumanaw na si German Moreno, na mas kilala sa showbiz industry na “Master Showman” at “Kuya Germs” noong January 8, 2016, 3:20 ng madaling-araw, dahil sa cardiac arrest. Matatandaang noong nakaraang taon ay na-ospital ang Master Showman dahil sa stroke. Bumalik naman si Moreno sa trabaho noong Hunyo 2015.
Kilalang mahusay na aktor si Kuya Germs na sinimulan ang kaniyang karera bilang utility worker noong 1950s sa kilala noong Clover Theater sa Maynila. Naging aktor rin siya sa teatro hanggang noong dekada ‘70 ay nabigyan siya ng malaking pagkakataon upang maging host ng GMA Supershow.

Nakagawa rin noon si Kuya Germs ng mahigit 60 pelikula na ang karamihan ay sa bakuran ng Sampaguita Pictures.
Hindi na matatawaran ang naibambag niya sa industriya na kaniyang minahal sa loob ng mahigit limang dekada.
Alamat ng telebisyon

Ilan lamang ang “Walang Tulugan with Master Showman” (1997) at “GMA Supershow (1984- 1996)” sa mga tanyag na palabas ni Kuya Germs. Dahil dito, hindi na rin mabilang ang mga naging co-host niya sa kaniyang mga TV shows. Ilan sa kanila ay sina Kris Aquino, Gretchen Barretto, Jackielou Blanco, Sheryl Cruz, Cherie Gil, Lani Mercado at Nora Aunor.

Ang iba pa niyang mga nagging programa ay: Germside (1978-1979), Germspesyal (1979- 1984), Super in GMA (1984) That's Entertainment (1984) at Negosiyete: Mag-aral Sa GMA (1991- 1997)
Star-builder

Taong 1986 naman nang kaniyang buuin ang youth-oriented program na “That’s Entertainment” na tumagal sa ere ng isang dekada. Sa nasabing programa nanggaling ang ilan sa mga pinakamalaking pangalan sa showbiz tulad nina Lea Salonga, ang yumaong Master Rapper na si Francis Magalona, Billy Crawford, Ruffa Gutierrez, Jean Garcia, Manilyn Reynes, Manila Vice Mayor Isko Moreno, Sheryl Cruz, Romnick Sarmenta, Keempee de Leon at Janno Gibbs. Kabilang rin sa kaniyang show ang mga popular na artistang sina Gladys Reyes, Judy Ann Santos, Donna Cruz, Ramon Christopher, Lotlot de Leon at marami pang iba.
Hindi rin tumigil ang kaniyang pagdiskubre ng mga umuusbong na artista. Ilan sa kaniyang mga bagong alaga ay sina Jhake Vargas,Teejay Marquez, Ken Chan at Hiro Peralta.
Eastwood walk of fame

Si Kuya Germs din ang nagpasimuno ng “Walk of Fame” sa Eastwood, Quezon City, na local counterpart ng “Walk of Fame” sa Hollywood, USA, para bigyang pagkilala ang mga artista, broadcasters, singers at iba pang may kontribusyon sa showbiz industry. Lingid sa kaalaman ng lahat, sarili niyang pera ang ginamit upang masimulan ang proyektong ito. Sinasabing humigit-kumulang 4 na milyon ang kaniyang nailabas para rito. Ilan sa mga huling nakatanggap ng kanilang star sa walk of fame ay sina Alden Richards, Maine Mendoza, Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros.

Isa rin sa mga ideya ng pumanaw na German Moreno ang pagkakaroon ng Mowelfund o Movie Workers Welfare Foundation. Isa sa kaniyang hindi malilimutang proyekto para rito ay ang Paradise of Stars, kung saan makikita ang mga life-size images ng mga star. Ito ay naging bukas sa publiko noong taong 2007. Noon pa man ay layunin na niyang mabigyan ang mga artistang Pilipino parangal kagaya ng pagpapahalagang binibigay sa mga artista sa Hollywood. Ang proyektong ito ay galing rin mismo sa kaniyang pondo.
“Pangarap ko talaga 'yung matulad tayo sa Hollywood. Gusto kong makagawa ng tourist spot na tungkol sa mga artista [dito] sa Quezon City,” aniya.
Hindi makakailang isang alagad ng sining si Kuya Germs at tunay ngang minahal niya hanggang sa kaniyang huling hininga ang industriyang kinabibilangan niya,
“Up to his last breath, finulfill niya iyon, na hanggang sa huling hininga niya, talagang ito yung kaligayahan niya – ang mag-entertain saka to make people happy and matulungan kung sino maghahahangad ng puwang sa showbusiness” kuwento ng kaniyang pamangkin na si John Nite.
Sinang-ayunan naman ito ni Susan Roces na naging kasabayan niya sa showbiz.
“Mahal na mahal niya ang industriya ng pelikulang Pilipino at naging matulungin siya. German Moreno was not materialistic at all. Kung saan siya kailangan, kahit kailan, kailangan siya ng mga kaibigan niya, nandun siya para tumulong. Hindi niya kailangan ng talent fee.”
Kilala rin si Kuya Germs sa pagiging maalaga sa kaniyang mga talent na itinuring niyang parang sarili niyang anak. Kaya naman hanggang ngayon, emosyonal pa rin si Jhake Vargas sa pagpanaw ng kaniyang “Tay” sa showbiz.
“Masakit para sa akin kasi ang tagal ko rin nakasama si Tatay, 7 years. Alam ko mahirap. Siyempre dumarating naman talaga sa ganitong point sa buhay natin ang hindi inaasahan. Sabi ko nalang sa sarili ko, ‘Dasal na lang, pray na lang tayo.’ At least si tatay, hindi na siya mahihirapan. Hindi na siya makakaramdam ng pain.”
Ang kaniyang anak naman na si Federico Moreno ay pinipiling magpakatatag sa kabila ng lungkot sa paglisan ng kaniyang ama.
“Dad, don't worry about us, we're fine. We're gonna be okay and we thank you for the love, support and care. Thank you so much for everything. We call him “master” but now he's with his Master. So enjoy your time with your siblings there, Papa, with lolo and lola.”
Sa kasalukuyang nakalagak ang labi ni Kuya Germs sa Mt. Carmel Parish, Quezon City.-- Kimberlie Refuerzo/ BMS
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.