Paikot-ikot sa poste ng pag-ibig

May lahing Korean, Canadian, Indian, British at Pinoy.
Mistulang ‘United Nations’ ang pamilya ni Hannah Cariño – isang Pinay pole dancer, na mayroong limang anak na iba’t iba ang lahi.
Kamakailan lang ay nagpakitang gilas si Hannah sa game show na ‘Wowowin’ kung saan ibinida niya ang kaniyang pole dancing skills.
Pero ang mas hinangaan sa kaniya, ay nang ikuwento niya kung paano niya itinaguyod mag-isa ang kaniyang mga anak.
Sa GMA, Cavite nakatira si Hannah at ang kaniyang apat na anak. Ang half-Canadian na si Mark Anthony; ang half-Indian na si Thalia; ang half-Briton na si Bran Dominic; at ang bunso, si Wilfred na isang Pilipino.
‘Yun nga lang, dahil sa natatangi niyang sitwasyon, paborito raw na tsismisan si Hannah.
Tubong Cotabato si Hannah at lumaking hindi nakilala ang ama. Dahil sa morenang balat at buhok na buhaghag, bata pa lang ay sentro na siya ng panunukso.
Pinagsasabay niya ang pag-aaral at pagiging kasambahay noon, pero 3rd year high school lang ang kaniyang natapos.
Dahil nang siya ay naging 18 taong gulang, ni-recruit daw siya para mag-Japan.
Sa kasawiang-palad, hindi raw siya tinanggap dahil sa kaniyang kulay.
Dito naisipan ni Hannah na mamasukan na lamang sa isang Korean bar sa Las Piñas, kung saan nagsimula ang masasalimuot na kabanata ng kaniyang love life.
Ang unang lalaki
Ang unang nagpatibok sa puso ni Hannah ay isang Koreano.
Ang kanilang pagmamahalan ay nagbunga ng supling. Pero nang ipaalam ni Hannah sa Koreanong nobyo na siya’y nagdadalang-tao, bigla na lang daw siyang iniwan nito.
“Ginawan ko ng paraan kung paano ko kokontakin ang father niya, " sambit ni Hannah. “Sabi ng mga kasamahan ko, umuwi daw tapos hindi na bumalik.”
Taong 2007, ika-2 ng Mayo nang iniluwal ni Hannah sa Cotabato si Sweet May.
Ngunit saglit lang niya nasilayan ang anak dahil masakit man sa kalooban, ipinaampon niya ito sa kaniyang tiyahin sa probinsiya.
Ang batang ina na si Hannah, muling lumuwas para makipagsapalaran sa Maynila.
Ang sunod niyang trabaho ay bilang isang show girl sa isang club sa Makati Avenue.
Ang pangalawang lalaki
Dito siya nakakilala ng isang Canadian.
“Isang gabi lang po ‘yun, kasi kinabukasan bumalik na siyang Canada," kuwento niya.
Hindi na naaalala ni Hannah ang pangalan at number ng foreigner, pero sa kasamaang-palad siya ay muling nagdalang-tao.
Pero sa pagkakataong ito, ang sanggol ay iniwan ni Hannah sa kaniyang ina.
Nag-desisyon kasi si Hannah na bumalik na ng Maynila para may maipadalang pera para sa gatas ng anak.
Pagbalik ni Hannah sa bar, may bago na raw itong patok na pakulo – ang pole dancing!

Kahit walang kaalam-alam sa pole dancing si Hannah ay inaral niya ito at hindi nagtagal ay naging bihasa na siya rito.
Ito ang talento na pinakita niya ng maging contestant sa 'Wowowin.'
Ang pangatlong lalaki
Taong 2009 nang lumipat sa isang mas malaking club sa Makati Ave. si Hannah.
Dito ay muling tumibok ang puso niya pagkatapos makilala ang isang Indian national.
Pero tila isang paulit-ulit na bangungot ang ilang yugto sa buhay ni Hannah.
Muli siyang nabuntis, at sa kaniyang pagdadalang-tao, iniwan siya ng kasintahan.
Mula noon, ipinangako na siya sa sarili na ‘di na iibig pang muli. Pero sa pagbabalik niyang muli sa club, ay tila ba parang nagayuma si Hannah at nilamon lahat ng pangako niya.
Ang pang-apat na lalaki
Isang Briton ang nakilala niya at ‘di tulad ng ibang mga unang nakarelasyon niya, ang naturang foreigner ay gustong-gusto raw talagang magkaroon ng anak.
Kaya nang malaman niyang nagdadalang-tao si Hannah, hindi maubos ang tuwa at ligaya na nadama ng dalawa.
Pero ang mga kaibigan ng Briton, tutol sa kanilang pagmamahalan.
Kinalaunan, pagsilang ni Hannah sa kanilang anak, iniwan din siya ng lalaki.
Nag-isip si Hannah, baka wala sa mga banyaga ang forever niya.
Matapos ang isang taon, lumipat siya sa Fort Bonifacio at sa pagkakataong ito, isang pulis ang kumatok sa nakasarado niyang puso.
Ang panglimang lalaki
Pero hindi kagaya ng ibang nakarelasyon, ang pulis na ito ay isang Pilipino.
Agad sumuko ang loob ni Hannah dito, at matapos ang dalawang taon – nagbunga ang kanilang pagsasama.
Ngunit kagaya ng mga nakaraan niyang relasyon, ito ay nagwakas din sa bandang huli.
Matapos ang lahat, biyaya pa rin ang mga anak
Matapos ang limang relasyon na nagbunga ng limang anak, pinangako ni Hannah sa ina na pagdating sa pag-ibig, hindi na laging puso ang susundin niya.
Lahat na nga raw ng panghuhusga ibinato na sa kaniya, pero kahit kailan man sa makailang ulit siyang nagdalang-tao, kahit pa alam niyang walang masisilayang ama ang mga ito – kailanman ay hindi niya naisip na ‘wag ituloy ang kaniyang pagbubuntis.
Pero may hiling si Hannah, at ito ay sana personal daw niyang makita ang panganay na anak na si Sweet May na ipinagbuntis niya sa Koreanong nobyo.
Sa tulong ng ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’ (KMJS) team, mula sa Zamboanga Sibugay ay pinalipad namin si Sweet May.
Habang nananghalian sina Hannah, wala silang kamalay-malay na ilang dipa na lang ang layo nang nawalay na anak sa kanila.
Nang magkita ang mag-anak, bumuhos ang luha ng mag-ina at ang pananabik sa isa’t isa ay pinawi ng mahihigpit na yakap.
Bago muling umuwi ng Zamboanga Sibugay si Sweet May ay nagpa-family picture muna ang pamilya ni Hannah.

Sa kuwento ng lovelife ni Hannah, nakita natin na pagdating sa pag-ibig, kahit ilang beses man siya makipag-sapalaran at mabigo, nariyan naman ang mga anak na nagsisilbing biyaya at buong pusong ibinibigay ang paulit-ulit niyang hinahanap na pagmamahal. -- Zebadiah Cañero/BMS, GMA Public Affairs