ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Higit pa sa Maharlika: Pilipinang naging parte ng Royal Family


 

Bagong kasal pa lang si Noemi Andres noong 1989 nang magdesisyon siyang mamasukan sa Saudi Arabia.

Tulad ng ibang OFW o Overseas Filipino Worker, kahirapan ang naging dahilan kung bakit kinailangan niyang mangibang bansa. Balot man ng kaba ang kaniyang dibdib, agad itong napawi nang malaman niyang sa isang ‘royal family’ pala siya mamamasukan.

Naging ‘nanny’ o tagapag-alaga si Noemi ng noo’y apat na taong gulang na si Prinsesa Nouf, bunsong anak ng pamilya Almou-ammar. Noong una, ilag pa raw ang alaga kay Noemi, pero inamo niya ang prinsesa sa pamamagitan ng laro kaya hindi nagtagal, naging komportable rin ito sa kaniya.

Dahil bagong kasal lang si Noemi noong umalis sa Pilipinas, kulang ang mga papeles niya kaya single pa rin daw siyang maituturing at bawal magbuntis. Ang problema, bago pa man umalis si Noemi ng Pilipinas, nagdadalantao na pala siya.

Nang hindi na niya maitago ang dinadala, agad siyang umamin sa kaniyang among babae. Imbes na isuplong sa mga awtoridad ay tinulungan pa siya ng mga itong makauwi nang ligtas.

Buhay ni Noemi kasama ang Royal Family

Dalawang buwan mula nang siya’y makapanganak, bumalik muli si Noemi sa Saudi Arabia. Higit na naging mas malapit ang relasyon nila ng alagang prinsesa na ngayo’y ‘dada’ na ang tawag sa kaniya.

Dumating pa umano sa puntong tila nabaliktad ang sitwasyon at pinagtatakpan siya ng alaga para hindi mapagalitan kapag may mga gamit o laruan silang nawawala.

“Kapag nararamdaman niyang masisita ako, tatakbo agad sa akin ‘yun tapos iko-comfort kaagad ako at bubulong pa ng sorry. At saka nasanay na rin ‘yun nang tingin ko lang, alam niya na may ginagawa na siyang mali, hihinto na ‘yun,” kuwento ni Noemi.

Pangalawang ina man daw ang turing ni Prinsesa Nouf kay Noemi, hindi pa rin nito mapigilan ang pangungulilang nadarama niya sa naiwang pamilya sa Pilipinas. Kaya naman hindi nagtagal, nagdesisyon na siyang umuwi ng Pilipinas oras na matapos ang kaniyang kontrata.

Nang siya’y magpaalam, nasorpresa si Noemi sa naging tugon ng pamilya ni Prinsesa Nouf --- imbes na pauwiin siya ay sila na mismo ang nagdala sa asawa nitong si Bong sa Saudi kung saan itinuloy nito ang pagiging arkitekto.

Ang nag-iisa nilang anak, nasundan pa ng dalawa na pare-parehong sa Saudi na nila pinalaki at pinag-aral. Lahat sila, itinuring nang parang kapatid ni Prinsesa Nouf.

“Si Nouf pa nga ang nag-aalaga run sa pangalawa ko. Minsang namasyal kami sa Egypt, may nagtanong sino daw yung baby na Pilipino na kasama nila, tapos sabi ng amo kong lalaki, anak ng nanny ni Nouf, kaya siya (Nouf) naman ang nag-aalaga riyan,” natatawang bahagi ni Noemi.

Naging masaya man at masagana ang pamumuhay nina Noemi sa Saudi, iba pa rin daw ang pakiramdam kung palalakihin niya ang kanilang mga anak sa sariling bayan.

Kaya naman noong 2013, makalipas ang 14 na taong pagseserbisyo sa pamilya ni Prinsesa Nouf, muli silang bumalik sa Pilipinas.

Mahirap man, ayaw na rin umano ni Noemi na maging malungkot ang pagpapaalam niya kay Prinsesa Nouf kaya itinaon niyang nasa Switzerland ito nang sila’y umalis.

 


Malayo man, malapit din

Sa kanilang pagbabalik, nakapagpatayo ang mag-asawang Bong at Noemi ng sarili nilang bahay at resthouse; nakapagpundar din sila ng mga sasakyan at sariling negosyong parlor at punerarya.

Batid ni Noemi na ang ginhawang tinatamasa niya ay bunga ng kabutihan ng Pamilya Almou-ammar. Masaya rin siya na kahit sa kabila ng hindi maayos na paghihiwalay nila ng alagang prinsesa, hindi raw ito nakalimot.

“Pinagawa niya ako ng whatsapp ba ‘yun? Para anytime makapag-usap kami. Basta every birthday, Christmas, siya talaga ‘yung tumatawag pero pagka ano, chat-chat lang or tatawag yan, kahit anong oras.”

Sa kabila ng tagal ng panahon na hindi sila nagkita, isang text lang daw niya na nagsasabing miss na niya ito ay agad na tumatawag ang Prinsesa para mangumusta.

Nang ikakasal na ang anak ni Noemi na katukayo ng Prinsesa, agad din daw itong naghandang lumipad dito sa Pilipinas.

“Mahal na mahal niya ‘yun eh. Bad timing nga raw ang kasal ni Nouf pero talagang gagawa siya ng paraan para makapunta,” sabi ni Noemi.

Sa bawat pasasalamat ni Noemi kay Prinsesa Nouf, ang lagi umano nitong sagot ay “Don’t thank me instead thank yourself, cause if not for you, I wouldn’t be like this. You molded me, you raised me, you made me. Thank you, you’re not only my nanny but my friend and my mom.”

Bago ito umuwi, nangako si Prinsesa Nouf na muling babalik sa Pilipinas o papupuntahin ang kaniyang ‘dada’ sa Saudi para magbakasyon. Ang hiling lang ni Noemi --- hindi magbago ang puso ng alaga. At sa bawat ‘I love you’ na bitawan niya rito, ay patuloy na ‘I love you more, I love you endlessly,’ ang maging sagot nito. ---- Sarah Jean Sarte/ARP, GMA Public Affairs


Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.