5-anyos na batang babae nagsisilbing mga mata ng bulag niyang ama
Ang kaniyang mundo ay nababalot ng dilim. Walang makita. Walang maaninag.
Dalawang dekada na siyang nakakulong sa espasyo ng kawalan. Pinahihirapan ng kapansanang siyang dahilan sa likod ng kaniyang limitadong mga pagkilos.
Si Nelson o mas kilala sa alyas na Dodong ay 20 taon nang nangangapa sa dilim.
Ngunit sa kaniyang paglalakbay sa buhay, hindi siya nag-iisa. Nandiyan ang kaniyang pamilyang nagmamahal at gumagabay sa kaniya. Pamilyang nagsisilbing liwanag sa mundong hindi niya maaninag.
Si Dodong at ang kaniyang mga sakripisyo
Sa kabila ng katotohanang hindi na magagawa ni Dodong ang ibang bagay na naisin dala ng pagkabulag, hindi ito naging hadlang para sariling buhayin at itaguyod ang kaniyang pamilya.
“Ang anak ko, siya ang pinakamalaking challenge para sa akin kaya nga tinatanong ko sa buhay, paano ko matutupad ang pangarap ng aking anak? Matutupad ko kaya ang kaniyang mga pangarap? Bulag ako,” ani Dodong.
Araw-araw, pumupunta siya sa bukirin para magsaka. Batid niya ang hirap pero kailangan niya itong gawin para sa mga anak at asawang umaasa sa kaniya.
Sa kaniyang mahigit isang oras na paglalakad, hindi siya nag-iisa. Ang kaniya kasing limang taong gulang na anak na si Jenny, sumasama para siya’y gabayan. Inaakay hanggang marating ang kaniyang paroroonan.
Si Dodong at ang kaniyang munting anghel
Kamakailan lang ay umani ng samu’t saring reaksyon sa social media ang video na kumalat sa internet kung saan makikita ang bahagi ng paglalakad ng mag-ama papuntang bukirin. May mga nahabag. May mga humanga.
Sa video, makikitang nakakapit ang dalawa sa magkabilang dulo ng kahoy. Si Jenny ang nasa harapan, akmang inaakay si Dodong.
“Kapag wala siyang pasok sa eskuwela, umiiyak siya kapag patungo na ako sa trabaho,” pagkukuwento ni Dodong. “ Ayaw niya akong mag-isa [aalis]. Hindi niya gusto na ako lang mag-isa tutungo roon.”
Sa kasalukuyan, umabot na sa dalawang milyong views ang naturang viral video.
Si Dodong at ang kaniyang kapansanan
Taliwas sa akala ng iba, hindi ipinanganak na bulag si Dodong. Grade 3 palang siya noon nang ahindi na makakita ang kaniyang kaliwang mata. Mula noon, lumabo na ang kaniyang paningin hanggang sa tuluyang humantong sa pagkabulag sa edad na 20.
Ayon sa espesyalistang tumingin kay Dodong, retinal detachment daw ang dahilan kung bakit malabo ang paningin niya noon. Mayroon din siyang katarata. Samantalang Retinitis Pigmentosa naman ang dahilan ng kaniyang pagkabulag—isang kundisyon kung saan inborn ang paglabo ng mga mata.
Ang kaso ni Dodong, tila huli na. Wala na siyang pag-asang muling makakita.
Si Dodong bilang isang ama
May kakulangan man ang pisikal na kakayanan ni Dodong, kailanman ay hindi siya nagkulang sa kaniyang pamilya.
Kahit gaano kahirap, pinipilit niyang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang mga mahal sa buhay. Saksi ang kaniyang maybahay na si Gemma at ang kaniyang tatlong anak kabilang na si Jenny sa lahat ng paghihirap ni Dodong-- isang buhay na patunay na ang magulang, handang gawin ang lahat para sa kaniyang mga anak.—Jules Garcia|BMS, GMA Public Affairs
Para sa mga nais tumulong sa pamilya ni Dodong, maaaring mag-deposito sa:
Philippine National Bank (PNB)
Account name: NELSON PEPE
Account number: 633605400014
Puwede ring makipag-ugnayan kay Rubylyn Pabillon (09198982528).
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.