ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga maling paniniwala tungkol sa blood donation


Sa datos ng Philippine National Red Cross (PNRC), may bilang na 950,000 units ng dugo ang kinakailangan ng mga blood bank sa Pilipinas. Subalit sa kasalukuyan, mayroon lamang tayong bilang na 510,000 units.

Isang dahilan daw ng kakulangan ng supply ng dugo sa mga blood bank ang mga maling paniniwala tungkol sa blood donation. Kumonsulta ang Pinoy MD sa hematologist na si Dr. Catherine Rosales at sa Red Cross secretary general na si Dr. Gwendolyn Pang upang pabulaanan ang mga maling paniniwalang ito.

Ang mga taong nagpalagay ng tattoo, madumi ang dugo at ‘di na pwedeng magbigay ng dugo. 

“[Pagkalipas] ng anim na buwan matapos magpalagay ng tattoo, pwede nang magbigay ng dugo,” sabi ni Dr. Rosales.

Siguruhin lamang na sa lehitimong tattoo shop nagpatato at disposable needle ang ginamit proseso.

Iwasang mag-donate ng dugo kapag payat dahil baka maubusan ng dugo.

Hindi dahil patpatin ang isang tao, ibig sabihing hindi ligtas na siya’y magbigay dugo. Ganoon din sa mga matataba na madalas pinaniniwalaang hindi mauubusan ng dugo.

Paliwanag ni Dr. Pang, “Hindi porket mataba ibig sabihin malusog na. Depende iyan sa height ng tao. Kung mataba ka tapos maliit ka, hindi pwede.”

“Kapag payat ka naman pero tama ang height mo, puwede kang magbigay ng dugo,” dagdag niya.

Masakit ang pagkuha ng dugo.

Marami ang natatakot na magpakuha ng dugo dahil daw masakit ito. Ayon kay Dr. Pang, “May mararamdaman kang sakit sa pag-prick at pagkuha ng blood size pero hindi ganoon ka-sakit.”

Hindi naman din daw ganoon katagal ang mismomg pagkuha ng dugo mula sa ating ugat papunta sa blood bag.

“Sa actual naman na pagkuha ng dugo, 5 lang iyon out of the whole 30 [step process],” dagdag niya.


 Bernice Sibucao/CM, GMA News