ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Ang mga tuwa at lungkot na hatid ng gintong medalya


Isa ang pamilya ni Jollimae sa mga naghihirap sa Brgy. Mt. Diwata sa Mt. Diwalwal, Compostela Valley. Karamihan sa kanila ay umaasa sa pagmimina ng ginto.

Bumili ng bigas si Almira Blaza at tsaka niya ito hinaluan ng toyo at mantika. Ganito raw kadalasan ang kinakain ng buong pamilya nila sa Brgy. Mt. Diwata sa Mt. Diwalwal, Compostela Valley. Mabigat man daw sa loob niya na ganito lang ang kaya niyang ihain, wala naman daw siyang ibang magawa. Kaya nga kadalasan daw ay hindi niya sinasabayan ang pamilya niya na kumain.

Dagdag pa ng asawa ni Almira na si Melven, madalas mag-request ng fried chicken ang mga bata. Pinagsasabihan na lang daw niya ang mga anak na wala silang pera pambili nito kaya magtitiis muna sila sa toyo at mantika.

Hindi ito madaling tanggapin para kay Jollimae, isa sa mga anak nila. Madalas daw ay naiiyak na lang siya kapag wala nang makain. “Pumupunta po ako ng CR para umiyak po; kunwari magsi-CR po ako pero hindi naman po--umiiyak lang po ako.”

Madalas ay toyo at mantika lang daw ang ulam ng pamilya ni Jollimae. Dahil sa kahirapan ay mas lalo siyang nagpupursigi sa pag-aaral.

Isa ang pamilya ni Jollimae sa mga naghihirap sa Diwalwal, kung saan 85% sa mga residente ay umaasa sa kita mula sa pagmimina. Limang porsyento pa sa bilang na ito ay mga menor de edad. Pero ang nakatutuwa, bagama’t maraming bata ang nagmimina rito para tulungan ang kani-kanilang mga pamilya, ay nagagawa pa rin nilang unahin ang kanilang pag-aaral.

Si Jollimae at ang gintong medalya

Kuwento ni Jollimae, naranasan niya na raw ang pumasok sa eskuwelahan nang walang baon. Pero hindi raw ito naging dahilan para hindi na siya magpursigi sa pag-aaral. Dagdag pa niya, kailanman ay hindi niya raw ginusto na magpaliban ng klase!

Patunay ng katalinuhan at kasipagan ni Jollimae ang mga medalyang ito.

Marami nang medalya si Jollimae. Pero madadagdagan pa ito dahil siya ang valedictorian sa kaniyang batch. At ang medalyang kaniyang matatanggap--gawa sa purong ginto!

Ang isang gintong medalya na natatanggap ng mga nagsisipagtapos ng may honors sa Brgy. Mt. Diwata sa Mt. Diwalwal ay may bigat na 15 grams.

Ayon kay Lito Adlawan, isang iskulptor sa Diwalwal, ang pera raw na ginagamit para makabuo ng gintong medalya ay galing mula sa kontribusyon ng mga tunnel operator, bull mill operator at mga mamamayan. “Nag-aambagan sila upang makapagbigay din po ng gintong medalya sa mga valedictorian namin sa Mt. Diwata.”

Labindalawang taon na raw na gumagawa ng gold medal ang iskulptor na si Lito Adlawan. Ang bawat piraso ay hindi basta-basta dahil simbulo ito ng pagtutulungan ng mga taga-Mt. Diwalwal.

“Tutal, [dito sa] barangay natin [ay] gold ‘yung hanapbuhay ng mga tao, totohanin na lang natin; ibigay na lang natin ‘yung talagang gold at hindi na ‘yung tanso,” paliwanag ng kapitan ng barangay na si Pedro Samillano. 2002 pa raw nagsimula ang tradisyong pamimigay ng gintong medalya na may 15 gramong bigat sa mga batang nangunguna sa kanilang batch.

Hindi pinipigilan ni Jollimae ang sarili na mangarap sa kabila ng kahirapan. “Palagi kong sinasabi sa mga kaklase ko, ‘Someday, magkikita tayo tapos astronaut na ako. Pero sinasabi nila na malabo raw ‘yun mangyari. Sabi ko naman na walang masamang mangarap; libre lang naman po.”

Matalinong bata si Jollimae. Sa katunayan, nagpapaturo pa nga raw sa kaniya ang kaniyang stepfather kung paano magbasa “para makaboto ako,” ang sabi ni Melven. “Pag-asa namin ‘yung kay Jollimae. Sinasabi ko sa kaniya na kahit mahirap ang buhay, mag-eskuwela lang… para kung ano man ‘yung pangarap niya, maabot niya.”

Ang Pamilya Calunia at ang hamon ng gold medal

Ang unang nakatanggap ng gintong medalya rito ay si Rovec June Calunia noong 2002. Mula Grade 1 hanggang Grade 6 daw ay nakatanggap siya nito. Ang kapatid naman niyang si Rovec Jade, nakatanggap din ng gintong medalya noong 2007.

Si Rovec June ang unang nakatanggap ng gintong medalya sa Mt. Diwalwal, noong 2002.

Kung tutuusin, marami na nga talaga sana silang ginto na maituturing na kayamanan ng pamilya. Pero ang nakalulungkot, ang karamihan sa mga ito ay naisasangla lang sa mga panahong kailangan nila ng pera. Ang sampung medalyang natanggap ng magkapatid na Calunia ay naisangla sa halagang P7,000 hanggang P10,000 kada medalya.

Bagama’t pito sa mga ito ay naremata na, aminado si Rovec June na nagtampo raw siya sa nanay niya dahil ang mga medalyang isinangla ay katunayan nga naman ng kaniyang pagsusumikap sa eskuwelahan.

Excited na raw si Jollimae na matanggap ang kaniyang gintong medalya. Pero kinakabahan din siya dahil alam niyang may posibilidad na maisangla lamang ito.

Nang makapanayam si Jollimae ilang araw bago ang kaniyang graduation, sinabi niyang excited na siyang matanggap ang kaniyang gintong medalya. Subalit, pinag-iisipan na rin niya ngayon kung isasangla ba niya ito. Alam niya kasi na kailangan ng pamilya niya ng pera. “Pero kung ako po ang masusunod, hindi ko po talaga isasangla kasi remembrance ‘yun eh,” sabi niya. “Kaya once na matanggap na namin ‘yung medalya, pipicture-an ko po talaga para po kahit mawala ‘yun, nandoon pa rin sa cellphone.”

Para sa valedictorian ng CASA Amazing Grace School na si CJ Arco, ang isang medalya--ginto man o tanso--ay simbulo ng pagsusumikap sa klase.

Maging ang gold medal ng valedictorian ng CASA Amazing Grace School na si Christian Jay Arco o CJ, nanganganib ding maisangla dahil sa hirap ng buhay. Nang tanungin kung ano ang plano niyang gawin dito, sabi niya, “Ilalaan po ‘pag nag-college na tsaka [para kapag] nagka-emergency, may isasangla. Pero sa ngayon, hindi muna.”

Paalam, ginto

Noong araw ng graduation ni Jollimae mula sa Mt. Diwata Elementary School, bakas sa mga mukha ng kaniyang mga magulang ang pagkakagalak sa natanggap na parangal ng anak. Abot-langit din ang ngiti ni Jollimae. Pero ang hindi niya alam, ilang minuto niya lang pala masusuot ang medalyang ito.

Sabay na tinanggap ni Jollimae at ng kaniyang ina na si Almira ang gintong medalya.

Noong araw na ‘yun kasi ay wala raw pang-ulam ang pamilya. Kaya naman kinausap nina Melven at Almira si Jollimae at sinabing isasangla na nila ang medalya. Tumango si Jollimae na para bang wala na siyang magagawa. Kinuha na lang niya ang cellphone niya at kinunan ng picture ang kaniyang gold medal.

Kinagabihan, fried chicken ang ulam ng buong pamilya. Naisangla na ni Almira ang medalya sa halagang P5,000.

 

Ang gintong medalya ay inaasam ng isang bata dahil alam niyang isa itong pagkilala sa kaniyang husay sa pag-aaral. Pero karamihan sa mga magulang ng mga batang nakatatanggap nito, iba ang nakikita sa medalyang ito.

Bagama’t nawala na sa leeg ni Jollimae ang gintong medalya, tuloy pa rin ang kaniyang mga pangarap. “Sa mga bata pong nawawalan ng gana sa pag-aaral, ‘wag po kayong hihinto. Mahirap kapag hindi ka mag-aaral. Mahirap na nga kayo, mas lalo pa kayong hihirap,” sabi niya. “At tsaka ‘wag po kayong susuko kasi kapag nakapag-aral kayo, makakamtam ninyo rin ‘yung ginhawa.” --Juju Z. Baluyot/BMS, GMA Public Affairs