ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Tulong medikal para sa mga biktima ng bagyong Yolanda


Isang linggo matapos bayuhin ng super bagyong “Yolanda” ang gitnang Visayas, patuloy ang pangangailangan ng mga nasalanta. Ang pinaka-importante ngayon: pagkain, tubig at masisilungan. Dahil nasira rin ang maraming ospital at natangay ng baha ang kanilang medical supplies, di na rin lubusang matugunan ang mga pangangailangang medikal ng mga nasalanta.
 
Bukod sa Tacloban at iba pang siyudad at bayan sa Leyte, isa rin sa pinaka-napuruhan ang Iloilo. Dito nagtungo ang Pinoy MD, kasama ang ating resident internist na si Dr. Rolando Balburias na siyang Medical Director din ng isang malaking pribadong ospital sa Iloilo. Kasama ang isang grupo ng volunteer doctors, bibisitahin nila at ng grupo ng Pinoy MD ang ilang siyudad at bayan gaya ng Passi at Estancia para maghatid ng serbisyong medikal.
 
Bibisitahin din ng Pinoy MD ang ilan sa mga district hospital sa Iloilo para malaman ang kanilang kalagayan at kung anu-anong mga gamot at supply ang dapat maiparating agad sa kanila.. Alamin din ang mga babala mula sa mga eksperto tungkol sa mga sakit na dapat paghandaan matapos ang bagyo – mula leptospirosis, dengue, sakit sa baga, dehydration at iba pa.
 
Sa Maynila naman, kikilalanin ng Pinoy MD ang mga grupong nagpapahatid ng tulong sa mga nasalantang mga sanggol at mga bata. Ang una, ang mga breast-feeding moms na nagdo-donate ng breast milk sa Medela House at UP-Philippine General Hospital. Sisilipin ng Pinoy MD ang proseso ng ligtas na pag-iimbak at paghahatid ng gatas ng ina sa mga batang biktima ng bagyo. Bakit nga ba sinasabing mas ligtas pa ito kaysa ang pagdo-donate ng milk formula sa mga ganitong panahon? Tututukan din ng Pinoy MD ang posibleng maging epekto ng trahedyang ito sa pag-iisip at emosyon ng mga bata, lalu na ang mga naulila at nakaranas ng trauma dahil sa bagyo at storm surge.
 
Lahat ng ito tututukan ng inyong kaagapay sa kalusugan na si Connie Sison, kasama ang ating resident internist na si Dr. Rolando Balburias, dermatologist Dr. Jean Marquez, cancer surgeon Dr. Dave Ampill II at OB-Gynecologist Dr. Raul Quillamor ngayong Sabado, 6am sa GMA7.

Tags: plug, pinoymd