Mega jackpot: Ang tunay na premyo ng Trio Milyonaryo
“Gusto n’yo bang kayong tatlo ang maglaro sa jackpot round?”
Ito ang tanong ni Willie Revillame sa tatlong natirang contestants sa Wil of Fortune segment ng programang Wowowin noong ika-26 ng Oktubre. Mula kasi sa anim na naglaban-laban, nag-triple tie sina Eunice Valdez, Casey Callos at Bernard Sambajon sa huling bahagi ng laro.
Dito na humirit si Bernard na sana ay walang umuwing luhaan sa kanilang tatlo na agad namang pinagbigyan ni Kuya Wil! Sa kauna-unahang pagkakataon, ang dapat na magkakalaban, lakas loob na nagkampihan para maiuwi ang mega jackpot

Ang problema ngayon nina Eunice, Casey at Bernard: paano hahatiin ang napanalunang kotse, house and lot at isang milyong piso nang walang samaan ng loob?
Si Eunice at ang kaniyang tapang
“No’ng umabot na ng 100,000 ‘yung tawad ni Kuya Wil, nagpe-pera na sila [Casey at Bernard]. Ako naman, sabi ko, ‘i-push na natin ‘yung kahon kasi minsan lang naman tayo mapunta dito e,’" kuwento ni Eunice.
Dahil siya raw ang buong tapang na nanindigan na piliin ang gintong kahon na naglalaman ng mega jackpot, sa kaniya raw dapat mapunta ang isang milyong piso dahil gagamitin daw niya ang pera upang maituloy ang kaniyang pag-aaral na naudlot dahil sa kakulangan sa pera.
Mayroon naman daw kasi silang sariling bahay kaya’t ang pinaka-praktikal na piliin ay ang isang milyong piso upang mabayaran na rin ang lahat ng utang ng kanilang pamilya.
“Hindi pa rin ako makapaniwala kasi, kailan mo mapupundar ‘yung isang milyon? Parang sobrang blessing po talaga sa akin saka sa aming tatlo,” pagtatapos ni Eunice.
Kanino kaya mapupunta ang house and lot at kotse?

Si Casey at ang kaniyang pangarap na house and lot
Audition pa lang upang mapabilang sa mga contestant, dalangin na ni Casey na matisod ang house and lot na papremyo ng programa. Ilang beses na rin kasing nagpapalipat-lipat ng bahay sina Casey at minsan, napapalayas pa.
Sa kasalukuyan, sa tabing ilog sa Commonwealth nangungupahan ang pamilya ni Casey. Bilang single mom, prayoridad niya ang maayos na tirahan para sa tatlong anak na kaniyang itinataguyod nang mag-isa. Kaya ang house and lot, dapat daw ay sa kaniya mapunta.
“Dahil may anak ako, mas priority ko ‘yung prize na makuha ko ay house and lot. ‘Yung gusto kong style ng bahay, kaya ko nang paunti-unting ayusin. ‘Yun lang talagang house and lot,” paliwanag ni Casey.
Ang kotseng natitira, kay Bernard na yata talaga. Kumusta kaya ang naging pagtanggap ng binata dito?

Si Bernard at ang gulong ng kaniyang kapalaran
Ang nag-iisang lalaki sa tatlo, suki na talaga ng mga pa-contest sa telebisyon. Sa katunayan, ikalawang beses na niyang sumali sa Wowowin ngunit ito ang unang beses niyang manalo. Kaya kahit ano man ang mapunta sa kaniyang premyo sa hatian nilang tatlo nina Eunice at Casey, maluwag sa loob daw niyang tatanggapin.
“Lahat naman kasi ‘yun [premyo] mahalaga. Kung ano man po ang mapunta sa akin do’n, tatanggapin ko,” pagbabahagi ni Bernard.
Dagdag pa ng binata, marami naman siyang puwedeng magawa sa mapupuntang sasakyan sa kaniya.
“‘Yung sasakyan, puwede ko kasi siyang ibenta, and then gamitin ko sa ibang bagay, sa ibang business na gusto ko. Then, savings for future din.”

Ang tunay na premyo para sa Trio Milyonaryo
Hindi man nila inaasahan ang mga naganap sa kanilang buhay dahil sa simpleng biro ni Bernard na sana ay walang uuwi nang luhaan, lubos na ipinagpapasalamat ng tatlo ang biyayang kanilang natanggap.
Bukod sa isang milyon, house and lot at kotse na kanilang napanalunan, mayroon pa raw isang premyo na para sa tatlo, hindi matutumbasan ng kahit anong bagay: ito ang mga bagong kaibigang natagpuan nila sa isa’t isa.
“Parang nakabuo kami ng panibagong pamilya, ‘yun ‘yung hindi mo kayang bayaran e. Sabi ko nga, even nakuha namin ‘yung prizes namin, sana ganun pa rin, yung nagkikita kami, parang normal na family na,” pagbabahagi ni Casey.
Ayon sa isang kasabihan, maging malapit daw sa iyong kaibigan pero mas maging malapit din sa iyong mga kalaban. Dahil sinong nakaaalam, baka sila pa ang maging daan upang makamtan ang inaasam na mega jackpot.---Joseph Sonajo/BMS, GMA Public Affairs
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.