ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang pigsa at paano ito maiiwasan?


Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account. 
 
Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Jet Calica:

Bakit po ba nagkakapigsa ang isang tao at paano po maiiwasan ang pigsa?

Sagot:


Ang pigsa ay impeksyon sa balat partikular sa ating pilosebaceous unit o ang bahagi ng balat kung saan naroon ang ating hair at oil glands

Tuwing mainit ang panahon, madalas na mairita ang bahaging ito ng ating balat lalu na kung madadampian ng maruming kamay o ‘di kaya ay makakaskasan ng makakapal na tela ng damit.

Nakukuha rin ito kung hindi malinis sa katawan ang isang tao gayundin kung mahina ang kanyang resistensiya, lalo na sa mga pasyenteng diabetic o mataas ang sugar level, at mga obese o mga taong sobra naman ang katabaan. Hindi kasi maganda ang daloy ng dugo sa kanilang katawan at nagiging mabagal ang healing process o paghilom ng kanilang mga sugat.

Ayon kay Dr. Jean Marquez, resident dermatologist ng “Pinoy MD,” isa sa mga sintomas ng pigsa ang pagkakaroon ng mapula at matigas na umbok sa balat.

“May kaunting swelling after the redness tapos matigas ‘yun. After mga 3 to 4 days, lumalambot ‘yun. Pagkatapos, magkakaroon ng mata at nana saka puputok. Usually in one week’s time pumuputok ito, 7-10 days,” dagdag ni Dr. Jean.

Sa unang sintomas pa lang ng pigsa, kailangang magpareseta na agad ng antibiotic para maiwasan kaagad ang impeksyon.

Kung sakali namang anemic ang nagkaroon ng pigsa, kinakailangang uminom ng iron supplements para maging maganda ang daloy ng dugo.

Heto pa ang ilang tips kung paano makaiiwas sa pigsa:

1. Uminom ng maraming tubig araw-araw para hindi ma-dehydrate.

2. Maghugas lagi ng kamay para maiwasan ang pagkalat ng bacteria.

3. Maging malinis din dapat sa katawan. Maligo at i-maintain ang tamang hygiene.

4. Mas mainam kung magsusuot ng loose clothing o maluluwag at preskong damit

5. Higit sa lahat, kapag dinapuan ng pigsa, huwag itong piliting putukin.

Ayon kay Dr. Jean, walang masama kung kusang pumutok ang pigsa, pero kung pipilitin itong tanggalin ay maaari itong makasama: “Ideally dapat na pumutok ito nang kusa o kaya pumunta sila sa doktor para kami mismo ang magpapaputok just to be sure na sterile ang environment kasi nga impeksyon na ito at bagsak ang resistensiya ng pasyente pwedeng hind imaging maganda at lumala pa lalo ang impeksyon.”

Ang samu’t saring sakit sa balat, katulad na lang ng pigsa, simple lang iwasan o solusyunan. Ang mahalaga ay panatilihin ang kalinisan sa katawan at kapaligiran.—Rica Fernandez/CM, GMA News
Tags: webexclusive