ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Lights, camera, action: Pagkikita ng nagkawalay na kambal


Makalipas ang 56 na taon, sa wakas ay nagkita na ang magkapatid na Tere at Marites.

Mayroon daw pitong pangunahing sangkap sa paglikha ng isang magandang soap opera: bida, back story o nakaraan, kontrabida, plot twist, climax, resolusyon at dapat abangan.

Sa pagbuo ng isang obra, dapat daw kumpleto ang mga sangkap—walang labis, walang kulang. Dapat ang kuwento, may kurot at aksyon. ‘Yung tipong susubaybayan at talagang hindi bibitawan.

Narito ang isang perpektong halimbawa.

Ang Dalawang Bida

Sa kwentong ito, mayroong dalawang bida.

Ginawa raw ni Tere ang lahat ng kaniyang makakaya para mahanap ang kaniyang ina at kakambal ngunit hindi siya pinalad.

Ang isa ay si Maria Teresa Banez o Tere ng Parañaque City, isang dating Overseas Filipino Worker na pinili na lang manalagi rito sa Pilipinas kasama ang pamilya. Mayroon siyang pitong anak na solo niyang itinataguyod ngayon. Si Tere, isang perpektong ehemplo ng huwarang ina at ama.

Lumaki sa marangyang buhay ang 56 taong gulang na si Marites pero hindi raw nito napunan kailanman ang lungkot na nadarama sa pagkakawalay sa kakambal.

Ang pangalawa naman ay si Maria Theresa Baculfo o Marites na naninirahan naman sa Leyte. Biyuda na rin siya sa kaniyang asawa kaya mag-isa na niyang binubuhay ang pamilya na nakadepende na lang sa kaniya. Si Marites, isa ring mabuting ilaw at matatag na haligi ng tahanan.

Bukod sa magkatunog na pangalan at pagiging isang mabuting magulang, may iba pang pagkakapareho ang dalawang Ginang. Si Tere at Marites, kapwa ampon. Ang mas nakagugulat, sabay silang ipinanganak noong Pebrero 12, 1960. May koneksyon nga ba ang dalawang ito o sadyang nagkataon lamang ang kanilang pagkakatulad sa maraming aspeto?

Ang Nakaraan

Sa probinsiya ng Cotabato, isang ginang na nagngangalang Matilda ang nawalay sa kaniyang kambal matapos niya itong ipanganak limang dekada na ang nakararaan. Ang isa niyang anak, inampon ng isang nurse at pharmacist ng ospital kung saan siya mismo nanganak. Samantalang hindi niya alam ang pinatunguhan ng isa pa niyang supling.

Sinubukan naman niyang ipaglaban ang kaniyang mga anak ngunit sadyang may mga taong hindi sila matanggap.

Kontrabida

Sa istoryang ito, mayroon ding mga kontrabida.

Nagkahiwa-hiwalay ang mag-iina dahil sa mga taong tutol sa pagbubuntis ni Matilda—ang kaniyang sariling pamilya. Palibhasa’y marangya ang kanilang pamumuhay, hindi nito matanggap ang maaga nitong pagbubuntis.

Itinakwil si Matilda ng kaniyang mga magulang kasama na rito ang mga supling sa kaniyang sinapupunan. Ang pamilyang ito ang naging dahilan sa ng mag-iina.

Twist

Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana.

Limang dekada ang nakalipas, muling nagkaroon ng liwanag ang madilim na bahagi ng kanilang buhay nang dahil sa isang maling akala.

Kamakailan lang habang pauwi si Tere galing sa ospital matapos magpa-check-up, napagkamalan siya ng isang babae bilang si Marites.

“Marites! Ikaw ba ‘yan?” sigaw nito.

Nagulat agad umiling si Tere sapagkat alam niyang hindi Marites ang kaniyang palayaw. Ngunit naging mapilit ang babae na nagsabing siya raw si Marites dahil kamukhang-kamukha niya raw ito.

Nang sandaling iyon, naalala ni Tere ang kuwento sa kaniya ng mga taong umampon sa kaniya noon. Ayon sa mga ito, mayroon siyang kakambal at ang susi para sa kanilang muling pagkikita ay mahahanap sa isang diary.

Climax

Gaya ng mga  teleserye, siksik din sa umaatikabong eksena ang kuwento ng ating dalawang bida.

Sa naganap na aksidenteng pagkikita nina Tere at ng estranghera, hiningi na nito ang pagkakakilanlan ng babaeng tinutukoy niyang si Marites.

Agad niya itong hinanap sa Facebook at nang makita ang kaniyang account, dali-dali niyang tinawagan ang numerong nakalagay doon.

Iyak nang iyak si Marites nang malamang buhay pa ang kaniyang kakambal. Hindi niya kailanman naisip na posible pa silang magkita muli.

Sa unang pagkakataon, narinig nila ang boses ng isa’t isa. Natawag sa kani-kaniyang pangalan. Nakapag-kumustahan. Sa kabilang linya, hindi makapaniwala si Marites. Buong akala kasi niya ay imposible na niyang makitang muli ang kakambal na matagal nang nawalay sa kaniya.

Sinubukan nilang mag-videocall at laking gulat nila ng makita ang isa’t isa—magkamukhang-magkamukha sina Tere at Marites. Walang duda ang koneksyon nilang dalawa!

Matapos nito, naikuwento ni Tere sa mga kamag-anak ng umampon sa kaniya ang mga nangyari.

Nagkataon namang natagpuan na ng kapatid ng umampon sa kaniya ang diary na matagal nang hinahanap ni Tere.

Resolusyon

Walang mapagsidlan ng tuwa ang magkapatid na Tere at Marites sa kanilang pagkikita.

Kamakailan lang, napagpasyahan ng magkapatid na magkita na sa wakas.

Ang pantalan sa Maasin na paboritong pasyalan noon ni Marites ang magiging saksi sa kauna-unahang pagkikita ng magkapatid makalipas ang mahigit limampung taon sa loob ng sinapupunan ng kanilang ina.

Walang mapagsidlan ng tuwa ang magkapatid na Tere at Marites sa kanilang pagkikita. Bitbit ni Tere ang diary at ang pag-asang sa wakas ay mayayakap na nila ang isa’t isa.

Mala-soap opera man sa unang tingin, pero ang kwentong ito, hango sa totoong buhay at kaganapan.

Nagkita na ang magkapatid. Ang maraming taon ng pangungulila, sa wakas ay mapupunan na. Ngunit ang tanong ng marami: buhay pa kaya ang kanilang ina? Muli pa kaya nila itong makikita?

Ang kasagutan.

Abangan!--- Jules Garcia/BMS, GMA Public Affairs


Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.