Sining, tradisyon at kasaysayan: ang Simbang Gabi sa Iloilo
Sining. Tradisyon. Kasaysayan.
Dito sa Iloilo, hindi lamang pagkain na bida tuwing Pasko ang ating bibisitahin. Dadayuhin din natin ang mga simbahan na may kani-kanilang kuwento na ipinagmamalaki.
Tigbauan Church
Pagpatak ng madaling araw, sabay-sabay na pinapatunog ng mga simbahan ang kani-kanilang mga kampana bilang hudyat ng Simbang Gabi.
Ngunit dahil sa tagal ng panahon at dahil na rin sa teknolohiya na mayroon tayo ngayon, kaunti na lamang ang mga simbahan na may totoong kampana dahil karamihan ay gumagamit na lamang ng recorded na bersyon nito.
Dito sa St. John of Sahagun Parish o mas kilala bilang Tigbauan Church ay makikita mo ang ipinagmamalaking kampana ng kanilang bayan.
Taong 1575 nang itinayo ang simbahan kaya bakas sa itsura nito ang isang istraktura na napaglipasan na ng panahon.
Sa katunayan, isang mala-kuwebang lagusan na pinamamahayan na ng mga paniki at marupok na daanan ang kailangang tahakin palagi ng kampanerong si Nonoy para lamang patugtugin ang kampana.
Sa halos 25 na taong serbisyo niya sa simbahan, sanay na si Nonoy sa kanyang tinatahak araw-araw ngunit doble-ingat pa rin siya sa tuwing umaakyat dito.
Sining sa simbahan
Kabilang sa mga bagay na ipinagmamalaki ng Tigbauan Church ay ang mga disenyo ng mosaic na makikita sa mga pader nito.

Nakalarawan dito ang mahigit 20 na iba’t ibang imahe kabilang ang kapanganakan ni Hesus, pati na rin ang kanyang mga apostol.
Ang lumikha ng proyektong ito ay si Tino Soriano, na sinimulan ang pagdisenyo sa simbahan noong 1990.
Hindi naging madali para kay Tino ang paggawa ng sining na ito at sa katunayan ay malaki ang inilabo ng kanyang paningin dahil dito.
Pero hindi niya ininda ang hirap at pagod dahil lahat naman ng ito ay iniaalay niya sa tunay na star ng Pasko, si Hesukristo.
“Hindi importante na malaman pa ng mga tao na ako ang gumawa nito,” sabi ni Tino. “Ang mahalaga, alam ng Diyos na buong loob ko itong ginawa para sa Kanya.”
Jaro Cathedral
Dito naman sa bayan ng Mandurriao, may isang tradisyon na taon-taong ginagawa ng mga taongbayan bilang paghahanda sa kapaskuhan – ang ‘Viva Parol,’ isang tradisyon na mahigit 50 na taon na ang tanda.
Pagtapos ng Simbang Gabi sa Jaro Cathedral, magtitipon-tipon na ang mga tao sa kalye ng Arguelles sa likod ng simbahan para mangaroling.

Mga bata, matanda, kahit saan ka tumingin, lahat ay may hawak na parol at sabay-sabay na kinakantahan ang mga bahay sa saliw ng mga iba’t ibang kanta na pang-Pasko.
Isa sa mga pumaparada taon-taon ay si Jolly. Bata pa lang daw siya ay sumasama na siya sa tradisyon na ito.
“Sa pamamagitan ng taunang kantahan na ito, mas nahihikayat namin ang mga kabataan na magsimba kasama ang kani-kanilang mga pamilya.”

Matapos mangaroling ay inaanyayaan sila ng may-ari ng bahay at hinahainan ng pagkain.
Simpleng taho, arroz caldo at pandesal lamang ang binibigay noon ng mga tao sa mga nangangaroling, pero ‘di nagtagal ay nagiging grande na rin ang inihahanda sa tuwing ginaganap ang Viva Parol.
Mandurriao Church
Pagkatapos ng kantahan, dumiretso naman tayo sa aktingan.
Dito sa Espousal of Our Lady Parish Church o Mandurriao Church ay pinaghahandaan na naman ng mga taong bayan ang taunang panunuluyan.

Ito ay isang pampaskong pagsasadula na nagkukwento sa Banal na Pamilya na naghahanap ng matutuluyan sa Bethlehem para sa kapanganakan ni Hesus.
Ang panunuluyan ay ginaganap tuwing bisperas ng Pasko. Magsisimula ang prusisyon sa imahe ni Joseph at Mary na itinataboy ng mga tao.
Sila ay hihinto sa tatlo o apat na bahay sa kanilang lugar na sumisimbolo sa mga bahay na ayaw pumayag na patuluyin sila.
Ang kakaiba sa ginagawa nilang panunuluyan ay nasa kanilang sariling wika na Hiligaynon ang gamit sa pagkwento sa mga pangyayari sa kapanganakan ni Hesus.
Sa selebrasyon ng Kapaskuhan, nawa’y panahon din ito para mapagtibay ang ating mga pananampalataya.
Lalo pa at ang pinakadiwa ng Pasko ay ang paggunita sa kapanganakan ni Hesus.
Mula dito sa Heart of the Philippines, malipayan nga paskwa mga Kapuso! -- Zebadiah Cañero/BMS, GMA Public Affairs
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.