ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Panga-rap: Ang kuwento ng bulilit rappers ng Makati


Ang mga bida sa viral na video, ang bulilit rappers ng Makati na sina John Rey, Ralph at Andrew.

Kamakailan lang ay naging viral sa social media ang video ng tatlong bata na nagra-rap sa labas ng isang grocery store sa Makati.  Sa kasalukuyan, may mahigit 13 million views na ang nasabing video at patuloy ring umaani ng papuri mula sa netizens ang mga batang rapper.

“Narinig ko 'tong mga bata, na-curious ako. Lumabas ako tapos kinunan ko sila ng video,” kuwento ng uploader ng video na si Nicolo Garcia.

Ang magkakaibigang nasa video na sina John Rey, Ralph at Andrew, tila nagpapalipas oras lamang. Ngunit ang pagra-rap pala sa matataong lugar ang kanilang puhunan upang makatulong sa pamilya at makaahon sa kahirapan.

Musika ang sandalan ng magkakaibigan sa kabila ng mga problemang kanilang pinagdaraanan.

Malaking problema ng munting rappers

May ibang pamilya na sa Saudi ang ama ng 13 taong gulang na si John Rey. Masama ang loob ng binatilyo sa kaniyang ama dahil hindi man lamang daw ito nagbigay ng suporta mula nang nakipaghiwalay ito sa inang naglalako lang ng sabon.

“Iniwan niya po ako. Ngayon malaki na ako, hindi pa rin siya nagpapakita. Mahirap kasi minsan wala kaming makain,” pagbabahagi ng binatilyo.

Tulad ni John Rey, wala na ring ama ang kaniyang 15 anyos na kaibigang si Ralph. Pumanaw ang tatay ni Ralph dahil sa sakit sa bato, samantalang ang kaniyang ina naman, may diperensiya sa pag-iisip.

“Naaawa po ako [sa nanay ko]. Niyayaya ko siyang kumain kapag may pera ako,” ani Ralph. Pero kapag nalilipasan na raw ng gutom ang kaniyang nanay, nagsasalita na raw ito nang mag-isa.

Dahil walang pera, hindi madala ni Ralph sa ospital ang kaniyang ina. Ang pera kasing nakukuha ni Ralph sa pamamalimos, kulang pa para sa kanilang pagkain.

Samantala, ang mga magulang naman ng bunso sa grupo na si Andrew, parehong nangangalakal. Ngunit nang mabundol ng sasakyan ang kaniyang nakababatang kapatid, kinailangan niyang huminto sa pag-aaral at mamalimos para makatulong sa mga gastusin.

Nagsisilbing tanghalan ng bulilit rappers ang mga kalye ng Makati.

Piso at talento

Dala ng kahirapan, pare-parehong huminto na sa pag-aaral ang tatlo. Kaya ang tila nagsisilbi nilang guro ngayon, ang hirap ng kanilang pinagdaraanan sa lansangan

Halos araw-araw na makikitang pagala-gala nang nakayapak sa mainit na aspalto ng Makati ang magkakaibigan. Sumasakay sila sa mga namamasadang jeep upang mag-rap. Masuwerte na kung may magbibigay sa kanila ng pera.

“Pinakamababa po namin [na kita] ay P150.00. Hati-hati po kaming patas. Hating kapatid. Binibigay po namin sa mga magulang namin,” kuwento ni John Rey.

Sa kabila ng pagpapakitang-gilas nila, may ilang mga pasaherong nanunukli ng panghuhusga sa kanilang talento.

“Pinipigilan po. Minsan inaawat din po kami pero gusto po talaga namin, wala po talaga kasi kami minsan e. Naiinggit po kami sa mga kasama namin may mga binibili, didiskarte din po kami,” ani Ralph.

Dahil walang ibang alam na paraan upang kumita ng pera, tuloy pa rin ang tatlo sa pakikipagpatintero sa mga sasakyan para mag-rap at makabili ng panlaman sa kanilang mga tiyan.

Sa pamamagitan ng pagra-rap sa loob ng jeep, kumikita ang magkakaibigan ng pera para sa kanilang pamilya.

Bagong tono, bagong pag-asa

Ang talento nga ng tatlo ang nagbukas ng pinto para tuparin ang kanilang mga pangarap. Ngayong ilang milyon na ang nakapanood ng kanilang video, marami na rin ang nagnanais na tumulong sa bulilit rappers ng Makati.

“Overwhelming kasi nakatulong din ako sa kanila kasi maraming gustong tumulong. Maraming nago-offer ng tulong para sa mga bata,” kuwento ng video uploader na si Nicolo.

Bawat salitang binibitawan ng bulilit rappers, kumakatawan sa kanilang mga karanasan. At ang bawat tugma, sumasalamin sa mga ‘di biro nilang pinagdaraanan.

“May pangarap kami sa buhay namin, kahit mahirap po kami,” pagtatapos ni Ralph.---Joseph Sonajo/ARP, GMA Public Affairs

 

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.

Tags: kmjs11