Ang paggapang para sa kinabukasan ng isang 9-taong-gulang na bata
Para sa ating mga Pilipino, istriktong nakatatak na sa ating pag-iisip na ang una at pinakamahalagang hakbang para makamtan ang magandang kinabukasan ay ang pagpasok sa eskuwelah. Totoo naman kasi ito. Kaya naman maraming magulang ang talaga namang parang kalabaw kung kumayod para lang mapag-aral ang kanilang mga anak.

Pero paano kung bukod sa pangmatrikula ay kapos ka rin sa pisikal na kakayahan para makapag-aral? Tutuloy ka pa ba o susuko na lang?
Ang hamon kay Kianna
Para marahil sa maraming batang tinatamad na pumasok sa eskuwelah tuwing umaga, tila ba paggapang ang ginagawa nila mula sa kanilang kama papunta sa banyo para maligo at makapaghanda. Pero para kay Kianna, literal siyang gumagapang sa kanilang sahig para simulan ang kaniyang araw bilang isang Grade 4 student.

“Gusto niya talagang mag-aral siya kasi nakita ko rin ang kakayahan niya sa pag-aaral at tsaka madali siyang turuan. Masaya ako kasi umpisa ng pag-aaral niya ng kinder, honor student na po siya,” ayon sa kaniyang ina na si Michelle Bacali. “Kaya niya po na pantayan [ang mga kaklase niya]. Hindi po siya [nagpapahuli] sa mga kaklase niya.”
Pagkarating ni Kianna at ng kaniyang ina sa Banga Central Elementary School sa South Cotabato, sinalubong sila ng mga kaibigan ni Kianna na sina Kenmar at Angel.

Tatlong taon na raw silang magkakaibigan. At gaya ng nanay ni Kianna, tila ba wala rin silang kapagod-pagod sa pag-alalay at pagtulong sa kanilang kaibigan. Dahil nga nakasakay siya sa stroller, sina Kenmar at Angel ang nagtutulak nito para marating ng kanilang kaibigan ang dapat niyang paroroonan sa eskuwelahan. Maging ang pag-abot ng seatwork at pagpunta ni Kianna sa palikuran, sina Kenmar at Angel ang tumutulong sa kaniya. #FriendshipGoals, ika nga!
Wala man siyang kakayahan para maglakad, para bang hindi naman siya kinulang sa saya at pagiging bata. Gaya ng mga kaklase, nagagawa rin naman niyang tumambay at maglaro sa kanilang school grounds tuwing break time.

Mayroon man siyang malalapit na kaibigan, mayroon din namang mga kaklase na parati raw siyang tinutukso dahil sa kondisyon niya.
“Umiiyak siya na sinasabi niya sa akin, ‘Ma, tinutukso ako ng mga kaklase ko na lumpo raw ako. Wala raw akong silbi,’” kuwento ni Michelle. “Umiiyak siya na sinasabi niya 'yan sa akin. Nahihiya raw siya, inaapi siya ng classmates niya."
Ang mga nagsilbing paa ni Kianna
Nahulog sa duyan si Kianna noong dalawang buwan pa lamang siya. Simula noon ay naging sakitin at mahina na ang panganay sa dalawang magkakapatid. Labas-pasok sila sa health center noon para patingnan at ipagamot siya. Gustuhin man daw ng kaniyang mga magulang na ipatingin siya sa ospital, hindi raw sapat ang pera nila para rito.
Sa paglipas ng mga buwan, patuloy na lumala ang kondisyon ni Kianna. Hanggang sa isang araw, hindi na lamang daw siya bigla makalakad. Patuloy na humina ang mga biyas ni Kianna kaya hindi na niya kinayang suportahan ang sarili niya sa pagtayo at paglalakad.

Nang dahil sa sinapit ni Kianna, kinailangan nang sumama ni Michelle sa eskuwela para maalalayan ang anak niya. Nagsi-sit in pa siya sa klase para mabantayan ito.
Minsan naman ay mga guro muna ni Kianna ang umaalalay sa kaniya. Hanggang sa kalaunan, naisip ng kaniyang Grade 3 teacher na isakay na lamang siya sa stroller para kahit papaano ay mapadali ang pag-alalay sa kaniya ng kaniyang mga magulang, kaklase at guro.
Bagamat malaki ang naitulong ng stroller kay Kianna, marami rin itong limitasyon. Tuwing naiihi o nadudumi siya, kinakailangang may hihila pa ng stroller para ihatid siya sa banyo. Naisip na rin ng mga magulang niya na pagsuotin siya ng diaper pero hindi ito kinaya ng amain niya na kumikita lamang ng P500.00 kada araw.

Ayon sa espesyalista, mayroong dalawang uri ng severe scoliosis si Kianna. Napansin din na dislocated ang kaniyang mga buto sa bewang at may kalakihan ang kaniyang ulo.
Bagama't may kaibahan sa pisikal na kaanyuan ni Kianna, normal naman daw ang kaniyang pag-iisip.
Ayon kay Dr. Bryan Nur, Medical Officer III sa South Cotabato Provincial Hospital, “We assessed 'yung kaniyang movements sa paa, parang hindi masyadong nagagalaw. However, sabi ng nanay, nako-control naman 'yung pag-ihi, 'yung pagtatae, ibig sabihin, mayroon siyang muscle control doon. So more or less, hindi naman affected talaga 'yung brain as to function.”
Tiniyak ng doktor na hindi dapat mawalan ng pag-asa si Kianna.“'Yung mental capacity is at par so puwede siyang maka-graduate same as regular kids. Puwede siyang makapagtrabaho [kapag matanda na siya],” dagdag ni Nur.

Hindi maikakaila na isang matapang na bata si Kianna. Dahil sa mga araw na puwede niyang sabihing “Ayaw ko na” ay patuloy lamang siya sa pamumuhay bilang isang estudyante. Bagama't walang abilidad para maglakad, hindi naman ito alintana para sa kaniya na mamuhay ng normal kasama ang kaniyang mga pamilya at kaibigan.
Sa kaniyang pagsusumikap at sa tulong ng suporta at pagmamahal mula sa mga taong nakapaligid sa kaniya, tiyak na malayo pa ang kaniyang mararating.
Para sa mga nais tumulong kay Kianna, maaaring makipag-ugnayan kay Genflor Jamorabon sa 0926-990-0930.---Juju Z. Baluyot/BMS, GMA Public Affairs