ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang sanhi ng anemia?


Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Kharg Nidelia ng Facebook:

Ano ang sanhi ng anemia at ano ang dapat kainin ng mga taong may ganitong sakit?



Sagot:

Ayon kay Dr. Raul Quillamor, ang anemia ay isang kondisyon kung saan labis na bumababa ang bilang ng red blood cells sa dugo ng tao. Isa sa pangunahing sanhi nito ang kakulangan sa iron, isang uri ng mineral na nakukuha sa mga pagkain.

“Napatunayan sa mga pag-aaral na sa third world countries, isang pangunahing cause ng kakulangan sa iron ‘yung mga parasite na nagco-consume ng nutrients like iron,” ani Dr. Quillamor.

Maaari ring magdulot ng anemia ang labis na pagdurugo dahil sa sugat sa katawan. Sa mga kababaihan naman, isang karaniwang sanhi ng anemia ang menstruation kung saan sa buwanang paglalabas ng dugo ng katawan, kasamang nailalabas ang iron.

Ang mga palaging stressed at puyat, pinag-iingat din ni Dr. Quillamor. “Kapag na-stress ka o puyat ka, ang tendency is wala kang gana kumilos, wala kang gana kumain,” aniya.

Narito ang ilan sa mga karaniwang sintomas ng anemia:

1. Pamumutla ng balat, talukap ng mata, bibig at ang pamumuti ng mga kuko
2. Madalas at mabilis na panghihina at pagkahilo
3. Pagkalagas ng buhok
4. Hirap sa paghinga at mabilis na tibok ng puso

Kapag napabayaan ang anemia, maaaring lumala ang komplikasyon sa dugo at kailangang sumailalim sa blood transfusion ang isang pasyente.

Maaari naman daw maiwasan ang anemia sa pamamagitan ng tamang diyeta.
“Important ang meat especially red meat, mayaman ‘yan sa iron. ‘Yung itlog, mayaman sa protein na maaari ding makunan ng iron,” payo ni Dr. Quillamor.

Inirerekomenda rin ni Dr. Quillamor ang pagkain ng dark green leafy vegetables at ang regular na pag-inom ng iron supplements para maibalik sa normal ang bilang ng iron sa dugo. —Rica Fernandez/CM, GMA News