Ang tatay kong OFW
Ilang linggo na lang at Pasko na.
Kaya naman ang mga bata, hindi mapigilan humiling sa kanilang mga magulang ng kung anu-anong regalo.
Pero sa isang bahay sa Dangcagan, Bukidnon, tila hirap ang nanay na si Icar David sa pagtupad sa hiling ng anak.
Paano ba naman, ang gusto ng anak na si Ayn ay mabuo ang kanilang pamilya ngayong Pasko.
Madaling sabihin, mahirap gawin.
Dahil ang amang si Joemar ay isang OFW (Overseas Filipino Worker) sa Maldives.
Ang hinagpis ng isang anak
Kapag anak ng OFW, inaasahang may pasalubong lagi na tsokolate, laruan, sapatos at damit.
Pero sa saglit na oras ng kasiyahan kasama ang buong pamilya, kasunod naman nito ay ilang buwan o taon na pangungulila dulot ng pangingibang bayan.
Sa isang video na nag-viral sa social media, makikita ang isang bata na walang tigil sa pag-iyak habang hinahatid ang amang OFW sa airport.
Naglulupasay at halos kumapit na sa katawan ng ama, rinig sa video ang bata na nagmamakaawa na ‘wag siyang umalis.
Ang bata sa video ay natagpuan ng ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’ team sa Dangcagan, Bukidnon.
Siya si Ayn, 5 taong gulang at ang panganay nina Icar at Joemar.
Masayahin at pala-kaibigan na bata si Ayn, at aminado na isang Daddy’s girl.

Kaya naman sa tuwing aalis at lilipad muli patungong ibang bansa ang daddy niya, labis kung maapektuhan ang bata. Sa katunayan, isang linggo na ang lumilipas simula ng umalis ang kanyang tatay, pero si Ayn – hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin.
Kuwento pa ni Icar, isang araw bago umalis ang kanyang mister, ipinasyal pa raw ni Joemar ang kanyang mag-anak.
“Maiksi lang kasi ‘yung bakasyon ng mister ko this time. Around 12 days lang kaya sinulit talaga namin ‘yun,” ani Icar.
Pero tila alam na raw ng bata na malapit nang umalis ang ama, si Ayn kasi, hindi na halos humihiwalay sa kanyang tatay.
Hanggang ihatid na nga nila si Joemar sa airport.
Dito, hindi na napigilan ng bata ang maging emosyonal. Kahit ang nanay ni Ayn, nahirapang pakalmahin ang anak.
“Matagal-tagal din ‘yung pagwawala niya sa airport. Nung time na ‘yun, hinayaan ko na lang siya kasi precious moment nila ‘yun ng daddy niya,” sabi ni Icar.

Lumaki sa piling ng iba
Walong taon ng OFW ang mag-asawang Joemar at Icar. Kaya si Ayn, lumaki talaga sa pangangalaga ng kanyang Lola Bing at Lolo Jun.
Sa Dubai unang nagtrabaho ang mag-asawa hanggang sa nalipat sila sa Maldives.
Dating kitchen staff sa isang resort si Icar sa Maldives. Ang asawa naman nitong si Joemar, nagtatrabaho rin sa parehong resort bilang isang service crew.
Kung para sa iba paraiso ang kanilang pinagtatrabahuhan, para kay Joemar, hindi pa rin daw matutumbasan ng kahit anong magagandang tanawin ang pangungulila niya sa kanyang mag-iina.
“Bilang isang tatay, masakit sa pakiramdam at mahirap tanggapin iiwanan mo yung pamilya mo,” sabi ni Joemar.
At dahil dalawang beses lang sa isang taon kung umuwi sa Pilipinas sina Icar at Joemar, may pagkakataon pa nga raw na ang kanilang panganay na si Ayn, hindi na raw sila nakikilala.
“Nung malapit na mag-limang taon si Ayn, nag-decide talaga kami na at least kahit isa sa amin, nandito para makasama siya,” kwento ni Icar. “Ayoko kasi na makikilala kami ng anak namin na parang stranger na lang kami. ‘Yun bang iniisip na tito or tita lang kami.”

Kaya para matutukan ang paglaki ni Ayn, si Icar ay nagdesisyon nang manatili rito sa Pilipinas habang si Joemar ang patuloy na magtatrabaho abroad.
“Napag-usapan namin ng mister ko na pag umuwi ako, ay magsisimula kami ng business,” batid ni Icar. “At sana sa awa ng Panginoon, pag ito ay lumago ay makakauwi na siya dito sa amin.”
‘Yun nga lang, tila hirap tanggapin ni Ayn ang kanilang sitwasyon.
Ang Pasko na hindi kumpleto ang pamilya
Samantala, gustuhin man daw ng mister ni Icar na magkasama-sama sila tuwing Pasko, hindi raw nito magagawang umuwi sa panahong ito dahil sa kanyang trabaho.
“Malungkot ang malayo sa pamilya lalo na at mayroon ka ng anak. At pati na rin ‘yung asawa mong nami-miss ka palagi. ‘Yun ang isang struggle ng isang OFW.” Malungkot na kwento ni Joemar.
Gayunpaman, salamat daw sa teknolohiya ngayon, kahit papano’y napaglalapit nito ang milya milya nilang distansya.
At ngayong papalapit na ang Pasko, si Ayn mayroong hiling. Ang maging buo sana ang kanilang pamilya.
Pero dahil malayo ang kanyang Tatay Joemar, ginamit na lamang ni Ayn ang Internet para maipahayag kung gaano niya ka-miss ang ama.

Ang buhay ng pamilya ng isang OFW
Sabi nga nila, ang mga paliparan ang isa sa pinakamasaya at pinakamalungkot na lugar sa buong mundo.
Dito kasi muling nagkakasama at nagkakahiwalay ang mga pamilya at iba pang nagmamahalan.
Pero paano nga ba ipapaliwanag sa isang bata kung bakit kailangan nilang magsakripisyo at magkahiwa-hiwalay?
Kaya naman hiling ng pamilya ni Icar, kasama ang libo-libong pamilya na may kamag-anak na OFW, sana dumating ang panahon kung kalian bawat pamilyang Pilipino ay buo tuwing Pasko.
At kailan man ay hindi na kailangang magwatak-watak para lang magkaroon ng magandang kinabukasan. -- Zebadiah Cañero/BMS, GMA Public Affairs
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.