Malusog na bagong taon sa 'Pinoy MD'
Malusog at ligtas na Bagong Taon sa inyo mula sa Pinoy MD! Salubungin ang New Year kasama sina broadcaster Connie Sison, internist Doc Oyie Balburias, dermatologist Doktora Jean Marquez, cancer surgeon Doc Dave Ampil II at OB-Gynecologist Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor. Sa pinakahuling tala ng Department of Health, tinatayang may 3.36 milyong Pilipino ang diabetic. Maging ang aming resident OB-Gynecologist na si Dr. Q, mayroon nito. Nasa lahi raw nila ang pagkakaroon ng diabetes at anim na taon na rin siyang naga-adjust sa kondisyong ito. Malaking bahagi raw ng pagbabago ng lifestyle ng mga mayroon nito ay ang pag-iingat sa pagkain. Ngayong malapit na ang Medya Noche, dapat mag-enjoy pa rin ang mga diabetic. Sabayan si Dr. Q sa kanyang pagluluto ng chicken breast with chili powder and stir fry vegetables at mixed fruit salad na diabetic-friendly. Marami nang napaganda at napasaya si Dra. Jean sa pamamagitan ng Pinoy MD, balikan natin kung sino sila. May dagdag na bonus pa dahil isa sa aming Facebook page fans ang pakikinisin ng Derma ng Bayan. Highschool pa lang daw, tatad na ng tighiyawat ang mukha ni Czarina. Ngayon, nagtratrabaho na siya sa isang hotel at malaki raw ang pressure na maging presentable. Abangan ang pagbabago sa hitsura ni Czarina ngayong Sabado. Pagulungin ang suwerte sa inyong mga hapag-kainan sa pamamagitan ng aming Luto Lusog healthy desserts. Siyempre ang star- mga bilog na prutas! Namnamin ang sarap ng orange-pomelo crepe- na certifified na mayaman sa Vitamin C. Ang uso ngayong kiat-kiat o maliliit na orange puwede niyong ring gawing sangkap sa leche flan; rich in anti-oxidants kasi ang mga ito. At imbes na bumili o gumawa ng regular na matamis, puwede rin namang mag-watermelon cake na lang. Karaniwang kasabay ng pagse-celebrate ng New Year ang pagba-barbecue! Sa Sabado, ipakikita namin sa inyong di lang baboy ang masarap na ihawin. May iba ring healthy alternatives. May tips din si Doc Dave kung ano ang gagawin para hindi maka-cancer ang inyong mga niluluto. Panoorin ang Pinoy MD, Saturday 6 a.m. sa GMA-7!