Katuparan ng birthday wish ni Lolo Alfredo
Mapapa-comment ka ng “Faith in humanity restored!” kapag napanood mo ang nag-viral na video ng mga magkaka-klaseng sina Carla at Shannie sa pagsorpresa sa isang lolong palaboy.
Sa panahon ngayon, hindi pa pala nauubos ang mga nagmamalasakit kahit pa sa mga estranghero.
“Wala na kase ‘yung lolo ko sa side ng mama ko, kaya kahit hindi ko mapadama sa lolo ko na mahal ko siya, gusto ko naman maipadama sa ibang lolo,” paliwanag ni Carla, ang estudyante na nanguna sa pagsorpresa kay lolo.
Ang lolo na ito ay si Alfredo Salaver at ipinagdiriwang niya ang kanyang ika-97 na kaarawan. Dahil wala ng pamilya at tirahan, halos isang taon na raw siyang namamalagi dito sa labas ng University of San Juan Recoletos sa Cebu, City.
“Naaawa po ako kasi nakaupo lang siya at nakatulala, pero hindi naman siya nanghihingi,” sabi ni Shannie, kaklase ni Carla. “Kaya minsan binibigyan namin siya ng pagkain.”
Kadalasan, nakasalampak sa isang sulok ang matanda. Ang ilang mga guro at estudyante ay binibigyan siya ng pagkain para kahit papaano ay makatulong. Nang kinalaunan ay nag-desisyon ng tuluyang kupkupin ng pamilya ni Carla si Lolo Alfredo.
“Sinubukan namin siya ipakupkop sa “Home for the Aged” pero hindi siya tinanggap doon,” sabi ni Carla. “Kaya kahit hirap man kami sa buhay, napagpasyahan kong kupkupin nalang si lolo.”

Birthday wish ni Lolo Alfredo
Ang tanging hiling daw ni Lolo Alfredo para sa kanyang ika-97 na kaarawan ay makapiling muli ang kanyang asawa at mga anak bago pa siya pumanaw.
Matapos ipalabas sa huling episode ng “Kapuso Mo, Jessica Sojo” (KMJS) ang kwento ni Lolo Alfredo, nakatanggap ng text message si Carla galing sa isang anak na matagal nang hinahanap ni lolo!
Ang pangalan daw ng nag-text ay Violeta, 54 at ang kanyang kapatid naman ay si Maria Conchita o Chit, 52. Sila raw ang mga anak ni lolo Alfredo.

Lolo Alfredo sa KMJS
Noong napanood ni Violeta ang ama sa telebisyon, ayaw pa niyang maniwala na siya talaga iyon.
“Noong una ayaw kong maniwala na tatay namin iyon kasi ang daming iba-iba sa kuwento,” sabi ni Violeta. “Pero noong sinabi na niya na “Pilar, my love” doon mas tumibay paniniwala ko na siya iyon.”
Nang marinig ang pangalan ng kanyang ina, agad niyang tinawagan ang kapatid na si Chit na manood ng TV.
“Tumawag iyong kapatid ko, nandoon na ata ‘yung tatay natin sa TV,” sabi ni Chit.
Naisip ni Violeta na ilang taon na ang nakalipas, wala naman sigurong masama na hanapin nila ang kanilang ama. Lalo na at ilang dekada na rin silang hindi nagkikita.

Sina Violeta at Chit
Noong sila ay mga bata pa naging maayos naman ang kanilang pamumuhay kasama ng lola at tiyahin. Ngunit nang pumanaw na ang mga ito, nagsimula na silang maghirap dahil tanging ang ina lang nila ang bumubuhay sa kanila.
“Strikto sina [tita at lola] pero maayos nila kaming pinalaki. Sabi sa amin patay na si tatay at tomboy naman si nanay kaya nilayo nila kami sa kanya,” sabi ni Violeta. “Pero nang mawala sila kinuha na kami ni nanay at naghirap kami, tipong sardinas lang ang laging ulam.”
Dahil sa hirap ng buhay ay naglayas si Violeta at nagpalaboy-laboy na lang. Hindi nagtagal siya ay umibig at nang di kinalaunan ay nabuntis. Dahil sa dami ng kanyang pinagdaanan hindi niya maiwasang sisihin ang ama.
“‘Yung mga lalaki kong nami-meet in life, parang naramdaman nila ang desperasyon ko sa isang ama,” sabi ni Violeta. “Kaya ‘yung mga lalaking minahal ko nag-take advantage sa akin.”
Si Chit naman ay wala ng gaanong maalala sa kanyang ama at piniling manirahan kasama ang kanyang ina. Wala rin siyang kinimkim na sama ng loob sa kanyang ama.
“Wala na talaga ako maalala about him, ang natatandaan ko lang sa Pampanga kami nakatira, palipat-lipat ng bahay,” sabi ni Chit. “Maraming nagtatanong sa akin kung napatawad ko na ba ang aking ama, bakit ko papatawarin eh ni minsan naman eh hindi ako nagalit?”
“Ganon ako lumaki, tinanggap ko na lamang na ang buhay ay di perpekto, natuto akong maging independent kaya wala akong nararamdaman na pangungulila or kahit na ano,” sabi ni Chit.
Malipas ang ilang taon, handa na raw ang magkapatid na makitang muli ang kanilang ama. Kaya naman sa tulong ng KMJS, lumipad ang magkapatid patungong Cebu para sa isang family reunion.

Birthday Celebration Part II
Sa pagdating nina Violeta at Chit, naghanda sina Carla at ang kanyang pamilya ng isang munting salo-salo para kay Lolo Alfredo.
Nang malaman ito ni Lolo Alfredo, labis ang kanyang tuwa. Wala siyang kamalay-malay na matutupad na ang kanyang birthday wish na makasama ang mga hinahanap na anak.
“Sobrang masaya ako na nakapiling ko na muli ang aking mga anak,” sabi ni Lolo Alfedo. “Wala na akong hihilingin pa kung hindi ang makasama sila uli.”
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs. ---Miah Romualdo/BMS, GMA Public Affairs