Ang patuloy na paghihintay nina Joann at Duday sa kanilang padre de pamilya
Kilala n’yo ba si Duday? Siya ang batang nag-viral dahil sa pagkuha niya ng isang selfie video habang kinakausap at pilit ginigising ang walang imik nitong ama. Ang kanya palang ama na si Didoy ay halos walong-buwan na nilang inaantay ng inang si Joann na magising sa comatose.
Ang mommy at daddy ni Duday
Ngayong pansamantala nilang hindi makasama ang padre de pamilya, hindi raw mapigilan ni Joann na balikan kung paano sila nagsimula ng 27-taong gulang na asawang si James Aguilar o mas kilala bilang Didoy.
Pagpasok pa lamang daw noon ng high school ay magkaklase na sina Joann at Didoy. Huling taon na nila sa high school noong naging mag-seatmate sila at doon na mas naging malapit sa isa’t isa.
“Tahimik siya sa mga babae, pero sa mga lalaki, magulo siya. Kaya nung 4th year na lang kami talaga naging mag-close. Alam ko na nandoon siya, na pag kakausapin mo, sasagot siya, tapos may kaunting kulit. Pero, tahimik lang talaga siya,” kuwento ni Joann.

Doon na raw siya sinimulang pormahan ni Didoy ngunit dahil sa likas na pagiging mahiyain at tahimik nito ay idinaan daw muna siya sa text at chat. Nang maka-ipon ito ng lakas ng loob ay saka siya binisita sa bahay na may dalang gitara upang mangharana. Ang halos siyam na buwan umano nitong masugid na panliligaw, nauwi rin naman sa matamis na oo ni Joann.
“Ang totoo, nagtanong lang siya sa akin sa phone, sa cellphone, tawag lang, tapos hanggang sa nagpunta siya sa bahay kasi nag-18 years old ako, debut, parang simpleng handaan lang sa amin, tapos siya ‘yung kasayaw ko. Ganun lang, kaya nalaman sa bahay na si James (Didoy), boyfriend ko na,” dagdag pa nito.
Bilang respeto sa kanilang mga magulang, napagdesisyunan ng dalawa na mag-aral sa magkaibang kolehiyo kahit pa parehong nursing ang kanilang kurso. Sa pagpasok nila sa kolehiyo, madalas raw na magselos si Joann sa mga napapalapit na babae kay Didoy. Pero sa kabila nito mas naging matatag ang kanilang relasyon.
“’Pag halimbawa uwian ko ng 1 tapos nakakauwi ako ng mga 6, maghihintay ‘yun ng ilang oras sa gate kasama yung guard ng MCU. Hindi kami nakatutulog ng magkaaway kasi nga kung ano ‘yung sabihin niya sa akin, makakalma na ako, okay na ako,” dagdag pa nito.
Sa kabila ng masaya nilang relasyon, hindi raw nalilimutan ng dalawa ang kanilang obligasyon sa pamilya. Pursigido silang makatapos ng pag-aaral at agad na magkatrabaho.
“Madalas namin pag-usapan ‘yung tungkol sa mga pami-pamilya namin, ‘yung mga plano namin, ‘Oh sige, pagtapos natin ganyan, mag-abroad na tayo para makatulong sa pamilya,’ kasi ang dami rin po niyang pangako sa magulang niya, ako rin po ganoon,” kuwento nito.
Pareho na silang nakatapos ng kolehiyo at nagtatrahabo nang dumating sa buhay nila si Julia o Duday. Sa kanyang pagdating, naging doble pa raw ang pagkayod ng mag-asawa, si Joann bilang medical representative habang pang-gabing nurse naman si Didoy. Dalawang buwan noon si Duday nang magpakasal ang dalawa at tuluyang mabuo ang kanilang masayang pamilya.
Si Didoy bilang Tatay
Kung walang kapintansan si Didoy bilang asawa kay Joann, lalo na daw sa pagiging ama nito kay Duday.
Dahil sa pang-gabing trabaho ni Didoy mas madalas nitong makasama sa umaga ang anak. Kapag may pasok, hatid-sundo niya ito sa paaralan. At kapag naman wala, mahilig silang magbisikleta, maglaro at gumawa ng iba’t ibang ‘selfie videos.’
Pagbibida ni Joann, “Si James, responsableng asawa siya, mabait, tapos ‘yun nga, inuuna niya kami, lahat para sa amin. Tapos, nagpaplano siya para sa amin. Ini-i-spoil niya si Julia. Pinag-usapan din namin na si Julia muna kasi dito pa lang kami nagplano na gusto namin humiwalay, gusto namin magkaroon ng bahay nang sarili.”
Kaya naman hindi lamang daw mga alaala ang pansamantalang napurnada kundi maging ang mga plano nila bilang isang pamilya.
Ang malalim nilang kalbaryo
December 17 raw noong nakaraang taon nang magsalo-salo ang kanilang pamilya upang ipagdiwang ang bisperas ng ika-26 na kaarawan ni Didoy. Iyon na pala ang huling beses na makikita nila itong malakas at makulit. Dahil sa mismong kaarawan nito, alas-dos ng madaling araw, nagising na lamang si Joann sa malakas at tila malalim na paghilik ng asawa na hindi naman nito ginagawa noon. Agad niya raw itong niyugyog ng ilang beses ngunit hindi ito magising.
“’Yung itsura niya, ang lalim-lalim ng tulog niya na humihilik, ganun ‘yung tingin ko sa kanya. Ang naisip ko, nagtawag lang ako, ‘In Jesus name,’ yun lang nasabi ko,” naluluhang kuwento ni Joann.
Sa kabila ng takot at kabang nararamdaman, agad niyang pinuntahan ang mga kamag-anak na nakatira lamang sa itaas ng kanilang bahay upang humingi ng tulong.
“Hanggang sa si Ate Chi, nagpunta sa bahay namin, sabi niya, nakita niya daw si James, nakalabas na ‘yung dila. Para talagang wala na,” dagdag pa nito.
Nang madala na nila sa ospital sa Didoy, anim na beses daw itong sinubukang i-revive ng mga doktor. Kahit pa hindi nawawalan ng pag-asa si Joann, sa kanyang kaibuturan, napapatanong na rin daw siya kung bakit hindi magising ang asawa.
“Humarap sa akin ‘yung doctor ng ER (Emergency Room), sabi niya sa akin, ‘Ma'am, wala na,’ dead on arrival na raw nung dinala namin. Siyempre, kung ikaw asawa, hindi mo matatanggap ‘yun, ‘Doc, nurse ‘yan e, napakabait niyan, 26 years old," ganun pa ‘yung sinabi ko,” sabi ni Joann.

Kalauna’y bumalik ang hiniga ni Didoy at inilipat sa Intensive Care Unit o ICU ng ospital. Humihinga raw ito ngunit hindi na talaga magising. Tila ba natutulog lamang nang malalim at mahimbing. Sa kanilang paglalagi sa ospital, nagpapasalamat daw si Joann sa mga kaibigan at kamag-anak na tumulong sa kanila.
Noong una, hindi matukoy ng mga doktor kung ano ang sakit ni Didoy. Kaya naman nagpalipat-lipat sila ng ospital. Kalauna’y na-diagnose si Didoy na may Cerebral Ischemia secondary to prolonged cardiac arrest. Ayon kay Cardiovascular Surgeon Dr. Josefino Sanchez, ito raw ang sakit kung saan walang tamang sirkulasyon ng dugo sa utak ng isang pasyente, dahilan upang ito’y maparalisa.
“Sabi [kaya ‘yun ang naging diagnosis ng sakit niya] dahil daw may bacteria. Pero hindi naman nila masabi sa amin kung may bacteria talaga kasi lahat ng test, nagawa naman sa kanya, ECG, MRI, lahat, wala namang bacteria na nakita. Sabi lang... walang virus na nakita, parang dumaan lang ‘yung virus,” paliwanag ni Joann.
Lalo raw lumakas ang loob ni Joann nang kalauna’y mabuksan na ni Didoy ang kanyang mga mata. Ngunit ang kanilang gastusin sa ospital, umabot ng milyong piso. Kaya naman pinayuhan silang sa bahay na lang ito alagaan upang mas makatipid.
Sa ngayon ay patuloy pa ring sumasailalim si Didoy sa physical therapy, at para matustusan ang kanyang mga gastusin, nagsasagawa sila ng outreach program at nagbebenta ng mga bags at t-shirts online na may tatak na #PrayforDidoy. Maging ang mga doctor nito, napakiusapan nang bigyan sila ng discount sa mga doctor’s fee.
Miss na ni Duday si Didoy
Sa pagkakasakit ni Didoy, bukod kay Joann, isa rin sa pinaka-apektado ang kanilang apat na taong gulang na anak na si Duday. Sa mura niyang edad, halos katuwang na siya ni Joann sa pag-aalaga sa asawa. Minsan nga raw ay mas tutok pa ito sa pagbabantay kaysa sa kanya.
Pagmamalaki ni Joann sa anak, “Tinutulungan niya ako, siya mismo nagka-crush ng gamot ng daddy niya. Siya ang nag-aayos (ng mga gamit), nagtutupi siya ng tissue, maalalahanin siya sa daddy niya kaya walang problema, ‘pag ako nasa trabaho, siya ang kakausapin ko sa phone kasi idedetalye niya sa akin, simula umaga hanggang hapon na nangyari sa kanya.”
Kita raw ni Joann na nangungulila na si Duday sa ama dahil nasanay itong sila ang laging magkasama. Nagsimula na nga rin daw itong mangarap maging isang doktor upang magamot ang kanyang ama.
“Ito lang mga nakaraan syempre parang naghahanap siya ng maghahatid sa school, lagi niyang sinasabi sa akin, ‘Si daddy kasi e, hindi pa gumigising,’ kasi may motor nga kami dati, ‘yung lagi siyang angkas-angkas, ‘yun ang namimiss niya,” kuwento pa nito.
Tuloy lamang ang paghihintay
Walong buwan na ang nakalipas at hindi pa rin nagigising si Didoy, ngunit masasabi ni Joann na unti-unti na nila itong nakikitaan ng maliliit na reaksyon na hindi nila nakikita noon.

“Nagbi-blink na siya ng mata, dati wala. ‘Yung eyeballs niya, left and right, ngayon kahit down and up, nakakaya na niya minsan,” pagbabahagi nito.
Ang mga ‘selfie videos’ na ginagawa ni Duday kanya raw iipunin at ipakikita sa ama sa takdang panahon. Hindi man daw sigurado ang mag-inang Joann at Duday kung muli pang magigising sa tila malalim nitong pagkakahimbing si Didoy, patuloy lamang silang maghihintay.
Pero ang sigurado, patuloy lang din sa pagdadasal si Duday. Ang kanyang araw-araw na panalangin, “Lord, gisingin n’yo na po si daddy, gawin ninyo na po siya sa dati [‘yung eyes niya] paliwanin ninyo po yung mata niya para makakita na po siya nang maayos, ilayo ninyo po siya sa plema, sa ubo, sa suka. Lord, pagalingin ninyo po siya, huwag ninyo po siyang papabayaan. Amen.” --- Sarah Jean Sarte/BMS, GMA Public Affairs