Brown rice recipes at alerto sa allergies sa 'Pinoy MD'
Say goodbye to summer and hello sa tag-ulan, mga Kapuso! Kapag ganito na ang panahon, dapat nang mag-ingat dahil mas uso na ang ubo at sipon. Pero mga Kapuso, bago uminom ng gamot kontra-ubo o sipon, tiyakin muna ang inyong kondisyon dahil baka allergy ang inyong nararanasan.
Ang mga magulang nga ayon sa mga eksperto, mas lalong dapat maging maalam. Ayon kasi International Study of Allergy and Asthma in Children (ISAAC), tinatayang 3 sa bawat 10 teenager na Pinoy ang may allergic rhinitis. Mataas ito kumpara sa antas ng sa ibang 37 bansang kasali sa pag-aaral. Ang pagbahing at pangangati, simpleng iritasyon lang ba o allergy na? Alamin ang sagot sa Sabado.
Pasukan na at para magtuloy-tuloy ang pagkakaroon ng tamang nutrisyon lalo ng mga bata, subukan ang brown rice recipes na tampok sa Luto Lusog. Matatakam kayo sa brown rice omelet at chao fan. Pati dessert sagot namin iyan sa pamamagitan ng banana brown rice pudding.
Hirap ang anim na buwang buntis na si Gladys sa kanyang pagkilos. Di lang daw ito sa bigat ng kanyang tiyan kundi dahil din sa bukol sa kanyang leeg. May goiter si Gladys at ang nakalulungkot, hindi siya nag-iisa. Ayon sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) noong 2007, halos walo sa bawat isang daang Pilipino ang may goiter. Ang Bicol, Eastern Visayas, Metro Manila at Cagayan Valley ang may pinakamaraming kaso. Pero ang maganda namang balita, maaaring agapan at maaari ring maggamot ang goiter. Katunayan mayroon ngang iodine capsule na isang inuman lang, puwede mo nang makuha ang kailangan mong iodine para sa buong taon! Ang mga detalye tungkol dito, ipapaliwanag sa inyo ng mga eksperto.
Noong 310 pounds ang bigat ng Australyanong si Joe Cross, di siya nakakikilos nang malaya, madali siyang mapagod at hirap siyang makabili ng damit na magkakasya sa kanya. Dahil daw sa sobrang pagkain at pabayang pamumuhay, lumobo ng todo ang kanyang katawan. Nang magkaroon siya ng auto-immune disease, natigilan daw si Joe. Ang kanyang bigat maaari na niyang ikamatay. Kaya nagpasya siyang mag- juicing. Sa loob ng dalawang buwan, katas ng gulay at prutas lang ang kanyang ininom. Dahil sa kanyang ginawa, nabawasan ng 100 pounds si Joe! Kamakailan, bumisita si Joe sa Pilipinas para magbigay ng payo sa iba pang hirap magpapayat at nagkakasakit na sa sobrang timbang. Abangan ang panayam ng Pinoy MD sa kanya.
Sa Sabado, sina Connie Sison, Doc Dave Ampil II, Dra. Jean Marquez, Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor at Doc Oyie Balburias ang inyong kaagapay para mas maging malusog kayo at ang inyong pamilya.
Panoorin ang Pinoy MD sa Sabado, 6 to 7 a.m. sa GMA.