Kondisyong alopecia, tatalakayin sa 'Motorcycle Diaries'
Kambal ang sampung taong gulang na sina Darlene at Charmaine. Kambal din ang kanilang kapalaran dahil parehas silang nakikipaglaban sa isang kakaibang karamdaman. Mayroon silang alopecia areata na mas kilala sa tawag na ‘spot baldness’ o pagkakalbo sa ilang bahagi ng ulo. Araw-araw tila kalbaryo ang pagpasok nila sa eskwela. Tampulan kasi ng pangungutya ang patse-patse nilang buhok. Pero sa gitna ng mga hamong ito, walang pagod ang kanilang inang si Gina sa pagbibigay ng pagmamahal at suporta.
_2016_09_01_08_19_12.jpg)
Araw-araw namang nakikipaglaban sa kahirapan ang sitenta anyos na si Lola Nenita. Inaabangan niya ang trak ng gulay para mamulot ng mga nalalaglag na gulay. Matapos niyang linisin at ayusin ang mga gulay na reject, lanta at lasog na, ibinebenta niya ito sa bangketa. Sa kanyang edad ay dapat nagpapahinga na siya pero patuloy siyang nagbabanat ng buto para malamnan ang kumakalam na tiyan. Hindi na kasi nakapagtatrabaho ang kanyang asawa dahil sa kumplikasyon nito sa diabetes.
_2016_09_01_08_20_16.jpg)
Tutok na sa mga kuwento ng pagsubok at buong tapang na pagharap sa laban ng buhay ngayong Huwebe,s 10pm sa GMA News TV channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!