ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Sea cucumber, Chinese tycoon, semi-precious stones


Episode on February 9, 2008 Saturday, 8:30 p.m. Sea Cucumber Isa sa mga paboritong isahog sa mga Chinese cuisine ang sea cucumber. Para raw itong taba ng baboy na kapag niluto, nagkukulay itim. Ang hindi natin alam, bago pa ito maihain sa ating mga hapag-kainan, halos buhay na ang itayang mga taong sumisisid dito. Sa Higantes Island sa Iloilo, makikita ang isang klase ng sea cucumber: ang bola bola. Mahal daw ito kapag ibinebenta sa merkado. Paano ba naman kasi, sinisisid ito hanggang sa lalim na 100 talampakan ng karagatan. Isa si Dodong sa mga maninisid sa Higantes Island na umaasa sa mga bola bola. Ito raw kasi ang pinambabayad niya sa matrikula ng kanyang kapatid. Kumita man siya ng isang daan araw-araw, katumbas naman nito ang araw-araw ding pagkalagay ng kanyang isang paa sa hukay. Compressor lang kasi ang ginagamit nila kapag sumisisid sila ng bola bola. Sisirin natin ang mundo ni Dodong kung saan ang sa ilalim ng karagatan, tila nagkakasalubong ang buhay at kamatayan. Buhay dahil ito lang ang paraan nila para mabuhay, at kamatayan dahil ito ang naghihintay sa kanila magkamali lang sila ng tantya ng hangin sa panghuhuli ng mga sea cucumber. Chinese tycoon Pagdating sa negosyo, tiyak na maasahan diyan ang mga Chinese businessman. Halos lahat nga ng mga malalaking kumpanya at korporasyon ngayon, sila ang nagpapatakbo. Pero kapansin-pansin din na karamihan sa kanila, nagmula dati sa hirap. Ngunit paanong nangyaring milyonaryo na sila ngayon at siyang mga pangunahing nagpapatakbo ng ating komersyo. Ngayong Chinese New Year, kakapanayamin ni Jessica Soho ang Chinese tycoon na si Mr. Alfredo Yao. Nagsimula siya sa wala at sumubok magbenta sa bangketa. Ngayon may-ari na ng Zesto Company, RC Cola at ng Asian Spirit. Ano nga ba ang sikreto ng mga negosyanteng Tsino? Semi-precious stone Kamakailan lang 10 container van na naglalaman ng pebbles o maliliit na bato ang kinumpiska ng Department of Environment and Natural Resources sa pier ng Navotas. Ilegal at walang permit kasi ang mga nag-angkat nito. Idagdag pa rito na ipinagbabawal ang sobra-sobrang pagkuha ng mga bato dahil nakasisira ito sa dalampasigan. Pero sa Luna, La Union, pamumulot ng mga pebbles at makukulay na bato ang pangunahing kinabubuhay ng mga residente rito. Bagama’t nagdudulot na ito ng pag-ikli ng baybaying-dagat, patuloy pa rin ang kalakaran dahil ine-export ito sa ibang bansa. Sa bayan naman ng Sibalom, Antique, semi-precious stones ang pambato nila. Ginagawa itong mga alahas, frames, at iba pang souvenir items. Yun nga lang, medyo primitibo pa raw ang mga produkto nila, wala pa raw kasi silang mga makabagong kagamitan para kinisin at pagandahin pa ang hugis ng kanilang mga pinagmamalaking bato. Mga may kapansanan na may natatanging kakayahan Sa kabila ng limitasyon sa pisikal na kakayanan, may mga Pilipino ang nagsusumikap upang maging kapaki-pakinabang. Ilan dito ay ang staff sa “People with Disability Restaurant" sa Nueva Vizcaya. Sa nasabing restaurant ang kanilang manager, naka wheel chair. Putol naman ang kamay ng kahera. Habang pipi at bingi naman ang ibang nagsisilbi. Gayumpaman, hindi ito naging balakid upang maayos nilang mapagsilbihan ang kanilang mga customer. Sa Palawan naman, sikat na sikat si Mang Juanito. Putol man ang kanyang mga kamay, pero eksperto pa rin niya ang panghuhuli ng alimango gamit lamang ang kanyang mga paa. Ang ilan namang estudyante sa Philippine National School for the Blind, laging performance level. Magaling daw kasi silang mag-Tinikling kahit wala silang paningin. Ilan lamang sila sa mga taong nagpapatunay na hindi hadlang ang kapansanan para maipamalas nila ang kanilang abilidad at kakayahan.