ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang panawagan sa social media ng isang nangungulilang ina


Sa pagdaan ng mga taon, napatunayan na ng social media ang kakayahan nitong maging daan upang lumutas ng mga kaso, tumulong sa mga nangangailangan at magbuklod ng mga mahal sa buhay. Kaya naman ito rin ang naging takbuhan ni Laurie Dollente na nagnanais na muling mahanap ang nawawalang anak na si Earl. Ngunit, ang nakagugulat dito, labing-siyam na taon o halos magdadalawang dekada na pala mula nang madakip ang kanyang anak.

Ang huling sulyap kay Earl

Dalawang taon pa lamang noong May 27, 1997 ang batang si Ernesto Miguel Dollente o mas kilala sa tawag na Earl, nang bigla na lamang itong mawala habang kumukuha ng mga bulaklak sa kanilang bakuran. Tandang-tanda pa umano ni Laurie ang saya sa mukha ni Earl habang pumalakpak ito at binabanggit ang mga salitang, “I love you, Mimi.”

“Pumanhik sila sa room, binigay nila sa akin ‘yung flowers. His happy face is so vivid to me na pumalakpak pa siya, and then he said, ‘I love you, Mimi.’ He wanted to get some more flowers. He asked his ate if he could get some more, so they went out,” naluluhang pahayag ni Laurie.

Lingid sa kaalaman ni Laurie, ‘yun na pala ang huling pagkakataon na masusulyapan niya ang masayang mukha ng anak. Ilang saglit lamang umano matapos bumaba ng mga anak ay nagmamadaling pumanhik ang panganay na si Patty sa kanilang silid, dala ang isang masamang balita.

“Patty rushed back to the room looking for Earl, and I told Patty, ‘Bakit mo siya hinahanap sa akin? You were together outside.’ Patty said, ‘Mama, I could not find him.’ So I rushed downstairs and we all looked for him. We were living in a compound na all-gated, it was impossible for him, for a two-year-old to go out all by himself, especially ‘yung gate namin medyo mabigat,” dagdag pa nito.

Hindi na napigilan ni Laurie ang maging emosyonal nang balikan ang araw kung kailan nawala ang anak.

Sa gitna ng hinagpis at pangungulilang pinagdadaanan ng kanilang pamilya, paulit-ulit silang pinaasa ng mga nagpakilalang dumakip kay Earl na maibabalik pa ito. Tatlong araw kasi matapos itong mawala ay tumawag ang umanoy kidnappers upang humingi ng P5-M na ransom ngunit walang transakyon na naganap dahil ni minsan, hindi nila nakausap ang anak, bagkus isang bata ang lagi nilang naririnig na pinahihirapan ng mga ito.

“The hardest ordeal ‘yung laging may tumatawag sa amin, hindi ko alam kung saan nila nakuha number namin. Lagi nilang pinaririnig, baby screaming, like they were whipping him, and they call him, ‘bihag’ that's the term they are using, ‘Ilabas ang bihag,’ and then we would hear, a whip. I don't know if it was Earl, all I'm hearing was a boy screaming. I was so helpless and I would just plead, ‘Please stop, parang awa n’yo na, tama na! Tigilan n’yo na ‘yung bata!’ It went on for days,” pagbabahagi ni Laurie.

Hanggang lumipas na ang mga buwan at sumapit ang bisperas ng pasko, doon muling nagparamdam ang kidnappers kina Laurie.

“Sabi sa asawa ko, ‘Tutal Pasko naman, ibabalik na namin,’ binigay ‘yung direksyon. They told my husband to wait for the 5 to 6 mass, and after the mass they would return my son already, as early as 3 o’clock nandoon na kami. Sumama biyenan ko. We were hoping na totoong isasauli ‘yung anak namin. Imagine, 5 to 6 ang sinasabi nila pero 3 o’clock nandoon na kami. Talagang hindi kami pumipikit, lahat ng dumadaan, talagang nakadilat kami,” ani Laurie.

Pero tulad ng paulit-ulit nilang naranasan, nabigo silang maiuwi ang anak. Ni anino raw ng kidnappers ay hindi man lamang nagparamdam habang naghihintay sila sa nasabing simbahan. Sa tindi ng nararamdamang emosyon ng asawa ni Laurie, halos maibunggo na nito ang minamanehong kotse, tila wala na sa isip nitong nasa sasakyan pa ang kanyang sariling ina at asawa.

Dagdag pa ni Laurie, "He was too furious. Pagpasok namin ng bahay, the phone rang again. Ako mismo nakasagot at sinabi na, ‘Ano, uto-uto kayo?’ tapos nagtawanan lang sila.”

Ang mga taong wala si Earl

Inalala ni Laurie ang mga katangian ng anak na talaga namang mas nagpabigat sa pagkawala nito. Napakalambing umanong bata ni Earl, mahilig itong yumapos at humalik sa mga magulang. Sa katunayan, hindi ito nakakatulog nang hindi sa dibdib ng ama humihiga.

“’Yung pagsasalita ng I love you, parang second skin na sa kanya e. Saka si Earl, nang mawala, kaya hirap na hirap kami kasi parang para sa kanya kami lang ‘yung tao sa mundo,” kuwento nito.

Sa pagkawala ni Earl, si Laurie umano ang pinaka-apektado. Isang linggo lamang ang nakalipas ay halos buto’t balat na siya dahil sa hindi pagkain o pagtulog, dito na rin nagsimulang magka-lamat ang kanilang pamilya. Dahil sa nararamdamang sakit ng bawat isa, iniiwasan na lamang nilang pag-usapan ang problema at minabuting sarilinin na lamang ang kanilang nararamdaman.

Sa mga larawan na lamang na ito nakikita ng mag-asawa ang matamis na ngiti at maamong mukha ni Earl.

“Napakahirap lalo yung nag-iiwasan, ‘yung asawa ko, pinipilit niya maging matapang na alam ko, nahihirapan din siya, kaya dumating sa point na late na siyang umuuwi. Na parang nagkakalayo-layo na kami, Patty was hiding everything for herself, ganoon din ang asawa ko, ako rin, parang nagkakalayo-layo na kami,” ani Laurie.

Sa edad na pito, sinisi rin ng batang si Patty ang sarili sa pagkawala ng kapatid. Ayon kay Laurie, madalas itong bangungutin at sumisigaw sa pagtulog. Unti-unti rin umano itong naging tahimik sa paaralan at bumaba ang mga grado na ikinabahala ng kanyang mga guro.

Sabi pa ni Laurie, “Until her teacher set us for an appointment, noon lang namin nalaman na there was a time daw na naiwan si Patty sa classroom, uwian na, dismissal, I don't know if the door got locked or napatay ‘yung ilaw, Patty screamed so loud na ang daming nagtakbuhan.  Bakit daw ganoon, parang ang alarming noong reaction, her teacher cried because she didn't know what Patty was going through a tough time.”

Dahil dito, napagtanto nina Laurie na isa raw sa pinakamahirap na parte ng kanilang problema ay ang realidad na may isang bata pa silang kailangang isipin.

“Kailangan niyang mag-celebrate ng Pasko na parang feeling namin hindi niya rin kayang mag-celebrate. ‘Yung mga tita niya, ipinasyal siya for Christmas, sa mall, nag-iyakan sila dahil pinilit ni Patty pumila sa Santa Claus, siguro iniisip niya dahil bata siya, pwedeng mag-wish. Nung turn na ni Patty, nung sinusulat niya na ‘yung wish niya, nabasa ng tita niya ‘yung sinusulat niya. She said, Santa, I wish for my brother to come back. Nothing more. No wish for herself,” emosyonal na kuwento ni Laurie.

Sino nga ba ang salarin?

Malaking pala-isipan kina Laurie kung sino ang puwedeng maging utak sa pagkawala ng anak. Nang magsimulang mag-imbestiga ang National Bureau of Investigation o NBI, naging pangunahing suspek ang kanilang kasambahay na nagpaalam na magbabakasyon, isang linggo bago nangyari ang pandurukot.

Maayos naman daw na nagpaalam ang kasambahay nilang si Len na uuwi ito sa Bicol at muling magbabalik. Laking gulat lamang nila na ang iniwan nitong plastic bag ay hindi pala damit ang laman kundi mga isiniksik na basahan, diyaryo at papel, maging ang baby album kung saan naroon ang mga larawan at dokumento ni Earl ay nawawala na rin, doon na sila muling nakaramdam ng kaba.

Iilan na lamang ang mga larawan ni Earl na naiwan sa Pamilya Dollente, kaya’t napakahalaga ng turing nila sa mga ito.

“Tapos, sabi ng NBI, siyempre inuna nila nasaan ang pictures. Nang kukunin ko na ‘yung picture sa cabinet, wala na ‘yung album. ‘Yung album na ‘yun, malaking album siya na makapal, ginawa ko ‘yun, kumpleto ‘yun, nandun ang hospital bracelet namin mag-ina, nandun ‘yung birth certificate niya, nandun ‘yung baptismal certificate niya, everything, I put it there,” kuwento pa nito.

Doon na raw inimbestigahan ng NBI ang kanilang kasambahay, apat na araw umano itong sinundan hanggang personal nang tanungin ng mga awtoridad.

Sabi pa ni Laurie, “Of course, wala sa kanya ‘yung bata, ang naging theory ng NBI was that pwedeng nabayaran, I don't know the term, o naligawan, o nauto, para kunin si Earl. Kasi si Earl, napakailap, even nga our neighbors couldn't borrow him kasi he would cry.”

Dahil sa kakulangan ng mga ebidensya, makalipas ang tatlong taon, idineklarang “cold case” ang kaso nang pagkawala ni Earl.

Hindi nauubos na pag-asa ng isang ina

Pinilit ng pamilya Dollente na lampasan ang dagok na ito sa kanilang buhay, limang taon matapos ito, muling biniyayaan ang kanilang pamilya ng isa pang supling, si Carlos.

Ngunit sa tila isang laro ng tadhana, isang masamang balita na naman ang kanilang matatanggap. Noong nakaraang taon kasi, na-diagnose si Laurie na may Stage 4 Lung Cancer.

“Nung sinabi nila sa akin, hindi ako umiyak. Umiyak lang ako nung si Patty, hysterical siya, iyak siya nang iyak. Parang ang feeling niya, unfair. I don't know, out of fear. Basta ang sabi niya sa akin, ‘Mom, sabi mo sa akin walang iwanan, ba't mo ko iiwan?’ She was crying and crying and crying,” ani Laurie.

Pilit umanong nagpakatatag ni Laurie sa kabilang ng hirap na kanyang pinagdadaanan, ngunit tulad ng sinoman, dumating din daw ang puntong nagpaalam na siya sa asawa’t mga anak.

“Si Carlos nasa tabi ko, si Patty nakatayo, asawa ko nakatayo din, sabi ko... nasa kwarto kami. Sabi ko, ‘Hayaan ninyo na ako, hirap na ako. Hindi ko na kaya.’ Lumuhod ‘yung asawa ko, sabi niya, ‘Mom, kayanin mo.’ Si Patty, si Carlos, umiyak. Sabi ni Patty, ‘Mom, kapag hindi ka kakain, hindi rin kami kakain, hindi kami mabubuhay nang wala ka.’ Sabi ko, “Please, hindi ko na kaya talaga, hirap na hirap na ako," kuwento niya.

Kaya naman ngayon, higit kailanman, mas malakas ang kanyang pagnanais na muling makita at makapiling ang anak na si Earl. Ito ang nagtulak sa kanya upang ilabas ang kanilang kuwento sa social media.

“Wala na kasing magawa ‘yung NBI eh, for me kasi NBI na ‘yung pinakamataas. Pero pati sila na-dead end na. So I decided na ilagay na ito sa social media, baka makatulong,” paliwanag ni Laurie.

Sa kanyang mensahe kay Earl, bakas sa boses at mukha ni Laurie ang isang nangungulilang ina na hindi pa rin nawawalan ng pag-asang muling makakapiling ang anak na labing-siyam na taon na niyang hindi nahahagkan.

Bakas sa mukha ni Laurie ang pangungulila sa anak sa kabila ng labing-siyam na taong pagkawalay nito sa kanya.

“Earl, anak, here is mommy, your real mom. I don't know if they call you Earl, but Earl is your name. Please, anak, mommy is sick. Come back to us, that's all we pray. That's all we want, anak, for you to come back, it's been 19 long years, it's about time for you to come back to us. We are your family. We're waiting for you, anak. We love you so much.”

Sa kanyang mga dasal, ni minsan ay hindi na umano hiniling ni Laurie ang kanyang paggaling. Mas ipinagdarasal niyang muling makasama ang nawawalang anak. Kaya naman ang kanyang madamdaming panawagan, “Sa lahat ng makakapanood nito na may nalalaman tungkol sa kung nasaan ‘yung anak ko na kung hindi man nasa inyo pero alam ninyo kung nasaan yung anak ko, sana po tulungan ninyo kami para mabalik sa amin ‘yung anak ko or isauli na po sa amin. Ituro n’yo na po sila sa amin kung nasaan man siya.”---Sarah Jean Sarte/BMS, GMA Public Affairs