Broken-hearted syndrome tatalakayin sa 'Pinoy MD'
Kung anong sarap daw na magmahal kapag magkasama, siyang sakit naman o higit pa kung magkahiwalay na. Noon, kapag may pinagdaraanan ang isang tao pagkatapos ng paglayo ng kanyang iniibig, damdamin lang ang isinasaalang-alang. Pero ngayon, ayon sa mga doktor, may paliwanag daw at may masamang epekto sa ating katawan ang lungkot na ito. Alamin ang detalye ng tinatawag na “broken-hearted syndrome” at kung paano ito matutugunan. Tahimik pero mabagsik, ganyan ang kanser. Para sa maraming babae na abala sa pag-aalaga ng pamilya at sa pagtratrabaho, karaniwang di nila agad nalalaman na mayroon na pala sila nito. Alamin ang mga istorya ng mga babaeng nagdurusa sa kanser sa suso, matris at baga – ang tatlong pinakakaraniwang kanser sa mga babae. Malalaman niyo rin mula sa eksperto kung paano makaiiwas sa mapaminsalang sakit na ito. Ayon sa pinakahuling National Oral Health Survey, 92.4% ng mga Pilipino… may sira ang ngipin. Dahil sa pagpapabaya at pati na rin sa kawalan ng impormasyon, marami sa atin ang may toothaches at tooth decay. Ano nga ba ang mga pinaka-epektibong paraan para mawala ang sakit ng ngipin? Paano malalaman kung dapat na bang bunutin o kung maisasalba pa ang ngipin? Sa nalalapit na pagdiriwang ng Chinese New Year, isa sa mga magandang matutunan natin sa lutong Tsinoy, ang paggamit ng mandarin oranges. Puno ang mga ito ng Vitamin C at mayaman pa sa fiber. Kung akala niyong panghimagas lang ang mga ito, sa Sabado matututunan niyong masarap din itong gamitin sa ulam. Sina Dra. Jean Marquez, Doc Dave Ampil II at Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor at ang nagbabalik na si Connie Sison ang makakasama niyo sa Pinoy MD. Manood sa Sabado, 6 hanggang 7 ng umaga sa GMA.