SUPER LOLAS: Ang kuwento nina Lola Amalia at Lola Fredesminda

Sina Lola Amalia at Lola Fredesminda ay mga tindera ng kendi at softdrinks. Araw-araw matiyagang tinutungo ng magkapatid ang bangketa ng Pasig para magtinda. Ang kinikita nila mula rito ang pinangtutustos nila sa araw-araw. Maganda man o masama ang panahon, nariyan sila kahit pa may iniindang karamdaman si Lola Amalia.
Marangal na trabaho
Tubong Naga, Camarines Norte sina Lola Fredesminda at Lola Amalia. Nang makapagtapos ng high school, nagdesisyon ang dalawa na lumuwas ng Maynila dahil na rin sa hirap ng buhay nila sa Bicol.
Bitbit ang pangarap ng mas maayos na buhay, namasukan muna bilang tindera sa bookstore ang dalawa, hanggang naisipan nilang magtinda.
“Mas maganda po kasi na wala kang amo, na kahit na ganun lang ang tingin ng tao, napakababang klaseng trabaho pero marangal po naman, ‘di ba?,” ayon kay Lola Amalia.
Madalas mang hindi sumapat ang kanilang kinikita sa gastusin sa araw-araw, iniisip ni Lola Fredesminda na walang dapat ikahiya sa kanilang sitwasyon.
“Hindi naman ako nanghihingi sa kanila, wala akong pakialam, basta kumakain kami nang maayos sa araw-araw. Ang panggastos namin ay nakukuha namin [ng] wala kaming piniperwisyo na kapwa namin.”
Naniniwala ang magkapatid na habang may lakas pa sila ay dapat lang na magtrabaho at magtinda sila. Hindi maganda na ipinanglilimos nila ang ipinangraraos sa araw-araw.
Sandigan
Sa Maynila, natagpuan ni Lola Fredesminda ang nagpatibok ng kanyang puso na si Lolo Rafaelito. Hindi man nabiyayaan ang dalawa ng anak at nawala rin dahil sa sakit sa atay si Lolo Rafaelito, ‘di naman naiwang nag-iisa si Lola Fredesminda. Ang magkapatid na Lola Amalia at Lola Fredesminda ang magkatuwang ngayon sa buhay.
Nagpapasalamat ang dalawa sa biyaya ng isa’t isa. Sabi nga ni Lola Amalia, “Mahal na mahal ko po siya nang higit pa sa buhay ko kasi po siya lang po ang nakakaintindi sa akin at ang aking pangangailangan.”
Gusto rin naman ni Lola Fredesminda na siya mismo ang mag-alaga sa kapatid lalo na’t mahirap ang kondisyon nito. Nabulag ang kanang mata ni Lola Amalia dahil sa katarata kaya naman hirap na itong kumilos at makakita.

Bagong simula
Mula ng i-post ni Marie Destreza ang larawan ng magkapatid sa social media, nagkaroon ng bagong pag-asa ang dalawa. Kasabay ng pag-viral ng post, bumuhos rin ang tulong para sa kanila.
Bukod sa pinansyal na tulong hatid nina Marie at ng kanyang grupo, nakatanggap rin ng konsultasyon sa isang ophthalmologist at libreng salamin si Lola Amalia para sa kanyang katarata. Nabigyan rin ng pagkakataon ang magkapatid na makasama sa pension program ng DSWD.
Lubos ang pasasalamat nila Lola Amalia at Lola Fredesminda para sa lahat ng tulong ni Marie at ng kanyang grupo para sa kanila. Para kay Lola Fredesminda, ang viral post sa social media ang sagot sa matagal na nilang dasal, “Makakuha naman kaming kaunting puhunan at saka tirahan, 'yun naibibigay na tulong sa amin. Kaya masaya po ako.” ---Carla Quizon/BMS, GMA Public Affairs
Para sa mga nais maghatid ng tulong kina Lola Amalia at Lola Fredesminda, maaari pong makipag-ugnayan kay Ms. Marie Destreza sa numerong 09268803732.