Pagtatapos sa kolehiyo ng isang dalaga, utang sa pagtitinda ng siomai at hamburger ng ama

Umulan man o umaraw, tuloy ang pagpadyak. Ikot dito, ikot doon.
Kahit araw-araw niya itong ginagawa at halos iisa lang din ang kaniyang ibinebenta, hindi niya ito alintana alang-alang sa pamilya. Alok dito. Alok doon.
Saksi ang mahahabang kalsada, ang mga taong araw-araw niyang nakakadaupang-palad. Saksi ang mataas na tirik ng araw, ang malakas na bugso ng ulan. Ang mga batang nakakasalubong niya galing eskuwela, maging mga hayop na araw-araw siyang nakikita. Saksi higit ang kaniyang mga anak, ang kaniyang asawa, mga kapitbahay, at mga kaibigan sa hindi matatawaran niyang pagsusumikap para sa inaasam-asam na diploma at magandang kinabukasan para sa mga anak.
Siya si Arnold Ramos, ang lalaki sa likod ng bukas na liham ni Love Ramos na kumalat kamakailan sa isang sikat na social networking site at umantig sa mahigit 78,000 taong nag-like ng naturang katha.

Si Mang Arnold ay nakilala sa kanilang lugar sa Muntinlupa sa tawag na ‘Kayo-kayo’ dahil sa tuwing mag-aalok ng kaniyang mga paninda sa mga residente rito , ang palagi niya raw sambit ay “Oh kayo diyan, kayo diyan.”
Ngunit sa mas malalim na pagkakakilanlan, si ‘Kayo-kayo’ ng Muntinlupa ay isang ring mabuti at mapagmahal na ama. “He is the mainitin ulo yet malambing na papa,” paglalarawan ni Love.
Handa siyang gawin ang lahat mabigyan lang ng maganda at komportableng buhay ang kaniyang pamilya. Bagama’t lingid sa kaalaman ng iba, mayroon pang dalawang anak sa ibang babae si Mang Arnold. Gayunpaman, nagagawa pa rin niyang maging isang responsableng ama na nagtataguyod ng mabuting ehemplo sa kanilang mga anak niya.

“He is the first man in my life, my first love and is willing to comfort me lalo na nung first heartbreak ko. He is a man of dignity na nagturo sakin ng prinsipyo na ‘kapag nasa tama ka, dapat ipaglaban mo’."

Siomai at hamburger
“16 years din siyang nagtiyaga sa paglalako ng hamburger at siomai simula Tunasan hanggang Poblacion minsan hanggang Putatan,” paglalahad ni Love Ramos sa kaniyang Facebook status noong April 23 bilang pagpupugay sa kaniyang ama na isa sa mga naging susi sa kaniyang pagtatapos sa pag-aaral. “And I am proud to tell the whole world that this is the man behind my success.”
Sa kaniyang bukas na liham, pinapurihan niya ang walang kapantay na dedikasyon ng ama na sa kabila ng pagod at kahirapan ay patuloy na nagsusumikap maitawid lamang ang kaniyang tuition fee, baon at pang-araw-araw na mga pangangailangan.
“He is the man who works 24/7, umulan man o umaraw para lang makapagbenta ng madami at hindi uuwing hindi ubos ang paninda.”
Ang puso ni Love hindi rin mauubusan ng pasasalamat sa kaniyang ina na si Ma. Shirley Soliva na nagsilbing katuwang ng kaniyang ama sa pagtataguyod sa kanila sa pinakasimpleng paraan na kaya at alam nila. Siya lang naman ang babae sa likod ng mga pagkaing ibinebenta ng kaniyang asawa. Sariling recipe niya ang mga hamburger at siomai na inilalako nito sa maraming kalsada sa Muntinlupa.
Pinakaaasam na diploma
Dahil sa pagtutulungan nilang mag-anak sa pangunguna ng haligi ng kanilang tahanan na si Mang Arnold, nakapagtapos na rin sa kolehiyo si Love sa kursong Tourism at ginawaran pa ng Honorable Mention dahil sa natatangi nitong sipag at husay sa eskuwela na siya ring nagbukas ng pinto para sa maraming scholarship para sa kaniya. Hindi naging madali ang kanilang paglalakbay ngunit sa kanilang pagtutulungan, ang mga akala nila’y imposible, maaari palang mangyari.
Nakatakda nang magsimula sa trabaho si Love bilang Ticketing Officer sa isang bigating airlines sa bansa. “This is just the beginning! Mama at Papa, natupad ko na po yung unang pangako ko sa inyo na ga-graduate ako. Isusunod na natin yung bahay at pagta-travel,” pangako ni Love.

Saksi ang kaniyang bisikleta at ang kaniyang mga paninda. Ang kaniyang tsinelas na paulit-ulit napupudpod at mga damit na madalas magamit. Kayod dito, Kayod doon.
Ang kaniyang pagmamahal para sa kaniyang pamilya kailanma’y hindi matatapos. Kakayod hangga’t kaya, hangga’t kailangan, isang matibay na patunay na ang mga magulang handang gawin ang lahat-- kahit gaano kahirap, kahit gaano katagal-- para sa kanilang mga anak at mahal sa buhay. --Jules Garcia/BMS, GMA Public Affairs
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.