Inang may dementia, nakapiling muli ang mga anak matapos ang 40 taong pagkawalay
_2016_04_17_12_38_16.jpg)
Sa kaniyang tumba-tumba araw-araw na lumalagi si Nanay Consolacion, 81 anyos.
Madalas nakayuko at walang imik. Dahil na rin sa kaniyang dementia, hirap na siyang makaalala at makakilala. Ngunit sadyang may mga bagay na hindi kayang limutin gaano man katagal ang panahon. Para sa kaniya, ito ang kaniyang mga anak na nawalay sa kaniyang piling.
Ang panganay na si Sally mula sa Amerika
Akala ng marami, basta’t nakatapak na sa “Land of the Free,” wala ka nang mahihiling pa.
Pero para kay Sally, na ilang taon nang maayos na nanirahan sa Amerika, araw-araw pa rin niyang hinahanap-hanap ang kaniyang ina at tatlong kapatid na naiwan dito sa Pilipinas. Paano ba naman kasi, taong 1975 pa niya huling nakita ang pamilya.
“Every year, for 40 years, I miss my family. For 40 years, I can't believe, just one mistake caused me 40 years of not seeing them,” maiyak-iyak niyang kinuwento sa “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
15 taong-gulang lang daw si Sally nang nakipagsapalaran siya sa Amerika. Dito na siya nanirahan at kinalaunan ay nakapag-asawa. Pero ang kaniyang naging mister, inilayo siya sa kaniyang pamilya sa Pilipinas.
“40 years na yata ‘yun na nawalan kami ng contact dahil ‘yung ex-husband ko hindi binigay ‘yung mga letter ko na galing sa Pilipinas. So nawala ang mga contact ko sa mga pamilya ko,” kaniyang paglalahad.
Pero nang pumanaw ang kaniyang asawa, nagdesisyon si Sally na balang araw, babalik siya sa Pilipinas para hanapin ang kaniyang mga kadugo.
“I will hug my mom. I'll put my head on her chest and I would tell her I love her, and I will take care of her for the rest of our lives,” sabi niya.
Si Jun mula sa Samar
Sa Samar naman naninirahan ang isa sa mga anak ni Nanay Consolacion na si Jun.
Ayon sa kaniya, bata pa lang daw sila noon nang nagkaroon ng matinding ‘di pagkakaunawaan ang kanilang mga magulang. Ito raw ang naging sanhi ng kanilang pagkahiwa-hiwalay.
“Iyong tatay ko at nanay, naghiwalay daw yata. Dinala sa Maynila ni Lola Ami iyong nanay ko at saka si Ate Sally at Ate Juliet. Ako naman, dinala ako sa Leyte. 5 months old pa lang ako noon nang sinakay ako sa barko,” kaniyang kuwento.
Siyam na taong gulang pa lang daw siya nang huli niyang nakita ang kaniyang mga kapatid.
At kagaya ng kaniyang Ate Sally, walang araw na hindi niya hinanap-hanap ang kaniyang mga supling.
Si Boyet mula sa Novaliches
Dito naman sa Novaliches nakatira ang isa pang anak ni Nanay Consolacion na si Boyet. Napahiwalay naman siya sa kaniyang pamilya dahil siya ay kinuha ng kanilang ama.
“Akala ng tatay ko na kapag nakuha niya ako, ang nanay ko sasama pa rin sa kaniya. Eh ayaw nga ng nanay ko kasi dalawa na nga ang magiging asawa [ni Tatay] kapag ganon ang nangyari. Tapos ang nagpalaki sa akin ‘yung stepmother ko, ‘yun ang nakagisnan kong ina.”
Ayon kay Boyet, sariwa pa raw sa kaniyang ala-ala ang mga panahong kapiling pa niya ang kaniyang tunay na pamilya.
Si Juliet, ang naiwan kay Nanay Consolacion
Si Juliet naman, sa Angeles, Pampanga, na naninirahan kasama ni Nanay Consolacion. Siya na ang nagsisilbing tagapangalaga ng kanilang ina. Madalas raw niyang padalhan ng liham ang kanilang nakatatandang kapatid na si Sally, ngunit ni minsan, hindi ito nakatanggap ng kahit anong sagot mula sa kaniya.
“Nag-try akong sumulat sa kaniya. Hindi ko alam kung busy or lumipat na siya ng ibang lugar sa Amerika dahil nagre-return to sender yung mga letters ko,” kaniyang paglalahad.
Aminado siya na mayroon siyang kaunting hinanakit sa kaniyang ate. Lumaki kasing malapit ang dalawa sa isa’t isa. Ngunit nang lumipad na ito patungong Amerika, pakiramdam niya ay tila inabandona na sila ng kaniyang ate.
“Siyempre minsan naisip ko na parang naiinis din ako kasi parang tinalikuran niya kami. Hindi ko siya naiintindihan na mahirap din ang buhay doon kasi bata pa rin ako noon,” ani Juliet.
Ang kanilang muling pagkikita
_2016_04_17_12_39_06.jpg)
Inilapit ng isang kaibigan ni Sally sa Facebook ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang sitwasyon ng magpapamilya sa pag-asang matutulungan ng programa ang nangungulilang puso ng kaibigan.
Dahil wala nang humahadlang sa kaniya, nagpasiya na rin nito lamang Abril si Sally na umuwi sa Pilipinas para hanapin ang kaniyang buong pamilya.
Nito namang Martes, matapos ang apat na dekadang pagkakawalay, pinalipad ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” sa Maynila si Jun para mag-reunion ang apat na magkakaptid.
Noong una ay nagpakiramdaman pa ang apat. Mistulang naghalong kaba at ligaya ang isinisigaw ng kanilang mga puso. Sa mga sandaling iyon, tila walang salita ang makakapaglarawan sa nararamdaman ng apat.
Tanging ang mga ngiti na lamang sa kanilang mga labi at luha sa kanilang mga mata ang siyang nagsabi ng kanilang mga saloobin.
Siyempre ‘yung puso ko masaya. Parang feeling mo nasa heaven ka na kahit hindi ka naman bagay doon,” pagbibiro ni Jun.
Nagkuwentuhan, nag-asaran at sabay-sabay nilang binalikan ang mga ala-ala noong sila ay mga paslit pa lamang na para bang ang lahat ng ito ay kahapon lamang naganap. Tila hindi lumipas ang apat na dekada noong sa wakas ay nagsama-sama na rin ang apat.
“Na-sorpresa talaga ako” matipid na kuwento ni Boyet sa amin. Sa katunayan, hindi pa rin daw siya makapaniwala sa mga nangyayari.
Tunay ngang walang pagsisidlan ng ligaya ang bawat isa. Lahat ng ito, gabi-gabi raw pinagdadasal na mangyari ni Sally.
“My heart is overjoyed. I'm overwhelmed really. I have never felt so content like this,” pagkukuwento ni Sally.
Tila nawala naman raw lahat ng pait na nararamdaman ni Juliet. Lahat ng ito ay pinalitan ng pasasalamat sa Diyos nang magkita-kita silang apat.
“Hindi pa rin nagsi-sink in sa akin. Wala akong masabi basta “Thank you, God!””
Sino ba naman ang mag-aakala na sa kaniyang edad na 81, makikita pa ni Nanay Consolacion ang kaniyang apat na anak?
Ni sa panaginip raw ay walang nakaisip na ito ay mangyayari pa. Kaya sa araw mismo ng kaniyang ika-82 na kaarawan, sina Sally, Jun, Boyet at Juliet, sinorpresa ang kanilang ina!

Noong una, wala pang kahit anong reaksyon si Nanay Consolacion. Tila hindi niya na namumukhaan ang mga taong nasa harap niya.
Para sa kaniya, mistulang mga estranghero ang mga bagong mukhang nasa kaniyang tahanan .
Bagamat nakalimutan ng ng kaniyang isipan, hindi maaaring mabura sa puso ang pagmamahal ng isang ina. Kaya naman nang isa-isa nang ipinakilala ni Juliet ang kaniyang mga kapatid, dito na bumuhos ang luha na tila naipon sa 40 taong nagdaan.
Mahigpit niyang yinakap ang kaniyang mga anak na tila ba ay wala nang bukas. Sa kabila kasi ng pagkakaroon ng dementia, nanatiling may puwang sa kaniyang puso sina Sally, Jun, Boyet at Juliet. At wala raw kahit ano mang sakit ang makakanakaw ng pagmamahal na mayroon siya para sa apat.
“Wala akong ibang minahal kundi ang aking mga anak kasi pinaghirapan ko sila,” maiyak-iyak na ibinahagi ni Nanay Consolacion.
Sa kabila ng distansya at panahon, tunay ngang ang isa sa pinakadakilang pag-ibig ang pag-ibig ng isang ina. At wala na sigurong higit pang magpapasaya sa kanila kundi makita ang kanilang mga anak na maligaya-- Kimberlie Refuerzo/ BMS
Mapapanood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs Program, sundan ang GMA Public Affairs.