ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Viral Wedding Vow: Ang pangako ng wagas na pagmamahal ng isang lalaki sa yumaong kasintahan


Sa pagpasok ng 2016, marami sa atin ang muling susubok na gumawa at tuparin ang kanilang New Year’s resolution. Mula sa pagbabawas ng timbang hanggang sa pag-iwas sa mga nakagawiang pag-uugali, pinipilit natin na sa pagbubukas ng panibagong taon ay magkaroon ng pagbabago para kabutihan ng ating pagkatao.

Pero para sa 25-anyos na si Anthony Coronado, wala siyang ibang balak gawin ngayong bagong taon kundi ang maipahatid sa kaniyang fiancee na si Jona Reforma ang inihanda niyang wedding vow. Ang wedding vow na ito, ipinost pa ni Anthony sa kaniyang Facebook account, naging viral at na-share ng mahigit 10,000 beses.

 

Tabs hi.miss kta Tuwang tuwa k everytime n aaalalahanin nten kng pano tayo ng simula kng pano tayo naging mg jowa galit...

Posted by Coronado Anthony on Sunday, January 3, 2016

Pero sa kasamaang-palad, hindi na ito maririnig kailanman ni Jona. Nito lamang Disyembre 31, pumanaw si Jona dahil sa sakit na kanser. Hindi na inabutan pa ng dalaga ang dapat sana’y pag-iisang dibdib nilang magkasintahan ngayong Enero.

Sariwa man ang sugat na iniwan ng pagpanaw ni Jona, para kay Anthony, tila parang kahapon lang ang lahat ng nangyari sa kanilang buhay.


Kaibigan o ka-ibigan?

Nasa 2nd year college daw pareho sina Anthony at Jona noong una silang nagkakilala. Nagpapagawa raw noon si Jona ng video sa kapatid ni Anthony. Bestfriend din ng girlfriend ng kapatid ni Anthony si Jona, kaya nasa iisang sirkulo sila ng mga kaibigan.

Nabighani man daw agad si Anthony kay Jona, hindi agad siya gumawa ng “first move” sa dalaga. Pagsasalarawan pa nga ng binata, wala silang pormal na ligawan - nagsimula lang ang lahat sa pagkakaibigan.

“Mataray siya nu’ng una kaming nagkita e. Suplada. Hindi ko inisip nu’n na magiging kami. Pero may gusto na ako sa kanya nu’n, hindi ko lang sinasabi dahil matapang nga yan,” sabi pa ni Anthony.

Una raw, lumalabas-labas lang sila bilang magkakatropa. Pero noong Nobyembre 10, 2009, naglakas daw ng loob si Anthony na umamin ng nararamdaman para kay Jona.

“Lagi kaming magkatext, lagi ring magkausap. Tapos sinamahan niya ako, sabay kami nag-enroll nu’ng college. Tapos ‘yun, tinanong ko sa kaniya kung may gusto siya sa akin. 'Presko!' sinabi niya. Bakit daw ako nagmamadali. Sabi ko, hindi na kailangan patagalin, sa panahon ngayon. Pumayag siya, naging kami tapos tumagal 'yung relationship namin,” dagdag pa ni Anthony.

Sa kanilang relasyon, hindi raw halos mapaghiwalay sina Anthony at Jona.

Simula raw noon, hindi na sila makikitang magkahiwalay. Lagi raw silang magkasama saan man sila magpunta. Kung noong una, hindi raw siya nanligaw kay Jona, nang maging magkasintahan na sila, doon na raw niya sinimulang suyuin ang dalaga.

“Mas (naging) sweet ako dahil mataray nga siya e. Hindi siya ‘yung showy sa akin pero alam ko naman kung paano niya ako mahalin. Ayaw niya na nakikipag-inuman ako sa mga kaibigan ko, gusto niya sa mga kaibigan niya lang. Magkakasama lang kami palagi. Bibihira siya sumama sa mga tropa namin, sa tropa ko, ‘yung mga lalaki, mga kaklase ko. Du’n lang kami lagi sa mga tropa niya, ganu’n lang,” pagkukuwento ni Anthony.

“Lagi ko siyang binibilhan ng rose kapag nagde-date kami. Noong wala pa kaming isang taon, every month, everyday kung maaari, pag may extra baon, para sweet ba. Kinikilig naman siya kahit hindi niya sabihin,” dagdag pa ni Anthony.

Noong una, tutol pa raw ang ina ni Jona na si Aling Picing sa pakikipagrelasyon ng anak kay Anthony.

“Nu’ng una ayaw ko kasing mag-boyfriend yan. 19 years old, college pa yan. Nalaman ko na lang du’n sa mga card, pinakita sa akin ng pamangkin ko, na 2nd monthsary na pala. Nagalit ako. E parang may ginagawa sila sa school, umaga na umuwi! Yumakap siya sa akin sabi niya, hindi naman Mama ako mag-aasawa. Sabi ko, ayoko pa't bata pa nga. Pumunta  at insinama si Anthony dito, may dalang bouquet of rose. Pagkatapos naman nu’n wala na, basta alam kong siya'y maligaya,” kuwento ng kaniyang ina.


Pinaglayo ng pangangailangan

Nang matapos ni Anthony ang kursong pagsi-seaman, dito na nagkaroon ng pagsubok ang kanilang relasyon. Taong 2013 nang kinailangang sumampa ni Anthony sa barko upang isakatuparan din ang kaniyang personal na pangarap.

“After lang ng anniversary namin nu’n. ‘Yun na siguro yung pinakamahirap na pinagdaanan namin sa relasyon namin nu’ng time na ‘yun dahil first time namin magkakalayo. Pero nag-work naman ‘yung relationship namin kahit malayo, talagang puro lang away, lambingan, tampuhan dahil ang layo namin kasi,” kuwento ni Anthony.

Ayon pa kay Anthony, ayaw pa raw siyang paalisin noong una ng kasintahan. Pero ipinaliwanag naman daw niya na para sa kinabukasan nilang dalawa ang gagawin niyang pagsasakripisyo. At naintindihan naman daw ito ni Jona.

Dahil kadalasang nasa ibang time zone ang mga lugar na pinupuntahan ni Anthony, pareho silang nag-a-adjust ng kani-kanilang oras para lamang makapag-usap. Kadalasan, si Jona raw ang laging napupuyat dahil limitado rin ang mga oras na nakakapag-online si Anthony.

Sa kabila ng kanilang pagkakalayo, palagi raw ipinadarama ni Anthony ang pagmamahal sa kasintahan.

“Lagi ko siyang sinasabihan na siya lang ‘yung mahal ko, ‘yung tiwala lang. Hindi naman kasi totoo ‘yung ‘pag nasa labas ang seaman, laging babae ang hanap. Ang laging hinahanap ngayon, internet na para makipag-communicate sa pamilya nila. Naiintindihan naman niya yun, alam naman niya, lagi naman kaming nasa barko lang. Lalabas lang kami, bibili nang konti, kakain, mag-a-unwind, magre-relax ng utak, then balik na ulit,” sabi ni Anthony.

Salamat na lang din sa tulong ng teknolohiya, halos araw-araw pa rin daw silang nagkakausap sa pamamagitan ng chat at instant messaging. At dahil dito, naiibsan ang pangungulila nila sa isa‘t isa.

Dagok sa pagmamahalan

Nalampasan man nila ang pagsubok ng pagkakalayo, isang panibagong dagok na naman ang dumating sa buhay nila.

Nakaraang taon nang makaramdam ng matinding pananakit ng tiyan si Jona. Sa unang beses na pagpapa-check up niya, gastroenteritis ang diagnosis sa kaniya. Pero sa muling pananakit ng kaniyang tiyan nitong August, muling bumalik sa doktor si Jona para magpa-check up. At dito na nga nakita ang cyst sa kaniyang ovary.

Umabot na raw sa 21 centimeters ang laki ng bukol ni Jona sa ovary at kinailangan na itong operahin. Nang mga panahon na iyon, nasa barko si Anthony.

“Siya lang ang nagpa-checkup nu’n mag-isa dahil matapang nga ‘yun e. Sabi niya, siya na lang daw mag-isa. Ayun, iyak siya nang iyak. Sabi niya, hindi niya daw alam ang gagawin niya, kung paano na daw kami. Sabi ko, ‘lakasan mo ang loob mo, kaya natin ‘yan.’ Tapos, tinulungan naman siya ng mga kaibigan namin.

“Napakahirap dahil hindi ko alam ang gagawin ko, hindi naman ako puwedeng umuwi basta-basta dahil malayo nga, dahil may kotrata kaming sinusunod. Malungkot na napakahirap talaga, pero kailangan kong mag-stay para financially masuportahan ko siya dahil mas kailangan niya ‘yun,” pagbabahagi ni Anthony.”


Munting hiling

Bago pa man namaalam si Jona, isa lang ang tanging hiling niya kay Anthony: ang mag-propose sa kaniya ang nobyo. Pero dahil na rin sa pagkakasakit ni Jona, nabago ang plano ni Anthony sa kaniyang proposal. Plano sana nilang magpakasal ngayong Enero.

“Ang ginawa ko na lang, hindi ko na lang sinabi sa kanya na pauwi ako nitong anniversary namin. Nagpasundo lang ako sa nanay at sa mga kapatid ko. Tapos sabi ko, huwag nilang sasabihin na uuwi ako. Tapos, pumunta ako sa bahay nila, nag-propose ako sa kanya. Nagulat siya (kung) ba't ako nandu’n. Akala niya nasa barko pa ako,” kuwento ni Anthony.

Isa sa mga litrato nina Anthony at Jona habang nakikipaglaban pa noon ang dalaga sa cancer.

Sa pagbabalik daw niya sa bansa, si Anthony raw lagi ang nag-aalaga kay Jona. Hanggang sa pagtulog, katabi raw niya ang dalaga. Palagi raw niyang ipinararamdam dito kung gaano niya kamahal ang kasintahan.

“Lagi lang sinasabi ko sa kanya na yung housing, bahay, o kahit anong panlabas na appearance, hindi ‘yun importante. Ang importante kung ano ‘yung nasa loob mo, dahil lagi niyang sinasabi ang pangit-pangit niya daw dahil kalbo na siya. Tapos, binilot ko ‘yung proposal ring namin sa isang papel,” pagbabahagi pa ni Anthony.

Samantala, bukod sa operasyon, kinailangan ding sumailalim ni Jona sa chemotherapy. Pero hindi ito naging sapat para bumuti ang kaniyang kalagayan. Bagkus, lalong humina ang pakiramdam ni Jona.

Nitong Disyembre 30, napagdesisyunan ni Anthony at ng buong pamilya ni Jona na iuwi na lamang siya sa bahay. Ito rin daw kasi ang gusto ni Jona.

“Mahirap, masakit sa akin, sobrang parang nadudurog yung ‘puso ko, ‘yung parang onti-onti siyang kinukuha, na wala na. Nagdadasal pa rin ako na sabi ko bigyan siya ng buhay, kahit ano gagawin namin, magpapakabait kami... mahirap, napakahirap,” paglalarawan pa ni Anthony.

Dinumog ang libing ni Jona ng mga kamag-anak at mga mahal niya sa buhay.

At nito ngang Disyembre 31, hindi na inabutan pa ni Jona ang pagpapalit ng taon at tuluyan na siyang pumanaw.

Si Anthony, sa kabila ng sakit ng pagkawala ng kaniyang minamahal, itutuloy pa rin daw niya ang mga pangarap na plinano nilang dalawa.

“Pipilitin kong bumangon, ituloy ‘yung mga pangarap ko, ‘yung mga pangarap namin dalawa. ‘Yung tumulong dun sa mga batang may sakit, lalo na yung mga may cancer - mga bata pa lang sila na-experience na nila yung ganu’ng hirap. Gusto ko ituloy ‘yun. Tapos, siguro mga ilang buwan magpapahinga lang ako. Magbabarko ulit ako para naman sa pangarap ko, para naman sa bagong buhay na haharapin ko para matulungan ko din ‘yung magulang ni Jona, pati ‘yung magulang ko. Alam ko naman hindi niya ako papabayaan, susuportahan niya ako gaya nang ginagawa niya sa akin lagi, ‘yun nga lang hindi kami nag-uusap, hindi ko siya nakikita,” ani Anthony.

At tulad ng iniwan niyang post sa kaniyang Facebook account, may mensahe ng pamamaalam si Anthony kay Jona.

“Tabs, mahal na mahal kita! Huwag mo akong isipin, pero alam ko lagi mo akong inaalala. ‘Yung mga bilin mo sa akin, pipilitin kong tuparin. Magpapakabuti akong tao. Pipilitin kong maabot ang pangarap ko, makatulong sa kapwa, magkaroon nang maayos na buhay. Araw-araw kitang dadalawin at mamahalin pa rin kita habambuhay. Hinding-hindi ka mawawala sa puso ko,” sabi pa ni Anthony.


Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.