Healthy Kalabasa Recipes, Ehersisyong Pang-buntis, at Doc, Totoo Ba? Special sa 'Pinoy MD'
Labing-anim na taong gulang na si John pero nasa Grade 1 pa lang siya. Nahihiya raw kasi siyang pumasok sa eskuwelahan dahil sa kanyang hitsura. Naglalangib kasi ang balat sa buong katawan ni John. Hindi kayang tustusan ng kanyang nanay ang pagpapagamot sa kanya dahil kapos ang kinikita nito mula sa paglalabada. Kaya naman mula nang siya'y ipanganak hanggang ngayon, di pa rin alam ni John kung ano ang kanyang karamdaman. Pero ngayong Sabado, mabibigyan ng sagot ang matagal nang tanong ni John at ng kanyang pamilya sa tulong ng mga doktor ng bayan. Kung noon di sila pinakikilos, ngayon inirerekomendang gumalaw-galaw at mag-ehersisyo nang kaunti ang mga buntis. Malaking tulong daw ang exercise di lang sa nagdadalangtao kundi pati sa sanggol na nasa sinapupunan ayon sa mga OB-Gynecologist. Kapag daw kasi malakas ang katawan at puso, at toned ang core muscles ng ina, mas mapadadali ang labor. Malaking tulong din daw ito para maibsan ang pananakit ng likod at para mabawasan ang constipation ng nanay. Siyempre, kapag di masyadong tumaba si mommy habang buntis, hindi siya mahihirapang magbawas ng timbang pagkapanganak. Kaya naman, kakaibang Banat Buto ang ipakikita namin sa inyo. Ehersisyo na pang-buntis, inyong abangan. Siksik sa sustansiya pero hindi masakit sa bulsa. Kaya naman dapat lang na ihain natin ang kalabasa sa ating mga hapag. Para makapaghanda ng pagkaing mayaman sa dietary fiber at anti-oxidants kontra-kanser, panoorin ang mga recipes sa Luto Lusog. Isa sa mga paboritong bahagi ng Pinoy MD ang Doc, Totoo Ba?. Dito kasi naitatanong ninyo sa mga eksperto sa medisina kung tumpak o ligwak ang mga paniniwalang nakagisnan na tungkol sa kalusugan. Ngayon, ilang mga tanong mula sa Pinoy MDFacebook account ang pagtutuunan ng pansin ng mga eksperto. Baka isa sa mga tanong na ito ay mula sa inyo kaya abangan ang sagot sa Sabado. Samahan sina Connie Sison, Dr. Jean Marquez, Dr. Dave Ampil II, Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor at Dr. Oyie Balburias sa paghahatid ng impormasyong pangkalusugan ngayong Sabado, November 3, 6-7am sa GMA 7.