ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Sleep deprivation


Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Wacky Antonio ng Facebook:

Ilang oras ba dapat ang tulog ng isang tao? Ano ang dapat kong gawin kapag puyat ako?



Sagot:

Ayon kay Dr. Michael Sarte, isang sleep medicine specialist, mayroong takdang haba ng tulog na nararapat makuha ng bawat tao sa isang araw.

Sa mga sanggol na nasa tinatawag na “developing stage,” dapat tumatagal ang tulog nang 8 hanggang 10 oras. Habang nadaragdagan ang edad, bahagyang umiikli naman daw ang tulog na kailangan natin.

“Sa mga adolescent, 7 to 8 hours. Kapag adult kahit 5 to 6 hours, puwede na. Pero iyong mga senior citizen, ‘di ibig sabihin na kaunti na lang tulog nila. Kailangan pa rin nila ito.”

Kapag nakararanas ng “sleep deprivation” o kakulangan sa tulog ang isang tao, magkakaroon daw ng tinatawag na “sleep debt.” Ibig sabihin, kailangan itong mabayaran o mabawi. Pero paglilinaw ni Dr. Sarte, para masabing puyat ang isang tao, kailangang tatlong magkakasunod na araw siyang kinulang ng tulog.

Maaaring bumawi ng tulog, ngunit hindi raw ito dahilan upang hayaan na lang ang sarili na mapuyat. Ang pagpupuyat kasi, may masamang epekto rin sa kalusugan.

“Pag kulang sa tulog, humihina ang ating resistensya, dahilan para mabilis tayong kapitan ng sakit.”

Maaari ring makaapekto ang sleep deprivation sa ating mood, kabilang na riyan ang pagiging iritable at malungkutin.

Ang pinakamalubhang maaaring idulot ng pagpupuyat ay hypertension. Bumibilis kasi ang pagtibok ng ating puso kapag kulang sa tulog, kaya bumibilis din ang sirkulasyon ng ating dugo.

Payo ni Dr. Sarte para sa mga hindi makaiwas sa pagpupuyat: Palakasin ang resistensya. Ugaliing kumain ng masustansyang pagkain tulad ng mga prutas at gulay. Sikapin din na magkaroon ng healthy lifestyle.

Siyempre, wala pa ring tatalo sa pagkumpleto ng tulog. Kaya hangga't may pagkakataon, gawin daw ito. At para sa tuloy-tuloy na pagtulog, makatutulong kung pananatilihing kumportable ang iyong tulugan.

Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.

Mapapanood ang "Pinoy MD" tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7.