ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Smallest man alive: Isang lalaki sa Zamboanga Del Norte, 22-inches lang ang tangkad!

 


Jun Rey Balawig, ang kasalukuyang may hawak ng Guiness World Record bilang shortest man alive sa taas na 23.59 inches.

 

Taong 2011, idineklara ng Guinness World Records si Jun Rey Balawing ng Sindangan, Zamboanga del Norte bilang shortest man alive sa taas nitong 23.59 inches. Gayunpaman, nang sumunod na taon, nabawi ni Chandra Bahadur Dangi ng Nepal ang naturang titulo dahil 21.59 inches lang ang taas nito. Pero si Chandra, namatay, kaya si Jun Rey uli ang may hawak ng pagkilala.

Pero sa kalapit na barangay ni Jun Rey sa Zamboanga, may isang 15-anyos ang sinasabing maaaring makaagaw sa kaniya ngayon ng titulo bilang shortest man alive. Ang taas kasi nito, 22- inches lang. Siya si Jason Ansad. Siya na nga kaya ang bagong Shortest Man Alive?  At ano nga bang meron sa probinsyang ito at bakit nadadagdagan ang mga ganitong klase ng kaso?

Meet Jason

 

Jason Ansad, 22 inches. Siya na kaya ang pinakabagong Smallest Man Alive?

 

Sa bayan ng Sindangan, Zamboanga del Norte natagpuan ng team ng ‘Kapuso mo, Jessica Soho’ si Jason. Ang kaniyang laki, maihahambing sa isang apat na buwang gulang na sanggol kahit pa 15 taong gulang na raw ito! At nang sinukat ang kaniyang height, umabot lamang ito ng 22 inches!

Kuwento ng ina ni Jason na si Virginia, pangarap daw nila noong magkaanak na lalaki. Kaya naman labis ang kanyang kaligayahan nang kaniyang ipagbuntis si Jason. Normal naman daw ang kaniyang pagdadalang tao at ang pagsilang sa kaniyang unico hijo.

“Noong ipinagbubuntis ko siya, okay naman si Jason. Wala naman akong naging problema sa pre-natal at sa pag-immunize ko,” kuwento ni Nanay Virgie.

Kaya ikinagulat na lang niya noong pagtuntong ni Jason ng tatlong taon nang tila hindi na nadadagdagan ang timbang at taas ng bata.

“Pina-check-up namin siya sa doctor, ang sabi kulang raw siya sa growth factors. Pinabili kami ng capsules pero kulang na ang pera namin kaya hindi na kami nakabili,” kaniyang inilahad.

Ang tunay na kalagayan ni Jason

Halos 23 kilometro o mahigit isang oras pa ang layo ng pinakamalapit na ospital kina Jason.

Dahil na rin daw sa kahirapan, bibihira raw ipatingin ni Nanay Virgie ang kaniyang anak sa espesyalista.

Ayon kay Dr. Jerome Barrera, isang Endocrinologist, ang kondisyon ni Jason ay Dwarfism o isang metabolic at hormonal disorder na nagdudulot ng kakulangan ng growth hormones sa katawan.


Ang kaso ng dwarfism sa Zamboanga del Norte

Ngunit ang mas nakakagulat, dito lamang sa Zamboanga del Norte ay may naitalang 1,908 na kaso ng dwarfism, ayon na rin sa ginawang survey ng Municipal Health Office noong Enero hanggang March 2015.

 

Mayroon ring dwarfism si Allen, 27 anyos, mula sa Labason, Zamboanga del Norte.

 

Bukod kasi kay Jun Rey at Jason, nakilala rin ng ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’ si Allen. Ang kaniyang height, 38 inches lamang kahit na 27 anyos na ito! At kagaya nina Jun Rey at Jason, hirap din siyang magsalita. Hirap din siyang makalakad dahil maliit ang kaniyang mga binti.


Ayon kay Paolo Carpitanos, isang Health Officer, maaring malnutrition ang sanhi ng pagdami ng kaso ng Dwarfism sa kanilang lugar.

“Puwede po kasi na hormonal ito, then kulang ng iodine ‘yung bata kasi ‘yung iodine naman talaga ang kailangan para tumangkad ang isang bata,” aniya.

Aminado siya na sadyang hindi sapat ang budget ng kanilang pamahalaan para tugunan ang problema ng malnutrition sa kanilang lugar.

Isa kasi ang Zamboanga del Norte sa mga pinakamahirap na probinsya sa buong bansa kung saan tinatayang mayroong 64.6% poverty incidence rate ayon sa National Statistical Coordination Board o NSCB.

“Konti ang budget para sa nutrition kasi magfi-feeding ka pa tapos ‘yung sustainability pa, magbibigay ka ng mga livelihood program sana sa mga mahirap. Then ‘yung priority sana ‘yung mga malnourished children. Kaso, medyo kaunti lang talaga ‘yung budget namin,” giit ni Carpitanos.

Bagamat hindi pa malinaw kung paano mapipigilan ang pagdami ng kaso ng dwarfism sa Zamboanga del Norte, mapukaw sana ang atensyon ng pamahalaan na ang mga kagaya nila Jun Rey, Jayson at Allen ay kumakatawan sa malalaking problema sa kalusugan na dapat tugunan. -- Kimberlie Refuerzo/ BMS, GMA Public Affairs

Mapapanood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs Program, sundan ang GMA Public Affairs.

Tags: pr