Dalawang huwarang ama, tampok sa Motorcycle Diaries
Araw-araw nilalakad ng sitenta anyos na si Tatay Choi ang mahigit dalawang kilometro papunta sa kanyang taniman sa itaas ng matarik bundok. Kailangan niya ring tumawid ng ilog. Malapit at madali lamang para sa karamihan ang paglalakad ng dalawang kilometro pero malaking hamon ito para kay Tatay Choi dahil sa kanyang kapansanan. Apatnapu’t limang taon na ang nakararaan ng maputol ang kanyang kanang binti dahil sa isang aksidente.

Pero kailanman, hindi raw naging hadlang ang kanyang kapansanan para maghanapbuhay. Naka-aakyat pa siya ng puno para mamitas ng mga bunga ng rambutan na kanyang ibinebenta sa bayan. Doble kayod siya para makatulong sa pagtataguyod ng pitong apo.

Hindi rin matatawaran ang pagmamahal at sakripisyo ng otsenta’t kuwatro anyos na si Tatay Conchito sa pag-aaruga ng dalawa niyang anak na may malubhang karamdaman. May muscular dystrophy o ang pagliit ng kalamnan o muscles ang dose anyos niyang anak na si Juanito at nuwebe anyos na si Angelo. Hirap kumilos at maghapong nakahiga ang magkapatid.
Dahil nasa dapithapon na ng kanyang buhay si Tatay Conchito, nangangamba siya para sa mga anak kapag dumating na ang oras na iiwan na niya ang mga ito. Mabigat man sa kanyang kalooban, ipinaubaya niya sa isang institusyon ang pag-aaruga sa kanyang mga anak para masigurong maayos silang maa-alagaan kapag siya’y tuluyan nang manghina.
Kamakailan, muling dinalaw ni Tatay Conchito ang nami-miss na niyang mga anak na sina Juanito at Angelo. Panoorin ang sa isang natatanging dokumentaryo, ang sakripisyo at pagmamahal ng mga huwarang ama ngayong Huwebe, 10 PM sa GMA News TV channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!