ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Myoma


Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Byron Anda Bargabina ng Facebook:

Ano po ang myoma? Paano po ito magagamot?

Sagot:

Ang uterine fibroid, na mas kilala sa tawag na myoma, ay isang klase ng tumor na tumutubo sa uterus o bahay-bata ng isang babae.

Ayon sa “Pinoy MD” resident OB-gynecologist na si Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor, hindi pa raw tukoy ang pinagmulan ng myoma, pero may kaugnayan daw ito sa produksyon ng estrogen sa katawan ng mga babae.

“Kahit sa adolescent, pwede [nang magkaroon ng myoma] up to the pre-menopausal. Habang nireregla pa iyong babae, habang may production pa ng estrogen, pwede silang magka-myoma.”

Kung ang isang babae ay mayroong kamag-anak na nagkaroon na ng myoma, malaki ang tsansa na magkaroon din siya ng tumor na ito.

Ayon pa kay Dr. Q, nakakapa lang ang myoma sa tiyan ng isang babae kung malaki at malala na ito, kaya dapat mas maging alerto sa mga sintomas nito.

Kabilang sa mga sintomas ng pagkakaroon ng myoma ang sobrang pananakit ng pelvic area at ng lower back. Kung may pakiramdam din na parang laging busog kahit hindi pa kumakain, posibleng may myoma ang isang babae.

Isa sa maaaring maging epekto ng myoma ang infertility o ang pagiging baog. Kapag napabayaan ang myoma at lumala, posible rin itong mauwi sa cancer. Kaya naman giit ni Dr. Q, mahalaga na magpakonsulta agad sa doktor kung nakararamdam ng sintomas nito.

“Ang babae, pwede siyang hindi magbuntis o mahirapan magbuntis dahil nga sa pagtubo ng myoma sa kanyang matres… Hindi dapat ipagwalang-bahala ang pagkakaroon ng myoma dahil mayroon itong dalang mga komplikasyon.”

Hindi naman daw kailangang mag-alala dahil hindi lahat ng myoma ay kailangang ipa-opera. Depende raw ito sa kaso ng pasyente. Pero kapag kailangang tanggalin ang bukol, pwedeng sumailalim ang isang babae sa myomectomy.

“Kung ang isang babae ay may myoma, kung single pa siya o bagong kasal pa lang, siyempre gusto pa niya magka-anak. Tinatanggal lang iyong bukol mismo, ang tawag doon myomectomy.”

Sa mga mas malalang kaso ng myoma, inirerekomenda ang hysterectomy. Sa operasyong ito, hindi lang bukol ang tinatanggal kundi maging ang mismong bahay-bata ng isang babae. Sinumang sumailalim sa ganitong operasyon, hindi na maaaring magkaanak. Nagkakahalaga ang hysterectomy ng P100,000 hanggang P200,000.

Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.

Mapapanood ang "Pinoy MD" tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7.