Hit na hit sa tag-init na mga pasyalan, tampok sa ‘Kapuso Mo Jessica Soho’
Bago pumasok ang mga buwan ng tag-ulan, matagal-tagal din muna tayong ngingitian ni haring araw! Ito na nga ang hudyat ng simula ng summer vacation!
Masuwerte ang mga estudyanteng may break sa pag-aaral, pero kahit ang mga nagtatrabaho na ay tiyak ding makikisaya. Sa totoo lang, puno na ang weekends ng ilan para sa mga destinasyon na nais nilang puntahan.
Ngayong taon, ano-ano ba ang nasa travel bucket list mo?
Kung wala pa, huwag kang mataranta dahil heto ang apat na bagong pasyalan na puwede n’yong puntahan:
Hammock in the Sky

Sino ba naman ang hindi nag-enjoy sa pagduduyan noong bata? Halos makipag-agawan ka pa sa iyong mga kalaro para lang makasingit sa duyan.
Natagpuan ang isang bagong tourist attraction na tiyak na magbabalik sa iyong kabataan. Ito ang Hammock in the Sky na matatagpuan sa paanan ng Mt. Isarog sa Camarines Sur.

Talaga namang iduduyan ka ng Hammock in the Sky sa kagandahan ng kalikasan!
Tinipak Cave sa Tanay, Rizal

Isang bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre na may ikinukubling paraiso. Ito ang Tinipak Cave sa Tanay, Rizal.
Sa labas pa lang ng kweba, talaga namang mabibighani ka na sa naglalakihan at naggagandahang marble rock at limestone formation. At tila hindi ka maniniwala sa linaw ng tubig na talaga namang nakakahalina!

Tulad ng matandang kasabihan, huwag raw husgahan ang isang tao o bagay sa panlabas nitong kaanyuan. Pinatutunayan ito ng Tinipak na Cave na sa kabila ng kagandahang panlabas, nagtataglay ito ng mas maganda pang kalooban.

Sa loob nito ay may isang natural jacuzzi! Aba’y tiyak na sulit ang halos isang oras na paglalakad at pagte-trek! Ang presyo ng tour ay nagkakahalagang P500 kung day tour at P1,200 naman kung overnight.
Siguradong tanggal ang pagod at sulit ang mahabang lakad kapag lumublob ka na sa natural jacuzzi ng Tinipak Cave. Saan ka pa?
Quitinday Underground River sa Jovellar, Albay

Karamihan sa mga Pilipino ang nakakaalam ng Puerto Princesa Underground River dahil sa parangal na hinatid nito sa ating bansa ng mapabilang ito bilang isa sa pinakamagandang bahagi ng mundo.
Ngunit sadyang napakaraming taglay na yaman ng Pilipinas dahil may ipinagmamalaki din ang Jovellar, Albay na tulad nito—ang Quitinday Underground River!

Hindi man ito kasing haba ng Underground River sa Puerto Princesa, tiyak na mabubusog pa rin daw ang inyong paningin sa taglay nitong haba na 200 meters. Pati na rin sa naggagandahan nitong rock formations, mga paniki, at ang pinaka-aabangang mini falls sa dulo nito!
Sa mga panahong mahina ang agos ng tubig, puwede raw itong akyatin at magtampisaw!
Deer Farm sa Ocampo, Camarines Sur

Kung close encounter naman sa mga hayop ang nais ninyo, kumaripas na sa bayan ng Ocampo sa probinsya ng Camarines Sur. Makakasalamuha mo ang tinatayang 186 na mga deer or usa!
Ang pinakamagandang parte? Libre ang mamasyal dito! Halos 200 mga usa ang malayang nakagagala sa loob ng 26 ektarya ng lupa.
Taong 1998 pa nagsimula ang deer farm na ito sa CamSur at mga usa rito ay nagmula sa Australia at ibiniyahe gamit ang mga barko.
Noong nagsisimula pa lang ang farm na ito, may iba’t ibang uri ng mga usa ang matatagpuan dito tulad ng Chital, Fallow, Black Back Antilope, Red, Elk at Russa deer. Ngunit dahil sa pagkakaiba ng klima sa Bicol at Australia, tanging ang Russa deer na lamang ang matatagpuan dito.
Marahil ang dahilan dito ay dahil native sa South East Asia ang mga Russa deer. Meron itong malalaking mga tenga, pabilog na mata at mahabang buntot.
Kumpara rin sa ibang mga usa, mas makapal at mahaba ang balahibo nito.
Dinoble raw ang pag-iingat sa mga ito upang hindi na maulit ang mga insidente na may namatay na usa sa farm na ito.
Nakakamanghang isipin na sa tuwing sasapit ang tag-init, marami pa rin ang mga bagong pasyalan na ating nadidiskubre. Patunay lamang na sadyang nakapayaman at nakapaganda ng ating bansa pagdating sa natural tourist spots.
Kung kaya naman, mga Kapuso, pag-ingatan natin ang mga yamang ito sa pamamagitan nang hindi pagkakalat ng basura at pag-iwan sa mga lugar na ito gaya na lang kung paano natin ito dinatnan. ---Mamie Grace Clemente/BMS
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.