ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Ready, Set, Go: Mga patok na adventure ngayong summer


Umaabot hanggang limang metro ang kayang iangat ng flying hoverboard.

Kasabay ng pagdating ng tag-init ay ang pagsulpot ng samu’t saring must-try activities mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na talaga namang papawi sa stress ng bawat isa.

Nasubukan mo na ang lahat? Naghahanap ng bago at mas exciting?

Sabay-sabay nating bisitahin ang tatlo sa mga pinakamagagandang probinsiya sa bansa at subukan ang ipinagmamalaki nilang tourist attractions na magbibigay ng kakaibang summer experience kanino man.

Maaaring kontrolin ang direksyon ng flying hoverboard

Flying hoverboard

Bukod sa makapigil-hiningang beach at resorts na matatagpuan sa Subic, nag-level up din ang mga pakulong handog nito para sa mga turistang nagnanais makaranas ng mas kapanapanabik na aktibidad ngayong summer.

Ang in na in na hoverboard ba kamo? Mayroon sila niyan! Ang mas matindi rito, lumilipad ito ng hanggang limang metro pataas.

Ito ay hango sa konsepto ng flyboarding at surfing na pinasimulan ng negosyante at adventure junkie na si BJ Ang.

Umaangat ang naturang hoverboard sa pamamagitan ng 18 metrong hose na nakakabit sa jetski na mayroong 250 horsepower depende sa bigat ng sasakay. Ito ay maaring kontrolin ng sino mang gumagamit nito patungo sa direksyong kaniyang naisin.

Para matiyak ang kaligtasan, tinuturuan muna ng basic techniques at safety measures ang sino mang susubok nito sabay susuotan ng life jacket. Sa una lang umano mahirap ang paggamit nito ngunit sa oras na makasanayan ay hahanap-hanapin at uulit-ulitin ang pagsakay rito. Sa presyong Php 4500, maaari na itong masubukan!

Bukod sa flying hoverboard ay sikat din dito ang jetovator. Ito ay parang ordinaryong jetski lamang sa unang tingin pero lumilipad din. Mayroon itong dalawang manibela para sa mas maayos na pagkontrol sa direksyon. Gayunpaman, may edad 18 pataas lamang ang maaaring sumubok ng kakaibang rides na ito para umano masigurong ligtas ang sasakay.

Sakay ng zipline, matutunghayan ang mala-paraisong ganda ng Occidental Mindoro.
Perfect for selfie ang view mula sa zipline.

Island to island
       
Gusto mo bang mag-ala Superman-- maramdaman ang malakas na pagdampi ng hangin sa mukha habang binabagtas ang tinatayang 1.4 kilometrong distansiya mula sa isang isla patungo sa isa?
        
Kung gayon, ang Sablayan zipline ng Occidental Mindoro ang hinahanap mo!
        
Itinuturing ito bilang isa sa mga pinakamalaking zipline sa buong kapuluuan. Sa haba nga ng flying experience na aabot ng 4-5 minuto,  kinukuhanan muna ito ng blood pressure at saka kinakabitan ng safety harness at helmet para masiguro ang kaligtasan bago umakyat sa tower na may taas na 20 ft.
        
Hindi biro ang pagsakay sa isang zipline na nagdurugtong sa Pandan Island at Pandan Pequeno island— matinding lakas ng loob at tatag ng dibdib ang kailangan. Ngunit isa ang tiyak na sulit, ang magandang tanawin at preskong hangin na makikita at mararanasan lamang sa pagsakay rito.

Makapigil-hininga ang underwater experience sa Juag Lagoon Maritime Sanctuary kasama ang mahigit 2000 isda.

Under the sea
       
Buhanging mala-pulbos sa puti at pino na maaring ihalintulad sa Boracay at Palawan, malinaw na tubig, preskong hangin, at luntiang paligid.
       
Bagama’t bantog ang Sorsogon sa magagandang beach, mayroon pang matatagpuan dito na tiyak babalik-balikan tuwing tag-init— Subic Beach sa bayan ng Matnog kung saan puwedeng sumisid kasama ang ilang lamang dagat tulad ng clownfish.
       
Ngunit ang pinaka-ipinagmamalaking lugar dito ay ang Juag Lagoon Marine Sanctuary na nagbibigay ng pinakarelaxing summer experience sa pamamagitang ng paglangoy kasama ang 40 species ng isda na tinatayang aabot sa 2000 lahat-lahat.
        
Ito ay pagmamay-ari ni Alex Geneblazo na minsan lang nahilig sa pangingisda at pag-aalalaga sa mga isda nang mapagdesisyunang gawin isang fish sanctuary ang lugar. Para mapanatili ang buhay at pagdami ng mga isda rito, sa kanila mismo nanggagaling ang mga feeds na ipinapakain  ng mga turista sa mga ito. Mahigpit din nilang ipinagbabawal ang pagggamit ng sunblock at ang pag-ihi sa ilalim ng tubig para mapanatili ang likas na ganda at katiwasayan ng sanktwaryo.

Sa laki ng Pilipinas, hindi kataka-taka na sa maraming sulok nito ay naglipana ang libo-libong lugar bakasyunan na puwedeng bisitahin at pasyalan. Tiyak ay hindi rin mauubusan ang mga turista ng pagpipiliang aktibidad na maaaring “extreme” sa unang tingin pero siguradong masaya at exciting. Sabi nga nila, you only live once. Subukan ang mga ito hangga’t pwede, hangga’t kaya—  mangolekta ng magagandang alaala na kaysarap balik-balikan kailanman. ---Jules Garcia/BMS, Public Affairs

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs